Kidlat ng Silanganan-Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo I(I)

Diyos, Ebanghelyo, Iglesia, Jesus,  pananampalataya,

Kidlat ng Silanganan-Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo I(I)

   Sa araw na ito tayo ay magpapahayag ng isang mahalagang paksa. Ito ay isang paksa na tinalakay na mula pa noong simula ng gawain ng Diyos maging hanggang ngayon, at ito ay may napakahalagang kabuluhan para sa bawat tao. Sa madaling salita, ito ay isang suliranin na haharapin ng lahat sa buong proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos at isang suliranin na dapat ay bigyang-pansin.
Ito ay napakahalaga, di-maiiwasan na suliranin kung saan ay hindi kaya ng sangkatauhan na ihiwalay ang kanyang sarili mula dito. Kung pag-uusapan ang kahalagahan, ano ang pinakamahalagang bagay para sa bawat mananampalataya sa Diyos? Ang palagay ng ilan, ang pinakamahalagang bagay ay ang maunawaan ang kalooban ng Diyos; sa paniniwala ng ilan ang pinakamahalaga ay ang makakain at makainom ng mas marami pang mga salita ng Diyos; sa pakiramdam naman ng iba ang pinakamahalagang bagay ay ang makilala ang kanilang mga sarili; sa iba naman ay ang opiniyon na ang pinakamahalagang bagay ay ang malaman kung paano mahahanap ang kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, paano ang susunod sa Diyos, at paano matutupad ang kalooban ng Diyos. Isasantabi nating lahat ang mga suliraning ito para sa araw na ito. Kaya ano ang tatalakayin natin kung ganoon? Ang tatalakayin natin ay isang paksa tungkol sa Diyos. Ito ba ang pinakamahalagang paksa para sa bawat tao? Ano ang nilalaman ng isang paksa na tungkol sa Diyos? Siyempre, tiyak na hindi maihihiwalay ang paksang ito sa katangian ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at sa gawain ng Diyos. Kaya sa araw na ito, tatalakayin natin “Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo.”

   Mula sa panahong nagsimula ang tao na manampalataya sa Diyos, hinarap na nila ang mga paksang tulad ng Gawain ng Diyos, Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo. Kapag pinag-usapan natin ang gawain ng Diyos, sasabihin ng iba na: “Ang gawain ng Diyos ay ginagawa sa atin; nararanasan natin ito sa araw-araw, kaya hindi tayo bago sa bagay na ito.” Sa usapin ng katangian ng Diyos, may ilang tao ang magsasabi na: “Ang katangian ng Diyos ay isang paksang ating pinag-aaralan, sinasaliksik, at binibigyang-pansin sa ating buong buhay, kaya dapat na kabisado natin ito.” Tungkol naman sa Mismong Diyos, sasabihin ng ilan na: “Ang Mismong Diyos ang aming sinusunod, ang aming pinapanampalatayanan, at ang aming sinisikap na matamo, kaya hindi rin tayo mangmang tungkol sa Kanya.” Hindi kailanman huminto ang Diyos sa Kanyang gawain mula pa sa paglikha, kung saan patuloy Niyang ipinahahayag ang Kanyang katangian at gumamit Siya ng iba’t ibang paraan upang ipahayag ang Kanyang salita. Kasabay nito, hindi Siya kailanman huminto sa pagpapahayag ng Kanyang sarili at ng Kanyang diwa sa sangkatauhan, sa pagpapahayag ng Kanyang kalooban sa tao at kung ano ang hinihingi Niya mula sa tao. Kaya mula sa literal na pananaw, hindi na dapat bago para sa sinuman ang mga paksang ito. Ngunit para sa mga taong sumusunod sa Diyos sa mga araw na ito, ang gawain ng Diyos, ang katangian ng Diyos, at ang Diyos Mismo ay totoong lingid lahat sa kaalaman nila. Bakit ganoon ito? Habang nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, napakikitunguhan din nila ang Diyos, na ang pakiramdam nila ay para bang nauunawaan nila ang katangian ng Diyos o nalalaman nila ang bahagi ng kaanyuan nito. Kaya hindi iniisip ng tao na siya’y isang estranghero sa gawain ng Diyos o sa katangian ng Diyos. Sa halip, iniisip ng tao na kilalang-kilala niya ang Diyos at marami siyang nauunawaan tungkol sa Diyos. Ngunit batay sa kasalukuyang kalagayan, ang pagkakaunawa ng marami sa Diyos ay hanggang doon lamang sa mga nabasa nila sa mga aklat, limitado lamang sa saklaw ng sariling mga karanasan, nahahadlangan ng kanilang mga imahinasyon, at higit sa lahat, umaabot lamang sa mga katunayang nakikita ng sarili nilang mga mata. Ang lahat ng ito ay napakalayo mula sa tunay na Diyos Mismo. Sa gayon gaano kalayo itong “malayo”? Marahil hindi sigurado ang tao sa kanyang sarili, o marahil may kaunting pagkaunawa ang tao, may kaunting ideya-ngunit kapag tungkol ito sa Diyos Mismo, ang pagkaintindi ng tao sa Kanya ay napakalayo mula sa diwa ng Diyos Mismo. Kaya kailangan natin ang paksang tulad ng “Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at ang Diyos Mismo” upang maayos at espesipikong maipaabot ang impormasyong ito.
Diyos, Ebanghelyo, Iglesia, Jesus, pananampalataya,

Sa katunayan, ang katangian ng Diyos ay lantad sa lahat at hindi nakatago, dahil hindi kailanman sinadyang umiwas ang Diyos sa sinumang tao at hindi Niya kailanman sinadyang hangarin na itago ang Kanyang sarili upang hindi Siya makilala o maunawaan ng mga tao. Ang katangian ng Diyos ay palaging bukas at palaging nakaharap sa bawat tao sa isang lantad na paraan. Sa pamamahala ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain na lantad sa lahat; at ginawa Niya sa bawat tao ang Kanyang gawain. Sa paggawa Niya ng gawaing ito, patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang katangian, patuloy Niyang ginagamit ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya upang gabayan at tustusan ang bawat tao. Sa bawat panahon at sa bawat yugto, maganda man o pangit ang mga kalagayan, ang katangian ng Diyos ay laging lantad sa bawat indibidwal, at ang Kanyang mga kataglayan at katauhan ay laging lantad sa bawat indibidwal, sa parehong paraan ng palagi at walang-patid na paglalaan at pag-alalay ng Kanyang buhay sa sangkatauhan. Sa kabila ng lahat ng ito, ang katangian ng Diyos ay nananatiling nakatago para sa ilan. Bakit ganoon? Dahil bagamat nabubuhay ang mga taong ito sa loob ng gawain ng Diyos at sumusunod sila sa Diyos, hindi nila kailanman pinagsikapang unawain o ginustong makilala ang Diyos, at mas lalo na ang mapalapit sa Diyos. Para sa mga taong ito, ang pagkaunawa sa katangian ng Diyos ay nangangahulugang malapit na ang kanilang katapusan; nangangahulugan ito na malapit na silang hatulan at mapatunayang may sala sa pamamagitan ng katangian ng Diyos. Dahil dito, hindi kailanman ginusto ng mga taong na unawain ang Diyos o ang Kanyang katangian, at hindi nila sinikap na matamo ang mas malalim na pagkaunawa o kaalaman sa kalooban ng Diyos. Hindi nila nilalayong maintindihan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng sinadyang pakikisama – habang-panahon lang sila na nagpapakasaya at hindi nagsasawa sa paggawa ng mga bagay na gusto nila; nananampalataya sa Diyos na nais nilang panampalatayanan; nananampalataya sa Diyos na umiiral lamang sa kanilang mga imahinasyon, ang Diyos na umiiral lamang sa kanilang mga haka-haka; at nananampalataya sa isang Diyos na hindi maihihiwalay sa kanila sa araw-araw nilang pamumuhay. Pagdating sa tunay na Diyos Mismo, ganap silang umiiwas, walang pagnanais na maunawaan Siya, makinig sa Kanya, at mas lalo nang kakaunti ang layunin na mapalapit sa Kanya. Ginagamit lang nila ang mga salitang ipinahahayag ng Diyos upang pagandahin ang sarili nilang anyo, upang maging mabenta sila. Para sa kanila, iyon na ang pagiging matagumpay na mananampalataya at iyon na ang mga taong may pananampalataya sa Diyos sa kanilang mga puso. Sa kanilang mga puso, ginagabayan sila ng kanilang mga imahinasyon, ng kanilang mga haka-haka, at kahit ang kanilang mga personal na pakahulugan sa Diyos. Sa kabilang banda, ang tunay na Diyos Mismo ay lubos na walang kaugnayan sa kanila. Dahil sa sandaling maunawaan nila ang tunay na Diyos Mismo, maunawaan nila ang tunay na katangian ng Diyos, at maunawaan nila kung ano ang nasa Diyos at kung ano Siya, nangangahulugan ito na parurusahan ang kanilang mga gawa, ang kanilang mga pananampalataya, at ang kanilang mga pinagkakaabalahan. Iyan ang dahilan kung bakit ayaw nilang unawain ang diwa ng Diyos, at kung bakit