At iginawa ng Dios na si Jehova si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila’y dinamitan


Gen 3:20–21 At tinawag na Eva ng lalake ang kaniyang asawa, sapagka’t siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay. At iginawa ng Dios na si Jehova si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila’y dinamitan.

Tingnan natin itong pangatlong pahayag, na nagsasabing may kahulugan sa likod ng pangalan na binigay ni Adan kay Eva, di ba? Ipinakikita dito na pagkatapos nilikha, may sariling mga kaisipan si Adan at nakakaintindi ng maraming bagay. Nguni’t sa ngayon hindi natin pag-aaralan o sasaliksikin kung ano ang kanyang naintindihan o kung gaano karami ang kanyang naintindihan dahil hindi ito ang pangunahing punto na nais Kong talakayin sa ikatlong pahayag. Kaya ano ang pangunahing punto ng ikatlong pahayag? Tingnan natin ang linyang, “At iginawa ng Dios na si Jehova si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila’y dinamitan.” Kung hindi natin pagbabahaginan ang tungkol sa linyang ito ng banal na kasulatan sa araw na ito, marahil ay hindi ninyo kailanman mauunawaan ang kahulugan na nasa likod ng mga salitang ito. Una, hayaan ninyong magbigay Ako ng ilang palatandaan. Palawakin ninyo ang inyong pag-iisip at ilarawan ang Hardin ng Eden, kung saan nakatira sina Adan at Eva. Binisita sila ng Diyos nguni’t nagtago sila dahil sila ay hubad. Hindi sila makita ng Diyos, at matapos Niya silang tawagin, sinabi nila, “Hindi kami mangangahas na makita Kayo dahil ang mga katawan namin ay hubad.” Hindi sila nangahas na makita ang Diyos dahil sila ay hubad. Kaya ano ang ginawa ng Diyos na si Jehova para sa kanila? Ang sabi sa orihinal na teksto: “At iginawa ng Dios na si Jehova si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila’y dinamitan.” Ngayon, alam ba ninyo kung ano ang ginamit ng Diyos sa paggawa ng mga damit nila? Gumamit ang Diyos ng mga balat ng hayop para gumawa ng mga damit nila. Ang ibig sabihin, ang damit na ginawa ng Diyos para sa tao ay isang balabal na balahibo. Ito ang unang piraso ng damit na ginawa ng Diyos para sa tao. Ang balabal na balahibo ay isang mamahaling damit sa kasalukuyang mga pamantayan, isang bagay na hindi lahat ay kakayaning isuot. Kung may magtatanong sa iyo: Ano ang unang piraso ng damit na sinuot ng mga ninuno ng sangkatauhan? Maaari mong sabihin: Ito ay isang balabal na balahibo. Sino ang gumawa ng balabal na balahibong ito? Maaari mo pang itugon: Ang Diyos ang gumawa nito! Iyan ang pangunahing punto: Ang damit na ito ay ginawa ng Diyos. Hindi ba ito karapat-dapat pansinin? Ngayong kalalarawan Ko lang nito, may imahe bang nabuo sa inyong mga isipan? Dapat ay mayroong kahit na malabong bakas man lamang nito. Ang saysay ng pagsasabi nito sa inyo sa araw na ito ay hindi upang ipaalam sa inyo kung ano ang unang piraso ng damit ng tao. Kung ganoon ano ang punto? Hindi iyong balabal na balahibo ang punto, nguni’t kung paano malalaman ang disposisyon at katauhan at mga kataglayan na ipinahayag ng Diyos noong ginagawa Niya ang bagay na ito.

Sa larawang ito ng “At iginawa ng Dios na si Jehova si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila’y dinamitan,” anong uri ng papel ang ginagampanan ng Diyos noong kasama Niya sina Adan at Eva? Sa anong uri ng pagganap nagpapakita ang Diyos sa isang mundo na may dadalawang tao lamang? Bilang Diyos? Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Hongkong, mangyaring sumagot kayo. (Bilang isang magulang.) Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Timog Korea, sa anong uri ng pagganap sa palagay ninyo ang pagpapakita ng Diyos? (Pinuno ng pamilya.) Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Taiwan, ano sa palagay ninyo? (Bilang isang kapamilya nina Adan at Eva, bilang isang miyembro ng pamilya.) Sa palagay ng ilan sa inyo ang Diyos ay nagpapakita bilang isang kapamilya nina Adan at Eva, habang ang ilan ay nagsasabing nagpapakita ang Diyos bilang pinuno ng pamilya at ang sabi ng iba bilang isang magulang. Ang lahat ng ito ay napakaangkop. Nguni’t saan Ako patungo? Nilikha ng Diyos ang dalawang taong ito at itinuring silang mga kasama Niya. Bilang nag-iisa nilang kapamilya, inalagaan ng Diyos ang kanilang mga buhay at tinugunan din ang mga pangunahin nilang pangangailangan. Dito, nagpapakita ang Diyos bilang magulang nila Adan at Eva. Habang ginagawa ito ng Diyos, hindi nakikita ng tao kung gaano katayog ang Diyos; hindi niya nakikita ang kataas-taasang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang pagiging mahiwaga, at lalo nang hindi ang Kanyang poot o kamahalan. Ang nakikita lamang niya ay ang pagpapakumbaba ng Diyos, ang Kanyang pagsuyo, ang Kanyang malasakit para sa tao at ang Kanyang pananagutan at paglingap para sa kanya. Ang saloobin at paraan kung paano pinakitunguhan ng Diyos sina Adan at Eva ay katulad ng pagpapakita ng malasakit ng mga magulang na tao para sa kanilang sariling mga anak. Ganito rin ang mga magulang na tao kung magmahal, gumabay, at mag-alaga para sa kanilang mga sariling anak na lalaki at babae—totoo, nakikita, at tunay. Sa halip na ilagay ang Sarili Niya sa isang mataas at makapangyarihan na katayuan, personal na ginamit ng Diyos ang mga balat upang gumawa ng damit para sa tao. Hindi mahalaga kung ang balabal na balahibong ito ay ginamit upang takpan ang kanilang kahinhinan o sanggahan sila mula sa lamig. Sa madaling salita, itong damit na ginamit upang takpan ang katawan ng tao ay personal na ginawa ng Diyos gamit ang sarili Niyang mga kamay. Sa halip na likhain ito sa pamamagitan ng pang-isipan o mahimalang mga pamamaraan, gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao, marapat na ginawa ng Diyos ang isang bagay na sa palagay ng tao ay hindi magagawa at hindi dapat gawin ng Diyos. Maaaring simpleng bagay ito na marahil sa palagay ng ilan ay ni hindi na dapat pang banggitin, nguni’t hinahayaan nito ang lahat ng sumusunod sa Diyos na dati ay puno ng malalabong kaisipan tungkol sa Kanya upang magkaroon ng maliwanag na pagkaunawa sa Kanyang pagkatotoo at pagiging kaibig-ibig, at upang makita ang Kanyang tapat at mapagpakumbabang kalikasan. Nagagawa nitong payukuin dahil sa hiya ang mapagmataas na ulo ng mga lubhang napakayabang na tao na nag-iisip na sila’y mataas at malakas sa harap ng pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos. Dito, nakatutulong pa ang pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos upang maipakita sa mga tao kung gaano Siya kaibig-ibig. Sa paghahambing, ang “napakalaking” Diyos, “kaibig-ibig” na Diyos, at Diyos na “makapangyarihan sa lahat” sa puso ng mga tao ay napakaliit, nakakawalang-gana, at hindi kayang labanan ang kahit isang hampas. Kapag nakita mo ang bersikulong ito at narinig ang kuwentong ito, bumababa ba ang tingin mo sa Diyos dahil ginawa Niya ang ganoong bagay? May ilang tao ang maaaring ganoon, nguni’t para sa iba, ito ay ang lubos na kabaliktaran. Iisipin nila na ang Diyos ay totoo at kaibig-ibig, at ang mismong pagkatotoo at pagiging kaibig-ibig ng Diyos ang tumitinag sa kanila. Habang lalo nilang nakikita ang tunay na panig ng Diyos, lalo nilang mapahahalagahan ang tunay na pag-iral ng pag-ibig ng Diyos, ang kahalagahan ng Diyos sa kanilang mga puso, at kung paano Siya nananatili sa tabi nila sa bawat sandali.

Sa puntong ito, dapat nating iugnay ang ating talakayan sa kasalukuyan. Kung kaya ng Diyos na gawin ang iba’t ibang maliliit na bagay na ito para sa mga taong nilikha Niya sa simula’t simula pa, kahit ang ilang bagay na hindi kailanman mangangahas ang mga taong isipin o asahan, maaari kayang gawin ng Diyos ang mga ganoong bagay para sa mga tao sa kasalukuyan? Sabi ng ilang tao, “Oo!” Bakit ganoon? Dahil ang diwa ng Diyos ay hindi huwad, ang Kanyang pagiging kaibig-ibig ay hindi huwad. Dahil tunay ang diwa ng Diyos at hindi bagay na idinagdag ng iba, at tiyak na hindi bagay na nagbabago kasabay ng mga pagbabago sa oras, lugar, at mga kapanahunan. Ang pagkatotoo at pagiging kaibig-ibig ng Diyos ay maaaring maipakita sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na sa palagay ng tao ay di mapapansin at walang-kuwenta, isang bagay na napakaliit na hindi man lang iniisip ng tao na gagawin Niya kailanman. Ang Diyos ay hindi mapagpanggap. Walang pagmamalabis, pagbabalatkayo, pagmamataas, o pagmamayabang sa Kanyang disposisyon at diwa. Hindi Siya kailanman naghambog, nguni’t sa halip ay nagmamahal, nagpapakita ng malasakit, nagsusubaybay, at pinangungunahan ang mga taong Kanyang nilikha nang may katapatan at pagiging taos-puso. Kahit gaano man dito ang mapahalagahan, madama, o makita ng mga tao, lubos na ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito. Ang malaman ba na ang Diyos ay may ganitong diwa ay makaaapekto sa pag-ibig ng tao para sa Kanya? Maaari ba itong makaimpluwensya sa kanilang takot sa Diyos? Umaasa Akong kapag naunawaan mo ang pagiging totoo ng Diyos ay lalo ka pang mapapalapit sa Kanya at lalo pang tunay na mapahahalagahan ang Kanyang pag-ibig at paglingap para sa sangkatauhan, habang kasabay nito ay maibibigay ang iyong puso sa Diyos at hindi na magkakaroon ng anumang paghihinala o pagdududa sa Kanya. Tahimik na ginagawa ng Diyos ang lahat para sa tao, tahimik na ginagawa ang lahat ng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagiging taos-puso, katapatan, at pag-ibig. Nguni’t wala Siya kailanmang pangamba o pagsisisi para sa lahat ng Kanyang ginagawa, ni wala rin Siyang pangangailangang bayaran ng ninuman sa anumang paraan o layunin kailanman na may makuha mula sa sangkatauhan. Ang tanging layunin ng lahat ng ginawa Niya kailanman ay upang matanggap Niya ang tunay na pananampalataya at pag-ibig ng sangkatauhan.

—mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento