Kidlat ng Silanganan - Tungkol sa Biblia (3)


Biblia, Ebanghelyo, Iglesia, Jesus, Panginoong Jesus,

Kidlat ng Silanganan - Tungkol sa Biblia (3)


Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. 
Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Marami sa nasa mga aklat ng Biblia ang mga pagkaintindi ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pakahulugan ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pakahulugang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang nagmula sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa direktang tagubilin ng Banal na Espiritu, ang mga taong ito ay mga propeta, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na direktang itinagubilin ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang bayan ng Israel ay ang piniling bayan ng Diyos: Kinailangang gawin ang gawain ng mga propeta sa gitna nila, at naging marapat sila na tumanggap ng gayong mga pahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga pahayag ng Diyos sa kanila. Sinabi ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay talagang gawa ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa tao, at mabigyan sila ng pagpapatibay ng gawain ng Banal na Espiritu. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus Mismo ang gumawa ng lahat ng gawaing ito kahalili nila, kaya nga hindi na nagsalita ng propesiya ang mga tao. Kaya propeta ba si Jesus? Si Jesus, siyempre, ay isang propeta, pero nagawa rin Niya ang gawain ng mga apostol: Kaya Niyang magsalita ng propesiya at mangaral at magturo sa mga tao sa buong kalupaan. Subalit ang gawaing ginawa Niya at ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay hindi magkapareho. Pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan, tubusin ang tao mula sa kasalanan; Siya ay isang propeta, at isang apostol, pero higit pa roon, Siya si Cristo. Ang isang propeta ay maaaring magsalita ng propesiya, ngunit hindi masasabi na siya si Cristo. Sa panahong iyon, maraming sinalitang propesiya si Jesus, kaya masasabi na isa Siyang propeta, pero hindi masasabi na isa Siyang propeta kaya hindi Siya si Cristo. Iyon ay dahil kinatawan Niya ang Diyos Mismo sa pagsasagawa ng isang yugto ng gawain, at iba ang pagkakakilanlan sa Kanya kaysa kay Isaias: Pumarito Siya upang gawing ganap ang gawain ng pagtubos, at Siya rin ang nagbigay ng buhay sa tao, at tuwirang suma-Kanya ang Espiritu ng Diyos. Sa gawaing ginawa Niya, walang mga inspirasyong nagmula sa Espiritu ng Diyos o mga tagubilin mula kay Jehova. Sa halip, direktang gumawa ang Espiritu—na sapat upang patunayan na si Jesus ay hindi kapareho ng isang propeta. Ang gawaing ginawa Niya ay ang gawain ng pagtubos, na pinangalawahan ng pagsasalita ng propesiya. Siya ay isang propeta, isang apostol, at higit pa riyan, Siya ang Manunubos. Samantala, ang mga manghuhula ay maaari lamang magsalita ng propesiya, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos sa paggawa ng anumang iba pang gawain. Dahil maraming ginawa si Jesus na hindi pa nagawa ng tao kailanman, at ginawa ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, naiiba Siya sa mga katulad ni Isaias. Ayaw tanggapin ng ilang tao ang patuloy na daloy ng gawain ngayon dahil naging balakid ito sa kanila. Sabi nila: “Sa Lumang Tipan maraming propeta ring nagsalita ng maraming mga salita—kaya bakit hindi sila ang Diyos na naging tao? Ang Diyos ng kasalukuyan ay nagsasalita ng mga salita—sapat na ba ’yan para patunayan na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Hindi mo itinataas ang Biblia, ni pinag-aaralan ito—kaya ano ang batayan mo para sabihin na Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos? Sinasabi mo na tagubilin ito ng Banal na Espiritu, at naniniwala ka na ang yugtong ito ng gawain ay gawaing personal na ginagawa ng Diyos—pero ano ang batayan mo para dito? Itinutuon mo ang iyong pansin sa mga salita ng Diyos ngayon, parang ikinaila mo na ang Biblia, at isinantabi ito.” At kaya sinasabi nila na naniniwala ka sa maling pananampalataya at lihis na paniniwala.