nag-aatubili sila at ayaw nilang maging aktibo sa pagsasaliksik o pananalangin upang mas maunawaan ang Diyos, mas lalong malaman ang kalooban ng Diyos, at mas lalong maunawaan ang katangian ng Diyos. Mas gugustuhin pa nila na ang Diyos ay kathang-isip lamang, hungkag at mailap. Mas nanaisin pa nila na ang Diyos ay maging ganap na gaya ng nasa imahinasyon nilang Siya, isang Diyos na sunud-sunuran sa kanila, di-nauubos ang panustos at laging nariyan. Kapag nais nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos, hinihiling nila sa Diyos na maging Siya ang biyayang iyon. Kapag kailangan nila ang pagpapala ng Diyos, hinihiling nila sa Diyos na maging Siya ang pagpapalang iyon. Kapag humaharap sila sa kahirapan, hinihiling nila sa Diyos na palakasin ang kanilang loob, na maging tagasalo nila. Ang kaalaman ng mga taong ito tungkol sa Diyos ay nananatili sa nasasaklawan ng biyaya at pagpapala. Ang pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos, katangian ng Diyos, at sa Diyos ay nalilimitahan lang rin sa kanilang mga imahinasyon at pawang mga titik at doktrina lamang. Ngunit may ilang mga taong sabik na maunawaan ang katangian ng Diyos, nagnanais na tunay na makita ang Mismong Diyos, at tunay na maunawaan ang katangian ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya. Ang mga taong ito ay nagpupursiging mahanap ang reyalidad ng katotohanan at kaligtasan ng Diyos, at nagnanais na matanggap ang paglupig, pagligtas, at pagsakdal ng Diyos. Ginagamit ng mga taong ito ang kanilang mga puso upang bigyang-pansin ang salita ng Diyos, ginagamit ang kanilang mga puso upang pahalagahan ang bawat kalagayan ng bawat tao, pangyayari, o bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanila, at nananalangin at nagsasaliksik nang may katapatan. Ang nais nila higit sa lahat ay malaman ang kalooban ng Diyos at maunawaan ang tunay na katangian at diwa ng Diyos. Ito ay para hindi na nila masaktan ang damdamin ng Diyos, at sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, mas makita pa nila ang pagkamapagmahal ng Diyos at makita ang tunay Niyang panig. Ito rin ay upang iiral ang bukod-tanging tunay na Diyos sa kanilang mga puso, at upang magkaroon ang Diyos ng lugar sa kanilang mga puso, sa paraang ito hindi na sila mabubuhay sa kalagitnaan ng mga imahinasyon, haka-haka, o pagka-mailap. Para sa mga taong ito, ang dahilan kung bakit mayroon silang matinding kagustuhan na maunawaan ang katangian at diwa ng Diyos ay dahil ang katangian at diwa ng Diyos ay mga bagay na maaaring kailanganin ng sangkatauhan sa anumang sandali sa kanilang mga karanasan, mga bagay na tumutustos sa buhay sa kanilang habang-buhay. Sa sandaling maunawaan nila ang katangian ng Diyos, lalo silang makapagbibigay-galang sa Diyos, lalo silang makakatuwang sa gawain ng Diyos, at lalo silang makapagbibigay-halaga sa kalooban ng Diyos at makatutupad ng kanilang tungkulin sa abot ng kanilang mga kakayahan. Ito ang dalawang uri ng tao pagdating sa kanilang saloobin sa katangian ng Diyos. Ang una ay ayaw maunawaan ang katangian ng Diyos. Kahit pa sabihin nilang nais nilang maunawaan ang katangian ng Diyos, makilala ang Mismong Diyos, makita kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at talagang pahalagahan ang kalooban ng Diyos, sa kaibuturan ng kanilang mga kalooban mas gugustuhin nilang wala na lang ang Diyos. Ito ay dahil palaging sumusuway at lumalaban sa Diyos ang ganitong uri ng mga tao; linalabanan nila ang Diyos para sa puwesto sa sarili nilang mga puso at madalas ay nagdududa o itinatanggi pa ang pag-iral ng Diyos. Ayaw nilang hayaang manahan sa kanilang mga puso ang katangian ng Diyos o ang Mismong tunay na Diyos. Nais lang nilang pagbigyan ang sarili nilang mga kagustuhan, mga imahinasyon, at mga ambisyon. Kaya ang mga taong ito ay maaaring mananampalataya sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at maaari ring isakripisyo ang kanilang mga pamilya at hanapbuhay para sa Kanya, ngunit hindi nila winawakasan ang kanilang mga masasamang kagawian. Ang iba pa nga ay nagnanakaw o nagwawaldas ng mga kaloob, o isinusumpa ang Diyos nang palihim, samantalang ang iba ay maaaring gamitin ang kanilang mga katungkulan upang paulit-ulit na magpatotoo tungkol sa kanilang mga sarili, palaguin ang kanilang mga sarili, at makipag-agawan sa Diyos para sa mga tao at katungkulan. Gumagamit sila ng sari-saring mga paraan at hakbang para sambahin sila ng mga tao, palaging sinusubukang makuha ang mga tao at panghawakan sila. Ang mga iba nga ay sinasadya pang ilihis ang mga tao para isiping sila ay Diyos at maaaring tratuhing parang Diyos. Hinding-hindi nila sasabihin sa mga tao na sila rin mismo ay makasalanan, na sila rin ay tiwali at mayabang, at huwag silang sambahin, at gaano man sila kahusay, ito ay dahil lamang sa pagpaparangal sa Diyos at dapat rin lang naman nilang ginagawa. Bakit hindi nila ito binabanggit? Dahil lubha silang natatakot na mawala ang kanilang lugar sa puso ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong tulad nito ay hindi kailanmang dumakila sa Diyos at hindi kailanmang nagpatotoo tungkol sa Diyos, katulad ng kailanmang hindi nila pagsubok na unawain ang Diyos. Maaari ba nilang makilala ang Diyos nang hindi Siya nauunawaan? Imposible! Kaya, bagamat maaaring simple ang mga salita sa paksang “Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo”, ang kanilang kahulugan ay hindi pare-pareho para sa lahat. Para sa isang taong madalas sumuway sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at masama ang pakikitungo sa Diyos, ito ay nangangahulugang pagpaparusa; samantalang para sa isang tao na naghahanap ng reyalidad ng katotohanan at madalas na lumalapit sa Diyos upang hanapin ang kalooban ng Diyos, walang dudang para siyang isda na pinakawalan sa tubig. Kaya sa inyo, kapag ang ilan ay nakarinig ng usaping tungkol sa katangian ng Diyos at gawain ng Diyos, magsisimulang sumakit ang kanilang mga ulo, mapupuno ng panlalaban ang kanilang mga puso, at magiging napakabalisa ang mga ito. Ngunit may mga iba sa inyong mag-iisip: Ang paksang ito ang ganap na kailangan ko, dahil lubhang kapakipakinabang sa akin ang paksang ito. Isa itong bahagi na hindi maaaring wala sa karanasan ko sa buhay; ito ang pinakamahalaga sa pinakamahalaga, ang pundasyon ng pananampalataya sa Diyos, at isang bagay na hindi kakayaning talikuran ng sangkatauhan. Para sa inyong lahat, ang paksang ito ay maaaring tila ba parehong malapit at malayo, hindi alam ngunit pamilyar. Ngunit ano pa man, ito ay paksa na dapat pakinggan ng lahat ng mga nakaupo rito, dapat malaman, at dapat maunawaan. Kahit paano mo mang harapin ito, kahit paano mo mang tanawin ito o paano mo mang tanggapin ito, ang kahalagahan ng paksang ito ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala.
Diyos, Ebanghelyo, Iglesia, Jesus, pananampalataya,
Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain simula pa noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Noong simula, napakasimple ang gawain, ngunit kahit na gayon, taglay pa rin nito ang mga pahayag ng diwa at katangian ng Diyos. Samantalang ang gawain ng Diyos ngayon ay nasa mas mataas na antas, sa Kanyang pagbubuhos ng napakaraming tunay na gawain sa bawat taong sumusunod sa Kanya at nagpapahayag ng isang makahulugang halaga ng Kanyang salita, mula pa noong simula hanggang ngayon, ang persona ng Diyos ay inilihim sa sangkatauhan. Bagamat dalawang beses na Siyang nagkatawang-tao, mula sa panahon ng mga nasusulat sa Bibliya hanggang sa modernong panahon, sino na ang nakakita kailanman sa tunay na persona ng Diyos? Batay sa iyong pang-unawa, kailanman mayroon bang sinuman ang nakakita sa tunay na persona ng Diyos? Wala. Walang sinuman ang nakakita sa tunay na persona ng Diyos, na nangangahulugang walang sinuman ang kailanman ay nakakita sa tunay na sarili ng Diyos. Isang bagay ito na sinasang-ayunan ng lahat. Ang ibig sabihin, ang tunay na persona ng Diyos, o ang Espiritu ng Diyos, ay nakatago mula sa lahat ng sangkatauhan, kasama na sina Adan at Eba, na Kanyang nilikha, at kasama na din ang matuwid na si Job, na Kanyang tinanggap. Kahit sila hindi nila nakita ang tunay na persona ng Diyos. Ngunit bakit sinasadya ng Diyos na itago ang Kanyang tunay na persona? Sabi ng ilan: “Natatakot ang Diyos na makapanakot ng mga tao.” Sabi ng iba: “Itinatago ng Diyos ang Kanyang tunay na persona dahil masyadong maliit ang tao at ang Diyos ay masyadong malaki; hindi pinapayagang makita Siya ng mga tao, o mamamatay sila.” Mayroon ding mga nagsasabing: “Abala ang Diyos sa pamamahala ng Kanyang gawain sa araw-araw, baka wala siyang panahon na magpakita upang hayaang makita Siya ng mga tao.” Ano man ang iyong paniniwala, may konklusyon ako rito. Ano ang konklusyon na yan? Iyon ay ni hindi gusto ng Diyos na makita ng tao ang tunay Niyang persona. Ang pagtatago mula sa sangkatauhan ay isang bagay na sinasadyang gawin ng Diyos. Sa madaling salita, layunin ng Diyos na hindi makita ng mga tao ang tunay Niyang persona. Malinaw na dapat ito sa lahat. Kung hindi kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang persona sa kanino man, sa palagay mo ba ay may persona ang Diyos? (Umiiral Siya.) Siyempre umiiral Siya. Ang pag-iral ng persona ng Diyos ay hindi matututulan. Ngunit sa kung gaano kalaki ang persona ng Diyos o kung ano ang Kanyang anyo, ito ba ay mga katanungan na dapat saliksikin ng sangkatauhan? Hindi. Ang sagot ay negatibo. Kung ang persona ng Diyos ay isang paksang hindi natin dapat ginagalugad, samakatuwid ano ang tanong na dapat nating bigyang-pansin? (Ang katangian ng Diyos.) (Ang gawain ng Diyos.) Ngunit bago natin simulang ipagbigay-alam ang opisyal na paksa, gayon man, balikan natin ang ating tinatalakay kani-kanina lang: Bakit hindi kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan? Bakit sinasadyang itago ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan? Mayroon lamang iisang dahilan, at iyon ay: Bagamat ang nilikhang tao ay dumaan na sa libu-libong taon ng paggawa ng Diyos, wala ni isang taong nakaaalam sa gawain ng Diyos, sa katangian ng Diyos, at sa diwa ng Diyos. Ang mga ganoong tao sa mata ng Diyos, ay sumasalungat sa Kanya, at hindi ipinapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga taong kumakalaban sa Kanya. Ito ang tanging dahilan kung bakit hindi kailanman ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang persona at kung bakit sinasadya Niyang sanggahan ang Kanyang persona mula sa kanila. Malinaw na ba sa inyo ang kahalagahan ng pag-alam sa katangian ng Diyos?
Simula noong nagkaroon ng pamamahala ng Diyos, lagi na Siyang nakatalagang lubos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Sa kabila ng pagtatakip ng Kanyang persona mula sa kanila, palagi lang Siyang nasa tabi ng tao, gumagawa sa kanila, nagpapahayag ng Kanyang katangian, ginagabayan ang lahat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang diwa, at ginagawa ang Kanyang gawain sa bawat isang tao gamit ang Kanyang kalakasan, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang kapangyarihan, at sa ganoon ay nilikha Niya ang Panahon ng Kautusan, ang Panahon ng Biyaya, at sa ngayon ang Panahon ng Kaharian. Bagamat itinatago ng Diyos ang Kanyang persona mula sa tao, ang Kanyang katangian, ang Kanyang katauhan at mga kataglayan, at ang Kanyang kalooban sa sangkatauhan, ay walang pangingiming ipinahahayag sa tao upang makita at maranasan ng tao. Sa madaling salita, kahit hindi makita o mahipo ng mga tao ang Diyos, ang katangian at diwa ng Diyos na napapakitunguhan ng sangkatauhan ay totoong mga pagpapahayag ng Mismong Diyos. Hindi ba iyan ang katotohanan? Sa anumang paraan o mula sa anumang anggulo na gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, lagi Niyang tinatrato ang mga tao na ayon sa Kanyang totoong pagkakakilanlan, ginagawa ang dapat Niyang gawin at sinasabi ang dapat Niyang sabihin. Mula sa anumang katayuan mangusap ang Diyos – maaring nakatayo Siya sa ikatlong kalangitan, o nakatayo sa katawang-lupa, o kahit bilang isang karaniwang tao – lagi Siyang nangungusap sa tao ng buong puso at sa Kanyang buong kaisipan, nang walang pandaraya o pagkukubli. Kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang salita at ang Kanyang katangian, at ipinahahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, nang walang anumang pangingimi. Ginagabayan Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang buhay, at sa Kanyang katauhan, at mga kataglayan. Ganito nabuhay ang tao sa Panahon ng Kautusan – ang panahon ng pagkakanlong para sa katauhan – sa ilalim ng paggabay ng di-makita at di-mahipong Diyos.
Diyos, Ebanghelyo, Iglesia, Jesus, pananampalataya,
Unang nagkatawang-tao ang Diyos matapos ang Panahon ng Kautusan, isang pagkakatawang-taon na tumagal ng tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon. Para sa isang tao, ang tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon ba ay mahabang panahon? (Hindi mahaba.) Dahil ang buhay ng isang tao ay karaniwang mas mahaba sa mahigit tatlumpung taon, hindi ito gaanong matagal para sa tao. Ngunit para sa Diyos na nagkatawang-tao, napakahaba itong tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon. Siya ay naging tao – isang karaniwang tao na pumasan sa gawain at utos ng Diyos. Ito ay nangangahulugang kinailangan Niyang gawin ang Gawain na hindi kaya ng karaniwang tao, habang tinitiis rin ang pagdurusang hindi kayang tiisin ng karaniwang mga tao. Ang tindi ng pagdurusang tiniis ng Panginoong Hesus noong Panahon ng Biyaya, mula sa simula ng Kanyang gawain hanggang noong ipinako Siya sa krus, isang bagay na maaaring hindi nakita mismo ng mga tao sa panahong ito, ngunit maaari mo bang pahalagahan man lamang ang kahit kaunti nito sa pamamagitan ng mga kuwento sa Bibliya? Gaano man karami ang mga detalyeng kasama sa mga naitalang ito, sa lahat-lahat, ang gawain ng Diyos sa panahong ito ay punung-puno ng kahirapan at pagdurusa. Para sa isang makasalanan na tao, hindi matagal ang panahon na tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon; ang kaunting pagdurusa ay balewala lang. Ngunit para sa banal at walang-dungis na Diyos, na kinakailangang magpasan sa lahat ng mga kasalanan ng sangkatauhan, at kumain, matulog, at mabuhay kasama ang mga makasalanan, masyadong malubha ang sakit na ito. Siya ang Manlilikha, ang Panginoon ng lahat ng mga bagay at ang Pinuno ng lahat, ngunit noong pumarito Siya sa mundo, kinailangan Niyang tiisin ang pang-aapi at kalupitan ng mga makasalanang tao. Upang matapos Niya ang Kanyang gawain at mailigtas ang sangkatauhan mula sa kahirapan, kinailangan Siyang parusahan ng tao, at pasanin ang mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Ang hangganan ng pagdurusang pinagdaanan Niya ay hindi posibleng maarok o sapat na mapahalagahan ng mga pangkaraniwang tao. Ano ang kinakatawan ng pagdurusang ito? Kinakatawan nito ang katapatan ng Diyos sa sangkatauhan. Kinakatawan nito ang kahihiyang pinagdusahan Niya at ang halagang binayaran Niya para sa kaligtasan ng tao, upang tubusin ang kanilang mga kasalanan, at upang tapusin ang bahaging ito ng Kanyang gawain. Nangangahulugan din ito na ang tao ay matutubos ng Diyos mula sa krus. Ito ay halagang binayaran gamit ang dugo, gamit ang buhay, isang halagang di-kayang bayaran ng mga nilikha. Dahil mayroon Siyang diwa ng Diyos at nasa Kanya ang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos kaya nakayanan Niya ang ganitong uri ng pagdurusa at ang ganitong uri ng gawain. Isang bagay ito na walang makagagawa na nilikha maliban sa Kanya. Ito ang gawain ng Diyos sa Panahon ng Biyaya at isang paghahayag ng Kanyang katangian. Nagpapahayag ba ito ng anuman tungkol sa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos? Dapat lang ba na malaman ito ng sangkatauhan?
Sa panahong ito, bagamat hindi nakita ng tao ang persona ng Diyos, tinanggap nila ang alay-pangkasalanan ng Diyos at natubos sila ng Diyos mula sa krus. Maaaring walang-alam ang sangkatauhan tungkol sa gawaing ginawa ng Diyos sa Panahon ng Biyaya, ngunit mayroon bang nakaaalam sa katangian at kaloobang ipinahayag ng Diyos sa panahong ito? Alam lang ng tao ang tungkol sa mga detalye ng gawain ng Diyos sa iba’t-ibang panahon sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga paraan, o may alam sila tungkol sa mga kuwentong may kaugnayan sa Diyos na naganap kasabay ng pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain. Ang mga detalye at mga kuwentong ito ay ilang mga impormasyon o mga alamat lamang na tungkol sa Diyos, at walang kaugnayan sa katangian at diwa ng Diyos. Kaya kahit na gaano karaming mga kuwento ang alam ng tao tungkol sa Diyos, hindi ito nangangahulugan na may malalim silang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa katangian at diwa ng Diyos. Katulad noong Panahon ng Kautusan, bagamat ang mga tao mula sa Panahon ng Biyaya ay nakaranas ng isang malapitan at malalim na pakikitungo sa Diyos sa katawang-tao, sa katunayan wala silang kaalaman tungkol sa katangian at diwa ng Diyos.
Sa Panahon ng Kaharian, muling nagkatawang-tao ang Diyos, katulad ng ginawa Niya noong unang beses. Sa panahong ito ng paggawa, ipinahahayag pa rin ng Diyos nang walang pangingimi ang Kanyang salita, ginagawa ang gawaing dapat Niyang ginagawa, at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano Siya. Kasabay nito, patuloy Niyang tinitiis at pinagbibigyan ang pagkasuwail at kamangmangan ng tao. Hindi ba patuloy pa rin ang Diyos sa paghahayag ng Kanyang katangian at pagpapahiwatig ng Kanyang kalooban sa panahong ito ng paggawa? Samakatuwid, mula sa pagkalikha ng tao hanggang ngayon, ang katangian ng Diyos, ang Kanyang katauhan at mga kataglayan, at ang Kanyang kalooban, ay palaging lantad sa bawat tao. Hindi kailanman sinadyang itago ng Diyos ang Kanyang diwa, ang Kanyang katangian, o ang Kanyang kalooban. Wala lang talagang pagpapahalaga ang sangkatauhan tungkol sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, ano ang Kanyang kolooban – kaya ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay lubhang kahabag-habag. Sa madaling salita, habang itinatago ng Diyos ang Kanyang persona, Siya ay nakaabang rin sa tabi ng sangkatauhan sa bawat sandali, lantad na ipinaaabot ang Kanyang kalooban, katangian, at diwa sa lahat ng oras. Sa isang dako, ang persona ng Diyos ay lantad rin sa mga tao, ngunit dahil sa kabulagan at pagkasuwail ng tao, palaging hindi nila nakikita ang pagpapakita ng Diyos. Kaya kung ganyan ang kalagayan, hindi ba dapat na madali para sa lahat ang pag-unawa sa katangian ng Diyos at sa Mismong Diyos? Napakahirap sagutin ang tanong na yan, di ba? Maaari mong sabihing madali yan, ngunit habang nagsusumikap ang ilang mga tao na makilala ang Diyos, hindi talaga nila nakikilala ang Diyos o nagkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa Kanya – palaging malabo at hindi maliwanag. Ngunit kung sasabihin mong ito’y hindi madali, hindi rin naman ito tama. Sa tagal nilang pagiging pakay ng gawain ng Diyos, lahat ay nararapat, sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, na magkaroon ng totoong mga pakikitungo sa Diyos. Nadama man lamang dapat nila ang Diyos sa anumang antas sa kanilang mga puso o nakatagpo ang Diyos sa nakaraan sa isang antas na espiritwal, at kaya dapat na mayroon man lamang silang kaunting kamalayan sa damdamin tungkol sa katangian ng Diyos o nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa Kanya. Mula noong panahong nagsimula ang taong sumunod sa Diyos hanggang ngayon, masyado nang marami ang natanggap ng sangkatauhan, ngunit dahil sa lahat ng uri ng dahilan – ang mababang kalibre ng tao, kamangmangan, pagiging-rebelde, at sari-saring mga layunin – masyadong marami rin ang nawala ng sangkatauhan. Hindi pa ba sapat ang mga naibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Bagamat itinatago ng Diyos ang Kanyang persona sa mga tao, tinutustusan Niya sila ng kung anong mayroon at kung ano Siya, at kahit ang buhay Niya; ang kaalaman ng sangkatauhan tungkol sa Diyos ay hindi lamang dapat kung ano ito ngayon. Kaya sa palagay Ko ay kailangang mas makipagtalakayan sa inyo tungkol sa paksang gawain ng Diyos, ang katangian ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Ang layunin ay upang hindi mauwi sa wala ang ilang libong taon na pag-aalaga at paglingap na ibinuhos ng Diyos sa tao, at upang tunay na maunawaan ng sangkatauhan at mapahalagahan ang kalooban ng Diyos para sa kanila. Ito ay upang makausad ang mga tao sa isang bagong hakbang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Maibabalik rin nito ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng mga tao, upang mabigyan Siya ng katarungan.

Mula sa: Ang Salita'y Nagpakita sa Katawang-tao


Ang pinagmulan: "Ang Gawain ng Diyos, Ang Katangian ng Diyos, at Ang Diyos Mismo I(I)"

Rekomendasyon:  Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng personal na bumalik na Panginoong Jesus sa mga huling araw

Bakit pinalalaganap ng mga Kristiano ang Ebanghelyo ?


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento