Kidlat ng Silanganan-Ang Ikaapatnapu’t-apat na Pagbigkas
Itinuturing ng mga tao ang Aking gawain bilang isang dagdag, hindi sila lumiliban sa pagkain o pagtulog alang-alang dito, kaya’t wala Akong pagpipilian kundi humingi nang akma sa tao ayon sa kanyang pagtrato sa Akin. Aking naaalaala na minsan ay binigyan ko ang tao ng malaking biyaya at maraming mga pagpapala, nguni’t pagkatapos agawin ang mga bagay na ito agad siyang umalis. Para bang hindi Ko namamalayang ibinibigay ang mga iyon sa kanya. Kaya’t, lagi Akong minamahal ng tao sa gitna ng kanyang sariling mga pagkaintindi. Nais Kong Ako ay tunay na mahalin ng tao, nguni’t ngayon, ang mga tao ay nagpapatumpik-tumpik pa rin, hindi kayang ibigay ang kanilang tunay na pag-ibig sa Akin. Sa kanilang guni-guni, naniniwala sila na kung ibinibigay nila ang kanilang tunay na pag-ibig sa Akin, walang matitira sa kanila. Kapag Ako ay tumututol, ang kanilang mga buong katawan ay nanginginig—gayunma’y hindi pa rin sila handang ibigay ang kanilang tunay na pag-ibig sa Akin. Para bang sila ay may hinihintay, kaya’t tumatanaw sila sa unahan, hindi kailanman sinasabi sa Akin kung ano ang talagang nangyayari. Para bang may istiker na itinapal sa kanilang mga bibig, kaya hindi sila kailanman nagsasalita nang hayagan.
Sa harap ng tao, tila, Ako ay naging kapitalistang walang-awa. Laging natatakot sa Akin ang mga tao: Pagkakita sa Akin, agad silang nawawala nang walang bakas, takot na takot kung ano ang itatanong Ko sa kanila tungkol sa kanilang mga kalagayan. Hindi Ko alam ang dahilan kung bakit kaya ng mga tao ang taos-pusong pag-ibig sa kanilang “kapwa ka-barangay,” nguni’t hindi Ako kayang mahalin, na Siyang kagalang-galang sa espiritu. Dahil dito Ako ay nagbubuntung-hininga: Bakit ang mga tao ay laging pinapakawalan ang kanilang pag-ibig sa mundo ng tao? Bakit hindi Ko matikman ang pag-ibig ng tao? Ito ba ay dahil hindi Ako isa sa sangkatauhan? Lagi Akong itinuturing ng mga tao na tulad ng isang taong-gubat sa mga kabundukan. Parang kulang Ako ng kung anong bumubuo sa isang normal na tao, kaya’t sa harap Ko ang mga tao ay laging nagkukunwaring may mataas na antas ng moralidad. Malimit nilang kaladkarin Ako sa harap nila para pagsabihan, sinasabihan Akong lumayo gaya ng pagsasabi nila sa isang batang musmos; sapagka’t, sa mga alaala ng mga tao, Ako ay isa na di-makatuwiran at walang pinag-aralan, lagi nilang ginagampanan ang papel ng tagapagturo sa harap Ko. Hindi Ko kinakastigo ang mga tao dahil sa kanilang mga kabiguan, kundi binibigyan sila ng akmang tulong, hinahayaan silang makatanggap ng palagiang “tulong pangkabuhayan.” Dahil ang tao ay palaging namuhay sa gitna ng sakúnâ at nahihirapang tumakas, at sa kalagitnaan ng sakunang ito siya ay palaging nakakatawag sa Akin, kaagad Akong naghahatid ng “panustos na butil” sa kanyang mga kamay, hinahayaan ang lahat ng mga tao na mamuhay sa malaking pamilya ng bagong kapanahunan, at maranasan ang init ng malaking pamilya. Kapag minamasdan Ko ang gawain sa gitna ng tao, Aking natutuklasan ang maraming pagkukulang ng tao, at bilang resulta binibigyan Ko ang tao ng tulong. Kahit sa panahong ito, mayroon pa ring pambihirang kahirapan sa gitna ng tao, at sa gayon nakapagkaloob Ako ng karampatang kalinga sa “mahihirap na lugar,” iniaangat sila mula sa kahirapan. Ito ang pamamaraan kung paano Ako gumagawa, hinahayaan ang lahat ng mga tao na tamasahin ang Aking biyaya hanggang makakaya nila.
Ang mga tao sa lupa ay hindi-namamalayang nagdurusa ng pagkastigo, kaya’t Aking binubuksan ang Aking malaking kamay at hinihila sila sa Aking tabi, hinahayaan ang kanilang magandang kapalaran na matamasa ang Aking biyaya sa lupa. Sa lupa, ano ang hindi hungkag at walang kabuluhan? Ako ay naglalakad sa gitna ng lahat ng mga lugar sa mundo ng tao, at kahit na maraming kilalang bantayog at kasiya-siyang likas na tanawin, saanman Ako pumunta ay matagal nang nawalan ng kasiglahan. Saka Ko lamang nadarama ang kapanglawan at pagkatiwangwang sa lupa: Sa ibabaw ng lupa, ang buhay ay matagal nang naglaho, mayroon lamang amoy ng kamatayan, kaya’t tinawagan Ko na ang tao na magmadali at lisanin ang lupaing ito ng paghihirap. Ang nakikita Ko lamang ay hiwatig ng kahungkagan. Sinasamantala Ko ang pagkakataong ihagis ang buhay sa Aking kamay patungo sa mga yaong Aking napili; walang anu-ano, mayroong tapal na luntian sa ibabaw ng lupain. Ang mga tao ay handang tamasahin ang mga bagay na may kasiglahan sa ibabaw ng lupa, nguni’t hindi Ako nasisiyahan dito; laging pinahahalagahan ng mga tao ang mga bagay-bagay sa ibabaw ng lupa, at hindi nakikita ang kahungkagan ng mga iyon, anupa’t, yamang narating ang puntong ito ngayon, hindi pa rin nila nauunawaan kung bakit walang buhay na umiiral sa ibabaw ng lupa. Ngayon, habang Ako ay naglalakad sa kalagitnaan ng sansinukob, nakakaya ng mga tao na tamasahin ang biyaya ng lugar kung nasaan Ako, at kinukuha nila ito bilang puhunan, hindi kailanman hinahabol ang pinagmumulan ng buhay. Ginagamit nilang lahat kung ano ang ibinibigay Ko bilang puhunan, gayunman ay wala sa kanilang sumusubok na gampanan ang orihinal na tungkulin ng kasiglahan. Hindi nila alam kung paano gamitin o paunlarin ang mga likas na yaman, kaya’t naiiwan silang nagdarahop. Ako ay nananahan sa gitna ng tao, nabubuhay Ako sa gitna ng tao, gayunman ngayon hindi pa rin Ako kilala ng tao. Kahit na nabigyan Ako ng malaking tulong ng mga tao bilang bunga ng Aking pagiging napakalayo sa tahanan, para bang hindi Ko pa naitatatag ang tamang pakikipagkaibigan sa tao, kaya’t nararamdaman Ko pa rin ang pagiging-hindi-patas ng mundo ng tao; sa Aking mga mata, ang sangkatauhan, pagkatapos ng lahat, ay hungkag, at walang kayamanang may anumang halaga sa gitna ng tao. Hindi Ko alam kung anong pananaw ng mga tao tungkol sa pantaong buhay, nguni’t sa kabuuan, ang Akin ay hindi-maihihiwalay sa salitang “hungkag.” Ako ay umaasa na ang mga tao ay hindi mag-iisip nang masama tungkol sa Akin dahil dito—ganyan lang Ako, Ako’y prangka, hindi Ko sinusubukang maging magalang. Gayunpaman, papayuhan Ko ang mga tao na pag-ukulan ng masusing pansin ang Aking iniisip, pagka’t ang Aking mga salita, matapos ang lahat, ay nakakatulong sa kanila. Hindi Ko alam kung ano ang pagkaunawa ng mga tao sa “pagiging hungkag.” Ang Aking pag-asa ay na sila ay magsisikap nang kaunti para sa gawaing ito. Makabubuti para sa kanila na tunay na maranasan ang pantaong buhay, at tingnan kung makakakita sila ng anumang makabuluhang “mga mineral” dito. Hindi Ko pinanghihina ang pagkapositibo ng mga tao, nais Ko lamang na makatamo sila ng kaunting kaalaman sa Aking mga salita. Lagi Akong nagmamadali para sa kapakanan ng pantaong mga bagay-bagay, nguni’t kahit na narating ang puntong ito ngayon, ang mga tao ay hindi pa rin nakabigkas ng kahit isang salita ng pasasalamat, na parang napaka-abálá nila, at nakalimutan na ito. Kahit ngayon, hindi Ko pa rin nauunawaan kung anong naging epekto ng pagmamadali ng mga tao buong araw. Magpahanggang sa ngayon wala pa rin Akong puwang sa mga puso ng mga tao, kaya’t minsan pang nag-iisip nang malalim. Nakapagsimula na Akong magtalaga sa gawain ng pagsasaliksik “kung bakit ang mga tao ay walang pusong tunay na nagmamahal sa Akin”: Itataas Ko ang tao sa “kama sa pag-oopera,” Aking hihiwain ang kanyang puso, at titingnan kung ano ang bumabara sa daan ng kanyang puso at pumipigil sa kanya mula sa tunay na pagmamahal sa Akin. Sa ilalim ng epekto ng “kutsilyo,” mariing ipinipikit ng mga tao ang kanilang mga mata, naghihintay na magsimula Ako, dahil sa sandaling ito, ganap na silang nakasúkò; sa kanilang mga puso marami Akong nakikitang mga halò. Sa kanilang mga puso, una sa mga ito ay ang mga sariling mga bagay-bagay ng mga tao. Bagaman maaari silang magkaroon ng ilang mga bagay-bagay sa labas ng kanilang mga katawan, yaong mga nasa loob ng kanilang mga katawan ay hindi mabilang. Para bang ang puso ng tao ay isang malaking kahong imbakan, puno ng mga kayamanan, lahat ng kakailanganin ng mga tao. Saka Ko lamang nauunawaan kung bakit hindi Ako isinasaalang-alang ng mga tao: ito ay dahil sila ay may malaking sariling kasapatan—ano pang kakailanganin nilang tulong sa Akin? Kaya lumilisan Ako mula sa tao, sapagka’t hindi nila kailangan ang Aking tulong; bakit Ako magmumukhang matapang at hahayaan silang kamuhian Ako?
Sinong nakakaalam kung bakit, nguni’t lagi Akong nahahandang magsalita sa kalagitnaan ng tao—na para bang hindi Ko mapigilan ang Aking Sarili. Kaya’t, lagi Akong ipinalalagay ng mga tao na walang silbi, lagi nila Akong itinuturing na walang halaga, hindi nila Ako itinuturing na kagalang-galang. Hindi nila Ako pinahahalagahan, at kinakaladkad nila Akong pauwi kahit anong oras at pagkatapos ay itatapon Akong muli sa labas, “inilalantad” Ako sa harap ng publiko. Sukdulan Kong kinamumuhian ang hamak na asal ng tao, kaya’t tahasan Kong sinasabi na ang tao ay walang konsensya. Nguni’t ang mga tao ay hindi mapagkakasundo, kinukuha nila ang kanilang “mga tabak at sibát” at nakikipaglaban sa Akin, sinasabing ang Aking mga salita ay hindi kaayon ng aktwal na mga kalagayan, sinasabing sinisiraan Ko sila—nguni’t hindi Ako gumaganti sa kanila bilang resulta ng kanilang marahas na asal. Ginagamit Ko lamang ang Aking mga katotohanan upang mapapaniwala ang mga tao, para mapahiya sila sa kanilang mga sarili, kung saan matapos ito ay tahimik silang umuurong. Hindi Ako nakikipagpagalingan sa tao, dahil walang pakinabang diyan. Mananatili Ako sa Aking tungkulin, at umaasa Ako na ang tao ay makakapanatili rin sa kanyang tungkulin, at hindi kikilos laban sa Akin. Hindi ba’t mas mabuting magkasama nang mapayapa tulad nito? Bakit sasaktan ang ating ugnayan? Nakapagsama na tayo sa loob ng mga taong ito—bakit magsasanhi ng kaguluhan sa ating dalawa? Hindi ba walang pakinabang iyan sa alinman sa ating mga karangalan? Ang sa atin ay mahabang-mga-taong “malaong pagkakaibigan,” isang “malaong pagkakapalagayang-loob”—bakit maghihiwalay sanhi ng mapait na mga kadahilanan? May pakinabang ba rito? Umaasa Ako na magbibigay-pansin ang mga tao sa magiging datíng, na alam nila kung anong mabuti para sa kanila. Ang Aking saloobin tungo sa tao ngayon ay sapat para sa talakayan ng tao sa buhay—bakit ang mga tao ay laging nabibigong kilalanin ang Aking kabaitan? Dahil ba ito sa kulang sila ng mga kapangyarihan ng pagpapahayag? Kulang ba sila ng sapat na mga salita? Bakit lagi silang hindi makapagsalita? Sinong walang-alam sa kung paano Ko dalhin ang Aking Sarili? Ang mga tao ay lubos na namamalayan ang Aking mga ginagawa. Kaya nga lamang ay lagi nilang gustong lamangan ang iba, kaya hindi sila kailanman handang isantabi ang kanilang sariling mga kagustuhan; kung ang isa lamang salita ay makakasaling sa kanilang sariling mga kagustuhan, hindi sila titigil hanggang makapangibabaw sila—at anong punto ang mayroon diyan? Sa halip na magpagalingan sa kung gaano ang kanilang maibibigay, ang mga tao ay nagpapagalingan sa kung gaano ang kanilang makukuha. Kahit na walang kasiyahan sa kanilang katayuan, masyado nila itong pinahahalagahan, at ipinalalagay pa itong walang-kasing-halagang kayamanan—kaya’t mas gugustuhin pa nilang tiisin ang Aking pagkastigo kaysa isuko ang mga pagpapala ng katayuan. Napakataas ng pagtingin ng mga tao sa kanilang mga sarili, kaya’t hindi kailanman handang isantabi ang kanilang mga sarili. Marahil ay may kaunting kamalian sa Aking pagtimbang sa tao, o marahil ay tamang-tama lamang ito—nguni’t sa kabuuan, ang Aking pag-asa ay kukunin ito ng mga tao bilang isang babala.
Ika-21 ng Mayo, 1992
Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pinagmulan: "Ang Ikaapatnapu’t-tatlong Pagbigkas"
Rekomendasyon: Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng personal na bumalik na Panginoong Jesus sa mga huling araw
Bakit pinalalaganap ng mga Kristiano ang Ebanghelyo ?
Paano umunlad ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos?
0 Mga Komento