Kung nais mong sumaksi sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kailangan mong maunawaan ang tunay na pangyayari sa Biblia, ang balangkas ng Biblia, at ang diwa ng Biblia. Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at na ang Diyos ay Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay mga salita lamang na sinabi ng Diyos, at na lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat sa animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pakahulugan ng mga tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga direktang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagawa ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng marami sa gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ito para sa lahat ng kapatid sa Panginoon, at ginawa upang sundin ng mga kapatid sa lahat ng iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at maging tapat sila sa lahat ng pamamaraan ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalaala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginawa niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ibinigay sa kanya ang responsabilidad sa mga iglesia, inatasan siyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpapatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi niya maaaring katawanin ang Diyos. Mapangahas na pag-unawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Kaya para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay kapareho ng kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga ideya ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sa lawak ng kanyang sariling buhay. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao; hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katapat ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring direktang katawanin ang Diyos.

Ang Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ay itinatala ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. na hindi Siya anak ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Ang talaangkanan ay malinaw na isinasaad ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatwid, ang talaangkanan bang sinabi ni Mateo ay hindi ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan, alam mo na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na may talaangkanan ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Talagang nakakatawa ’yan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba n’yo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagka’t ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng sangnilikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao. Paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na sinang-ayunan ni Jehova, at isa siya sa bayan ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?

Sino ang sumulat ng talaangkanan ni Jesus? Si Jesus ba Mismo ang sumulat niyon? Personal bang sinabi ni Jesus sa kanila na, “Isulat ang Aking talaangkanan”? Itinala ito ni Mateo matapos ipako si Jesus sa krus. Sa panahong iyon, maraming nagawa si Jesus na hindi maunawaan ng Kanyang mga disipulo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, sinimulang mangaral at gumawa ng mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga sulat at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Dati-rati, Lumang Tipan lang ang binabasa ng mga tao ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya binasa ng mga tao ang Lumang Tipan. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang umiral na Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ito ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, kung saan karagdagan ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, nang tipunin ng sumunod na mga henerasyon ang kanilang mga talaan, at saka lamang nagkaroon ng Bagong Tipan. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, nagawa ni apostol Pablo ang lahat ng gawaing iyon, at pagkatapos ay pinagsama ang mga sulat nina Pablo at Pedro, at ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos ang inihuli, sapagkat ihinula nito ang gawain ng mga huling araw. Lahat ng ito ay isinaayos ng sumunod na mga henerasyon, at iba ito kaysa mga binigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na ginagawa ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Hindi mo kailangang makialam—ang mga salita, na direktang nagmula sa Espiritu, ay naisasaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pagkaalam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Biblia bilang Diyos napakamangmang at napabobo mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Biblia ang tao, maaari lamang nilang basahin ito nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sasambahin mo ang Biblia hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa Israel ay parehong nakatala sa Biblia, kaya sa mga talaang ito ang lahat ng pangalan ay sa mga taga-Israel, at lahat ng pangyayari ay sa mga taga-Israel; kahit ang pangalang "Jesus" ay pangalang Israelita. Kung patuloy mong binabasa ang Biblia ngayon, hindi ka ba sumusunod sa kaugalian? Ang nakatala sa Bagong Tipan ng Biblia ay may kinalaman sa Judea. Ang orihinal na teksto ay parehong nasa wikang Griyego at Hebreo, at ang mga salita ni Jesus at ang tawag sa Kanya noon ay pawang kabilang sa wika ng tao. Nang ipako Siya sa krus, sinabi ni Jesus: "Eli, Eli, lama sabachthani?" Hindi ba ito Hebreo? Ito ay dahil lang sa nagkatawang-tao si Jesus sa Judea, pero hindi nito pinatutunayan na ang Diyos ay Judio. Ngayon, naging tao ang Diyos sa Tsina, kaya nga lahat ng bagay na sinasabi Niya ay walang-dudang nasa wikang Tsino. Gayon pa man hindi ito maikukumpara sa wikang Tsino na isinalin mula sa Biblia, dahil iba ang pinagmulan ng mga salitang ito: Ang isa ay mula sa Hebreo na itinala ng mga tao, at ang isa ay mula sa direktang pagbigkas ng Espiritu.

Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento