Kidlat ng Silanganan-Ang Mismong Diyos, ang Bukod-Tangi II (B)
Ang sumusunod ay ang biblikal na kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive.”
(Jon 1:1-2) Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka't ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.
(Jon 3) At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na aking iniutos sa iyo. Sa gayo'y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya'y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila'y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya'y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo'y huwag mangamatay. At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.
(Jon 4) Nguni't naghinanakit na mainam si Jonas, at siya'y nagalit. At siya'y nanalangin sa Panginoon, at nagsabi, Ako'y nakikipanayam sa iyo, Oh Panginoon, di baga ito ang aking sinabi, nang ako'y nasa aking lupain pa? Kaya't ako'y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagka't talastas ko na ikaw ay Dios na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi ka sa kasamaan. Kaya nga, Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na kitlin mo ang aking buhay; sapagka't mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay. At sinabi ng Panginoon, Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit? Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo'y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Panginoong Dios ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kaniyang ulo, upang iligtas siya sa kaniyang masamang kalagayan. Sa gayo'y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon. Nguni't naghanda ang Dios ng isang uod nang magumaga nang kinabukasan at sinira ang halamang kikayon, na anopa't natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Dios ng mainit na hanging silanganan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anopa't siya'y nanglupaypay, at hiniling niya tungkol sa kaniya na siya'y mamatay, at nagsasabi, Mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay. At sinabi ng Dios kay Jonas, Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon? At kaniyang sinabi, Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan. At sinabi ng Panginoon, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?
Sinopsis ng Kasaysayan ng Ninive
Bagaman ang kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive” ay maigsi lamang, pinapayagan nito na sulyapan ang kabilang bahagi ng matuwid na katangian ng Diyos. Upang lubos na maunawaan kung ano ang nilalaman ng bahaging iyon, kailangang balikan natin ang Kasulatan at tingnan ang isa sa mga ginawa ng Diyos.
Tingnan muna natin ang pasimula ng kasaysayang ito: “Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka't ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko” (Jon 1:1-2). Sa mga talatang ito mula sa Kasulatan, alam natin na inutusan ng Diyos na si Jehova si Jonas na magtungo sa lungsod ng Ninive. Bakit Niya inutusan si Jonas na magpunta sa lungsod na ito? Malinaw ang sinabi sa Biblia tungkol dito: Ang kasalanan ng mga tao sa buong lungsod ay nakaabot sa paningin ng Diyos na si Jehova, kaya isinugo Niya si Jonas upang ipahayag sa kanila ang nais Niyang gawin. Kahit na walang nakatala kung sino si Jonas, ito ay, siyempre, walang kaugnayan sa pagkilala sa Diyos. Kaya, hindi ninyo kailangang makilala ang taong ito. Ang tanging kailangan ninyong malaman ay kung ano ang iniutos ng Diyos kay Jonas na gawin at bakit ginawa Niya ang bagay na ito.
Umabot ang Babala ng Diyos na si Jehova sa mga Taga-Ninive
Magpatuloy tayo sa ikalawang talata, ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Jonas: “At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya'y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” Ito ang mga salita na direktang ipinasasabi ng Diyos kay Jonas para sa mga taga-Ninive. Siyempre, ito rin ang mga salita na nais sabihin ni Jehova sa mga taga-Ninive. Sinasabi sa atin ng mga salitang ito na nagsimulang kasuklaman at kamuhian ng Diyos ang mga mamamayan ng lungsod dahil ang kanilang kasamaan ay nakarating na sa paningin ng Diyos, kaya ninais Niyang wasakin ang lungsod na ito. Ngunit bago Niya wasakin ang lungsod, ipaaalam muna Niya ito sa mga taga-Ninive, at kasabay niyan ay bibigyan Niya sila ng pagkakataon na magsisi sa kanilang kasamaan at magsimula ng panibago. Magtatagal lamang ng apatnapung araw ang pagkakataon na ito. Sa madaling salita, kapag hindi nagsisi ang mga tao sa loob ng lungsod, aminin ang kanilang mga kasalanan o magpakumbaba sa harap ng Diyos na si Jehova sa loob ng apatnapung araw, wawasakin ng Diyos ang lungsod tulad ng ginawa Niya sa Sodoma. Ito ang nais sabihin ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive. Malinaw na hindi ito simpleng pahayag. Hindi lamang nito ipinapahiwatig ang galit ng Diyos na si Jehova, ipinapahiwatig din nito ang Kanyang damdamin sa mga taga-Ninive; at gayun din, nagsisilbi rin ang simpleng pahayag na ito bilang taimtim na babala sa mga taong naninirahan sa loob ng lungsod. Ang babalang ito ang magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawa ay nagdulot ng pagkapoot ng Diyos na si Jehova, at ang kanilang masasamang gawain ang magdadala sa kanila sa bingit ng kanilang sariling pagkalipol; kaya ang buhay ng bawat isa sa Ninive ay nasa nalalapit na kapahamakan.
Ang Payak na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehova
Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay paglaho. Ngunit sa anong paraan? Sino ang makapagpapabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng isang tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taong ito; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehova at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, kaya sila ay malapit nang puksain kasama ng kanilang lungsod. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehova? Inilarawan ng Biblia ang malinaw na detalye kung paano tumugon ang mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa pangkaraniwang tao. Batay sa tala ng Kasulatan: “At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila'y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya'y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay…”
Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaliktaran ng mga tao sa Sodoma – ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos, nagpapatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, ngunit matapos marinig ang mga salitang ito, hindi binalewala ng mga taga-Ninive ang bagay na ito, ni tinanggihan man; sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagpahayag ng pag-aayuno. Ano ang tinutukoy ng “naniwala” dito? Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na panganib? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Pero ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at pagkatakot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Biblia: “at sila'y[a] nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila.” Ito ang magsasabi na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng sako. Ganito nila ipinakita ang simula ng kanilang pagsisisi. Sa lubos na kabaliktaran sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw din nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at mga pagkilos. At siyempre, hindi lamang ito para sa mga karaniwang mamamayan ng Ninive; maging ang kanilang hari ay hindi natatangi.
Ang Pagsisisi ng Hari ng Ninive ang Pumukaw sa Papuri ng Diyos na si Jehova
Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagdamit ng sako at umupo sa abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na wala kahit isa ang papayagang tumikim ng pagkain, at walang mga hayop, mga tupa at baka ang kakain o iinom ng tubig. Pareho na ang tao at ang hayop ay magdadamit ng sako; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na bawat isa sa kanila ay tatalikod na sa kanilang masasamang gawain at tatalikdan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Sa paghatol sa sunod-sunod na mga gawaing ito, ipinakita ng hari ng Ninive ang kanyang taos-pusong pagsisisi. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa – pagtayo mula sa kanyang trono, paghubad sa kanyang balabal ng pagiging hari, pagdamit ng sako at pag-upo sa abo – ang nagpahayag sa mga tao na isinantabi ng hari ng Ninive ang kanyang kalagayan bilang hari at nagdamit ng sako kasama ang mga pangkaraniwang mamamayan. Masasabi natin na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa, o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang balita mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nilalang ng Diyos. Bukod pa dito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa dito, may tiyak siyang plano kung paano isasagawa ito, tulad ng makikita sa Kasulatan: “Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay.” Bilang tagapamahala ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na kalagayan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang pahayag ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o nangumpisal na lamang at nagsisi sa kanyang mga kasalanan nang nag-iisa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod ang magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang nang lubusan ang bagay na ito. Ngunit hindi kailanman ito ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng sako at naupo sa abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng mga tao at mga hayop sa buong lungsod na gayon din ang gawin. Inutusan pa niya ang mga tao na “buong taimtim na tumawag sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive kung paano maging tagapamahala; ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin ng sinumang hari sa kasaysayan, at isang bagay din na walang nakagawa. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa noon sa kasaysayan ng sangkatauhan; sila ay karapat-dapat na parehong alalahanin at tularan ng sangkatauhan. Simula sa pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan na tanggihan at labanan ang Diyos. Wala kahit isa ang pinangunahan ang kanyang mga nasasakupan na magsumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na parusa. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang makasalanang mga gawa at layuan na ang karahasan sa kanilang mga kamay. Bukod pa dito, nagawa rin niyang iwanan ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nag-iba ang damdamin ng Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang galit, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao; at maaari din silang matawag na isang modelo ng makasalanang sangkatauhan na mangumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.
Nakita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive
Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang nagawa? Sa mata ng Diyos, matapat ang kanilang pagsisisi, hindi lamang dahil buong sikap silang nagsumamo sa Diyos at nangumpisal sa kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang makasalanang pag-uugali. Ginawa nila ang ganito dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng sako at pag-upo sa abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang pagpayag na baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, upang manalangin sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, upang magsumamo sa Diyos na si Jehova na bawiin ang Kanyang pasya, gayun din ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Sa pamamagitan ng pagsiyasat sa kanilang pag-uugali, makikita natin na nauunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at nauunawan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Dahil sa mga rason na ito, ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali ni hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa dito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang parusahan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na muling mamumuhay sa kasamaan at gagawa na sila ayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos na si Jehova, hindi na nila muling pasisiklabin ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.
Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa kataas-taasang hari hanggang sa kanyang mga nasasakupan, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanilang mga gagawin, ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili ay malinaw at lantad sa paningin ng Diyos. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang nasa isip ng Diyos ng mga sandaling iyon? Kayang sagutin ng Biblia ang tanong na iyan para sa inyo. Ayon sa nakatala sa Kasulatan:“At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.” Bagaman binago ng Diyos ang Kanyang isip, walang bagay na magulo tungkol sa kalagayan ng Kanyang kaisipan. Binago lamang Niya ang kalagayan mula sa paghahayag ng Kanyang galit tungo sa pagpapakalma ng Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malupit na kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito ng Diyos – na iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malupit na kapahamakan – nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya ang kanilang itinatago mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na pakiramdam kung paano na ang kanilang kasamaan ay lubos na nagpagalit sa Kanyang katangian, at nagdulot ito ng takot sa nalalapit na pagpaparusa ng Diyos na si Jehova. At gayun din naman, narinig rin ng Diyos na si Jehova ang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na taimtim na nakiusap na pigilin Niya ang Kanyang galit laban sa kanila upang makaiwas sila sa parating na kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng mga pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit sa nakaraan, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya hindi Niya makayang dalhin ang kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang ipinadama ang Kanyang kaawaan at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.
Kung ang Paniniwala Mo sa Diyos ay Totoo, Madalas Mong Matatanggap ang Kanyang Pagkalinga
Ang pagbabago ng mga intensyon ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o kalabuan. Sa halip, pag-iba ito ng anyo mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na kapahayagan ng diwa ng Diyos. Hindi Siya urong-sulong o atubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga kilos ay malinaw at tumatagos sa lahat, dalisay at walang kapintasan, tiyak na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; sa panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng tao para sa Diyos. Sa loob ng buong panahon na ito, ang hindi maaaring saktan na katangian ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng mga masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang galit ay unti-unting ididiin hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng katangian ng Diyos. Magpapahayag man ang Diyos ng galit o awa at kagandahang-loob, ang asal, damdamin at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipapahayag ng katangian ng Diyos. Kung patuloy na ipaiilalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, malamang na ang puso ng taong ito ay lumalaban sa Diyos. Dahil hindi siya kailanman nagsisi nang lubusan, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pag-iingat ng Diyos at madalas makamit ang Kanyang awa at pagpaparaya, ibig sabihin ang taong ito sa kanyang puso ay walang alinlangan na may tunay na paniniwala sa Diyos, at ang kanyang puso ay hindi lumalaban sa Diyos. Madalas siyang nagsisisi sa harap ng Diyos; kaya, kahit madalas dumating sa kanya ang pagdisiplina ng Diyos, hindi ang Kanyang galit.
Ang maikling kwento na ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, para makita ang katotohanan ng Kanyang diwa, para makita na ang Kanyang galit at ang pagbabago ng Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay magalit at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang anyong ito ng diwa ng Diyos – ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya – ang saloobin ng Diyos sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang kabilang bahagi ng tunay na katangian ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang katotohanan ng awa at kabutihan ng Diyos at upang makita ang tunay na kapahayagan ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at kabutihan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon; ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo; tunay na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.
Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Kahihinatnan
May anumang pagkakasalungat ba sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at sa Kanyang galit? Wala, siyempre! Ito ay dahil may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos sa pagkakataong ito. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ang sinabi sa Biblia: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay.”
Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na mga masasamang gawa, kundi ang masamang pinagmumulan sa likod ng pag-uugali ng mga tao. “Ang paglayo sa kanyang masamang gawi” ay nangangahulugan na hindi na nila muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila muling mamumuhay sa masamang gawing ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbago lahat; hindi na nila muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at ipinakita nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na kalagayan ng mga tao, gayun din ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa, gayun din ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, umatras sa Kanyang pagpapasya at hindi na sila parurusahan o lilipulin man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang mga buhay at natamo din nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saan iniatras din ng Diyos ang Kanyang galit.
Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay hindi Bihira – Ang Tapat na Pagsisisi ng Tao ang Bibihira
Kahit gaano man ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng sako at naupo sa abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang baguhin ang Kanyang puso. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod – ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan – galit pa din sa kanila ang Diyos. Nang dumaan sila sa serye ng mga pagsisisi, unti-unting humupa ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive at napalitan ng awa at pagpaparaya sa kanila. Walang anumang salungatan tungkol sa magkaparehong pahayag ng dalawang anyo ng katangian ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang dalawang magkatapat na bahaging ito ng mga anyo nang magsisi ang mga taga-Ninive, upang makita ng mga tao ang katunayan at hindi pagkikimkim ng diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Ito ay hindi dahil kinukunsinti ng Diyos ang mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang talikdan ng mga tao ang kanilang masasamang mga gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi ng tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao, na dahil dito, buong laya Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang ugali ng tao ang nagdudulot ng galit ng Diyos, at kung saan ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at tatalikod sa karahasan ng kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay malinaw na ipinahayag sa Kayang pakikitungo sa mga taga-Ninive: ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit; hinihingi Niya lamang ang tunay na pagsisisi. Kapag ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin sa kanila.
Ang Matuwid na Katangian ng Manlilikha ay Tunay at Malinaw
Nang baguhin ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pakunwari lamang ba ang Kanya awa at pagpaparaya? Hindi siyempre! Kung gayon, ano ipinakita sa inyo ng pagbabago sa pagitan ng dalawang anyong ito ng katangian ng Diyos sa parehong bagay? Ang katangian ng Diyos ay ganap na buo; hindi ito kailanman nahati. Nagpapahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya sa mga tao, ang lahat ng ito ay kapahayagan ng Kanyang matuwid na katangian. Ang katangian ng Diyos ay tunay at malinaw. Binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pagbabago ng mga bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at pananaw; hindi Siya isang robot o putik na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, at maaari din Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan batay sa kanilang pag-uugali; maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Mas gusto ng mga tao na sundin ang mga batas nang wala sa loob, at mas gusto nilang gamitin ang mga batas upang itatag at bigyang kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang alamin ang katangian ng Diyos. Kaya batay sa naaabot ng kaisipan ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni walang anumang matibay na mga pananaw. Sa katotohanan, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago ng mga bagay at kapaligiran; habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, naipahahayag ang iba’t ibang anyo ng diwa ng Diyos. Sa panahong ito ng proseso ng pagbabago, at sa sandaling baguhin ng Diyos ang Kanyang puso, ipinahahayag Niya sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang buhay, at ipinahahayag Niya na ang Kanyang matuwid na katangian ay tunay at malinaw. Bukod pa dito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang tunay na mga paghahayag upang patunayan sa sangkatauhan ang katotohanan ng Kanyang galit, awa, kabutihan at ang Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay maipahahayag sa anumang oras o saan mang lugar ayon sa mga pagbabago ng mga bagay. Nagtataglay Siya ng galit ng isang leon at pagmamahal at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na katangian ay hindi hinahayaang mapagdudahan, malapastangan, mabago o pasamain ng sinumang tao. Sa lahat ng mga pangyayari at mga bagay-bagay, ang matuwid na katangian ng Diyos, iyon ay ang, galit ng Diyos at awa ng Diyos, ay maaaring maihayag anumang oras o saan mang lugar. Malinaw Niyang ipinapahiwatig ang mga anyong ito sa bawat sulok at bahagi ng kalikasan at maliwanag Niyang isinasakatuparan ito sa bawat sandali. Ang matuwid na katangian ng Diyos ay hindi limitado ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na katangian ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar. Sa halip, ang matuwid na katangian ng Diyos ay malayang naihahayag sa anumang panahon o saan mang lugar. Kapag nakita ninyong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghayag ng Kanyang galit at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Nineve, masasabi ba ninyo na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi ba ninyo na ang galit ng Diyos ay naglalaman ng walang saysay na mga salita? Kapag ipinadama ng Diyos ang matinding galit at iniurong ang Kanyang awa, masasabi ba ninyo na hindi Siya nakakaramdam ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Naghahayag ng matinding galit ang Diyos bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang galit ay walang kapintasan. Naaantig ang puso ng Diyos dahil sa pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang bumabago sa Kanyang puso. Maari Siyang maantig, ang pagbabago ng Kanyang puso maging ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao ay lubos na walang kapintasan; sila ay malinis, dalisay, walang dungis at walang halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay tunay na pagpaparaya; ang Kanyang awa ay tunay na awa. Inihahayag ng Kanyang katangian ang galit, gayon din ang awa at pagpaparaya, batay sa pagsisisi ng tao at sa kanyang asal. Kahit ano man ang Kanyang ipahayag at ipadama, lahat ng ito ay dalisay; lahat ng ito ay direkta; ang diwa nito ay iba sa anumang nilikha. Ang mga prinsipyo ng mga gawain na ipinapahiwatig ng Diyos, ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya o anumang particular na pagpapasya, maging ang anumang isahang gawain, ay walang bahid ng anumang mga kapintasan at dungis. Ayon sa pasya ng Diyos, iyon ang Kanyang gagawin, at sa paraang ito gagawin Niya ang dapat Niyang gawin. Ang mga uri ng resultang ito ay tiyak at walang mali sapagkat ang pinagmulan nila ay walang kapintasan at walang dungis. Ang galit ng Diyos ay walang kapintasan. Gayun din, ang awa at pagpaparaya ng Diyos, na hindi taglay ng anumang nilalang, ay banal at walang kapintasan, at makakaya nilang tumayo sa deliberasyon at karanasan.
Matapos maunawaan ang kasaysayan ng Ninive, nakita ba ninyo ang kabilang bahagi ng diwa ng matuwid na katangian ng Diyos? Nakita ba ninyo ang kabilang bahagi ng bukod-tanging matuwid na katangian ng Diyos? Mayroon ba sa sangkatauhan ang nagtataglay ng ganitong uri ng katangian? Mayroon bang nagtataglay ng ganitong uri ng galit tulad ng sa Diyos? Mayroon bang nagtataglay ng awa at pagpaparaya tulad ng sa Diyos? Sino sa mga nilikha ang makakapagpatawag ng maraming galit at makapagpapasya na wasakin o magdala ng kalamidad sa sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magbigay ng awa, na magparaya at patawarin ang tao, at pagkatapos ay baguhin ang pasya na lipulin ang tao? Ipinahayag ng Manlilikha ang Kanyang matuwid na katangian sa pamamagitan ng Kanyang sariling bukod-tanging mga pamamaraan at prinsipyo; hindi Siya nakapailalim sa kontrol o mga pagpigil ng sinumang mga tao, mga pangyayari o anumang mga bagay. Dahil sa Kanyang bukod-tanging katangian, walang sinuman ang makagagawang baguhin ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang maaring humimok sa Kanya at baguhin ang kahit ano sa Kanyang mga pagpapasya. Ang kabuuan ng asal at mga kaisipan ng nilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na katangian. Walang sinumang makakontrol sa Kanyang pagpapadama ng galit o awa; tanging ang diwa lamang ng Manlilikha – o sa madaling salita, ang matuwid na katangian ng Manlilikha – ang makapagpapasya dito. Ito ang bukod-tanging kalikasan ng matuwid na katangian ng Manlilikha!
Sa sandaling masuri at maunawaan natin ang pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, makakaya niyo na kayang gamitin ang salitang “bukod-tangi” upang ilarawan ang kaawaan na matatagpuan sa matuwid na katangian ng Diyos? Nasabi na natin sa nakaraan na ang galit ng Diyos ay isang anyo ng diwa ng Kanyang bukod-tanging matuwid na katangian. Ipaliliwanag ko ngayon ang dalawang anyo, ang galit ng Diyos at ang awa ng Diyos, bilang Kanyang matuwid na katangian. Ang matuwid na katangian ng Diyos ay banal; ito ay hindi nasasaktan at mapagdududahan; isa itong bagay na wala sa anumang nilalang o hindi nilalang na mga katauhan. Ito ay parehong bukod-tangi at sa Diyos lamang. Masasabi natin na ang galit ng Diyos ay banal at hindi maaaring saktan; at gayun din naman, ang isa pang anyo ng matuwid na katangian ng Diyos – ang awa ng Diyos – ay banal at hindi maaaring saktan. Walang sinuman sa nilikha o hindi nilikhang mga katauhan ang maaring pumalit o kumatawan sa Diyos sa Kanyang mga gawain, ni walang maaring pumalit at kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagligtas sa Ninive. Ito ang tunay na kapahayagan ng bukod-tanging matuwid na katangian ng Diyos.
Ang Tapat na Damdamin ng Manlilikha sa Sangkatauhan
Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang kilalanin ang Diyos. Ngunit sinasabi ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi mahirap na bagay, sapagkat madalas na hinahayaan ng Diyos ang tao na pagmasdan ang Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa mga tao; hindi Niya kailanman itinago o inilihim ang Kanyang sarili sa tao. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga pananaw, ang Kanyang mga salita at mga gawa ay inihayag lahat sa sangkatauhan. Kaya hanggga’t nais ng tao na makilala ang Diyos, makakalapit siya upang maunawaan at makilala ang Diyos sa pamamagitan ng lahat ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit bulag ang tao sa pag-iisip na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang pagtaguan ng Diyos ang sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na payagan ang tao na maunawaan at makilala Siya, dahil hindi niya alam kung sino ang Diyos, ni hindi niya ninais na maunawaan ang Diyos; higit sa lahat, wala siyang pakialam sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Manlilikha..... Sa totoo lang, kung gagamitin lamang ng isang tao ang kanilang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita at gawa ng Manlilikha, at magbigay ng kaunting pansin sa mga kaisipan ng Manlilikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa kanila na maunawaan na madaling makita at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Diyos. Gayundin, kailangan lang ng kaunting pagsisikap upang maunawaan na ang Manlilikha ay nasa kalagitnaan ng mga tao sa lahat nang panahon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa buong sangnilikha, at Siya ay nagsasagawa ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at katangian ay nahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; Ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay lubos na nahahayag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng panahon. Tahimik Siyang nagsasalita sa sangkatauhan at sa lahat ng nilikha sa Kanyang mahinang tinig: Ako ay nasa ibabaw ng sandaigdig, at Ako ay nasa kalagitnaan ng Aking mga nilikha. Ako’y patuloy na nagmamasid; Ako’y naghihintay; Ako’y nasa inyong tabi… Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at malambing; ang Kanyang anyo ay nagbabago-bago, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at mahinhin. Hindi Siya kailanman umalis ni naglaho man. Mula madaling-araw hanggang pagkagat-dilim, Siya ang patuloy na kasama ng sangkatauhan. Ang Kanyang matapat na pag-iingat at natatanging pagmamahal sa sangkatauhan, gayon din ang Kanyang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa tao, ay ipinadama Niya ng paunti-unti nang iligtas Niya ang lungsod ng Ninive. Sa partikular, ang pag-uusap sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ang naglatag nang mas malinaw sa pagkahabag ng Manlilikha sa sangkatauhan na nilikha Niya mismo. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, makakamit ninyo ang malalim na pagkaunawa sa tapat na nararamdaman ng Diyos para sa sangkatauhan…
Ang mga sumusunod ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10-11: “At sinabi ng Panginoon, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Ang mga ito ang aktuwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, sa pag-uusap nila sa pagitan Niya at ni Jonas. Bagaman ang palitang ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Manlilikha sa sangkatauhan at ang Kanyang pag-aatubili na bitawan siya. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag sa tunay na saloobin at nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang nilikha, at sa pamamagitan ng malinaw na mga salitang ito, na madalang marinig ng tao, ay inihayag ng Diyos ang Kanyang tunay na intensyon para sa sangkatauhan. Ang pagpapalitan na ito ay kumakatawan sa saloobin na ipinadama ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive – ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang ipinahayag sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi. Ganito rin ang pagtrato ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, matatagpuan ng tao ang Kanyang mga kaisipan, gayon din ang Kanyang katangian.
Anong mga kaisipan ng Diyos ang naihayag sa mga salitang ito? Sa masusing pagbabasa ay makikita agad na ginamit Niya ang salitang “awa”; ang paggamit sa salitang ito ay nagpapakita ng tunay na saloobin ng Diyos para sa sangkatauhan.
Mula sa isang semantikong pananaw, maaaring bigyang kahulugan ang salitang “awa” sa iba’t ibang paraan: una, ang mahalin at ingatan, ang maramdaman ang pagiging malambing sa isang bagay; pangalawa, ang magmahal nang buong giliw; panghuli, ang parehong ayaw manakit at hindi kayang tiisin ang gawin ito. Sa madaling sabi, nagpapahiwatig ito ng maingat na pagmamahal at pag-ibig, gayun din ang hindi pagnanais na isuko ang isang tao o isang bagay; nangangahulugan ito ng awa at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Bagaman gumamit ang Diyos ng isang salita na madalas ginagamit ng mga tao, inilalantad ng paggamit ng salitang ito ang tinig ng puso ng Diyos at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan.
Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang naging dahilan para magbago ang puso ng Diyos at magpasya na hindi na sila lipulin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at kautusan ng Diyos ay nagpakita ng saloobing ganap na kabaliktaran ng mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinadama ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang gantimpala ng Diyos at ang Kanyang kaawaan sa sangkatauhan ay imposibleng gayahin ng sinuman; walang tao ang maaaring magtaglay sa awa o pagpaparaya ng Diyos, ni maging ang Kanyang tapat na damdamin para sa sangkatauhan. May sinuman ba kayong ipinapalagay na dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na, nagmumula sa isang mataas na kalagayan, na nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae o sa isang pinakamataas na kalagayan, na makagagawa ng ganitong uri ng panawagan sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam sa mga kundisyon ng pamumuhay ng mga tao na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makakabuhat sa pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang may kakayahang ipahayag ang pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang may kakayahang patawarin ang isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na minamahal nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Manlilikha lamang! Tanging ang Manlilikha ang naaawa sa sangkatauhang ito. Tanging ang Manlilikha ang nagpapakita ng pagiging malambing at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Manlilikha lamang ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhan. Gayun din, tanging ang Manlilikha lamang ang nakapagkakaloob ng kaawaan sa sangkatauhang ito at umiibig sa lahat ng Kanyang nilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat gawain ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat bahagi ng Kanyang mga kaisipan at ideya ay umiiral at umiikot para sa sangkatauhan; kung ano Siya at mayroon Siya ay lubos na ipinahayag para lamang sa sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakapulupot sa pamumuhay ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng mga tao, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat bahagi ng Kanyang buhay; itinatalaga Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay… Hindi Niya kailanman natutunan kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinakaawaan at minamahal ang sangkatauhan na Kanyang nilikha Mismo… Ibinigay Niyang lahat ang nasa Kanya para sa sangkatauhang ito… Ibinibigay Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kundisyon at walang inaasahang ganti. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na mamuhay ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang biyaya ng buhay; ginagawa lamang Niya ito upang isang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang Nag-iisang tumutustos sa pamumuhay ng tao at nagkakaloob ng buhay sa lahat ng nilalang.
Ipinapahayag ng Manlilikha ang Kanyang Tunay na Nararamdaman sa Sangkatauhan
Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay walang duda na isang kapahayagan ng tunay na nararamdaman ng Manlilikha sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang pagkaunawa ng Manlilikha sa buong kalikasan na nasa ilalim ng Kanyang pamamahala; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova,“At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pagkaunawa ng Diyos sa Ninive ay malayo sa isang pahapaw. Hindi lang Niya alam kung ilan ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop), alam din Niya kung ilan ang hindi nakaaalam sa pagitan ng kanilang kanan at kaliwang kamay – ibig sabihin, ilang mga bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang matibay na katunayan sa lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Manlilikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang bigat ng sangkatauhan sa puso ng Manlilikha. Katulad lang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At sinabi ng Panginoon, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive sa malaking bayang yaon…?” Ito ay mga salita ng paninisi ng Diyos na si Jehova kay Jonas, ngunit lahat ng ito ay totoo.
Bagaman pinagkatiwalaan si Jonas upang ipangaral ang salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawan ang intensyon ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng Kanyang sariling mga kamay, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa para sa bawat tao; dala-dala ng bawat tao ang mga pag-asa ng Diyos; tinatamasa ng bawat tao ang tustos na buhay ng Diyos; sa bawat tao, nagbayad ang Diyos ng isang malaking halaga. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagpaalala din kay Jonas na pinapahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, ang gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad ng pagpapahalaga ni Jonas sa halaman. Hindi sila madaling iiwanan ng Diyos kahit sa anumang paraan hanggang sa huling sandali; lalo na, napakaraming mga bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag pinag-uusapan ang mga batang ito at ang mga inosenteng nilalang ng Diyos, na hindi man lang alam ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi kayang tapusin ng Diyos ang kanilang buhay at itakda ang kanilang kahihinatnan sa isang madaliang paraan. Umaasa ang Diyos na makita silang lumaki; umaasa ang Diyos na hindi sila lalakad sa landas na nilakaran ng kanilang mga magulang, na hindi na nila muling maririnig ang babala ng Diyos na si Jehova, at magiging patotoo sila sa nakaraan ng Ninive. Bukod pa dito, umaasa ang Diyos na makita ang mga taga-Ninive pagkatapos nilang magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive matapos ang kanilang pagsisisi, at higit na mahalaga sa lahat, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Kaya, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi alam ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang papasan sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagpasan sa mahalagang tungkulin ng pagiging saksi sa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na nararamdaman, iniharap ng Diyos na si Jehova ang nararamdamang awa ng Manlilikha para sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan. Ipinakikita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Manlilikha” ay hindi isang walang laman na mga salita, ni isang mababaw na pangako; mayroon itong matibay na mga prinsipyo, pamamaraan at layunin. Siya ay tunay at totoo, at hindi gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong pagkakataong ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkaloob sa buong sangkatauhan sa lahat ng panahon at gulang. Ngunit hanggang sa araw na ito, ang pakikipag-usap ng Manlilikha kay Jonas ay ang nag-iisa, at natatanging pahayag ng Diyos kung bakit nagpakita Siya ng kaawaan sa sangkatauhan, paano Siya nagpakita ng kaawaan sa sangkatauhan, paano Siya nagparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan. Ang maikli ngunit malinaw na pangungusap ng Diyos na si Jehova ay nagpapahayag ng Kanyang kumpletong mga kaisipan para sa sangkatauhan; ito ay isang tunay na kapahayagan ng saloobin ng Kanyang puso para sa sangkatauhan; at isa rin itong matibay na patunay ng Kanyang malawak na pagkakaloob ng awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkaloob sa nakatatandang mga henerasyon; ito ay ipinagkaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kagaya lang ng dati, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang galit ng Diyos ay madalas dumarating sa mga tiyak na lugar at tiyak na panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman nawala. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinapangunahan Niya ang isang henerasyon ng Kanyang nilikha pagkatapos ng sumunod, tinutustusan at pinagpapala ang isang henerasyon ng nilikha pagkatapos ng sumunod, sapagkat ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive…?” Lagi Niyang pinapahalagahan ang Kanyang sariling nilikha. Ito ang kaawaan ng matuwid na katangian ng Manlilikha, at ito rin ang dalisay na pagkabukod-tangi ng Manlilikha!
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)
Ang pinagmulan: "Ang Mismong Diyos, ang Bukod-Tangi II (B)"
Rekomendasyon: Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng personal na bumalik na Panginoong Jesus sa mga huling araw
Pagsaliksik sa Kidlat ng Silanganan
Bakit pinalalaganap ng mga Kristiano ang Ebanghelyo ?
0 Mga Komento