Ang Pag-ibig ng Diyos ay ang Pinakatunay
Wenzhong, Beijing
Agosto 11, 2012
Noong gabi ng Hulyo 21, 2012, nagkaroon ng malaking baha sa amin na hindi karaniwang nangyayari. Nais kong ipahayag sa lahat ng nauuhaw sa Diyos ang aking talagang naranasan at nakita nang araw na iyon.
Nang araw na inasikaso naming mag-asawa ang bakuran ng kamalig ng aking kapatid na babae. Kinagabihan, patuloy na bumuhos ang napakalakas na ulan at natulog kami nang maaga. Pagpatak ng alas tres kwarenta’y singko ng madaling araw ay ginising kami ng tawag ng aking bayaw na nagsasabing, “Bubuksan nila ang prinsa! Lahat ay babahain! Kailangan nating agad na lumikas!” Nang marinig ko ito ay natulos ako at ang naibulong ko lamang sa Diyos sa kaibuturan ng aking puso ay ang mga katagang, “Diyos ko! Diyos ko!” Ang tanging naisip kong isalba ay ang elektronikong scooter at MP5 player at TF card na ginagamit ko upang makinig ng mga himno at sermon. Bagama’t lito at matindi ang takot ay pumunta ako sa garahe upang itulak palabas ang elektronikong scooter at pinatakbo pauwi ng bahay upang masiguro ko ang kalagayan ng aking mga aklat ukol sa mga salita ng Diyos at ako ay nag-aalala rin sa kalagayan ng aking biyenan at mga anak. Nagmaneho ako sa kahabaan ng pangunahing kalsada subalit dahil hindi ako makakita nang mabuti sa gitna ng malakas na ulan, nabangga ko ang isang tipak ng aspalto na inanod ng malaking baha at ako ay tumilapon kasama ang aking scooter sa tubig. Taimtim akong nanalangin, “O Diyos, ito po ay batay sa Iyong katuwiran kung ako ay maanod ng baha ngayon. Iligtas Mo ako at gagawin ko ang aking tungkulin nang mabuti simula ngayon!” Ang kabiyak ng aking sapatos ay naanod na ng baha kaya minabuti kong magtungo sa pangunahing kalsada. Subalit nanghina ako sa aking nakita; ang kabilang kalsada ay nakabakod at hindi ako makaliban. Nahulog muli ako sa tubig at ang kabilang sapatos ko ay inanod na rin. Tumaas na ang baha sa aking hita at wala akong magawa kundi subukang makaliban sa ikatlong pagkakataon habang tahimik na nananalangin. Sa pagkakataong iyon, tatlong mag-anak ang lumitaw mula sa isa sa ilang kulungan ng baboy at nabuhayan ako ng loob sa pasasalamat sa Diyos. Sumabay ako sa kanila at nagsimulang tunguhin ang pangunahing kalsada nang biglang dumating ang aking asawa. Gumamit siya ng drill upang makagawa ng butas sa kawad na bakod at ako ang unang nakaliban sa pangunahing lansangan nang nakayapak. Sa timog ay may kurba ng ilog na dumadaloy pahilaga, at sa hilaga ang pangunahing daan ay lubog sa tubig na dumadaloy patimog, kaya kami ay naipit sa gitna at wala kaming magagawa kundi baybayin ang patungong pangunahing kalsada.
Nang ako ay nakarating sa pangunahing kalsada at tumingin sa ibaba, nanghina ako sa aking namalas. Hindi kalayuan sa aming kinatatayuan ay isang planta ng bakal; isang riles na may lawak na dalawa o higit pang metro ang naghihiwalay sa kinatatayuan namin mula sa pader na nakapalibot sa planta. Ang tubig sa loob ng pader ay higit sa isang metro ang lalim, maging ang mga bahay na gawa sa bakal ay naanod. Ngayon ay muli akong nanalangin, “O Diyos, salamat sa pagliligtas sa akin. Dahil sa aking kasakiman sa kayamanan kaya hindi ako nakinig sa mga salita ng Diyos, at naging matigas ang ulo. Ako’y nagkasala!” Kung ang tubig baha ay bumulwak sa hilagang bahagi, maaaring natangay na kami nito bandang alas dos ng madaling araw pa lamang. Subalit ito’y bumulwak sa ibabang pader sa bahaging timog at inilubog ang mga babuyan sa ilalim nito. Sa panahong ito, nakita ko talaga ang pagka-makapangyarihan ng Diyos. Sa mga nananalig sa Kanya, kahit kasakunaan ay lilihis.
Humimpil kami sa lagusan ng pangunahing kalsada sa loob ng humigit kumulang tatlong oras bago kami nakalabas at umuwi. Nang ako’y makarating sa aming tahanan at binuksan ang aking dalahin, himalang ni ang aking MP5 player o ang TF card ay hindi nabasa. Nang nahulog ang aking elektronikong scooter sa tubig ay nahulog din ang aking dalahin; ang charger ng aking scooter at iba pang gamit ay nabasa. Tanging ang MP5 player at TF card lamang ang hindi nasira. Namalas ko ang mga mahimalang gawa ng Diyos.
Nang ako ay bumalik sa bakuran ng kamalig, nagulat ako sa aking nakita. Ang bakuran ng kamalig ay nabasa lamang ng ulan ng nagdaang gabi; hindi gaanong karaming tubig ang nakapasok dito. May tubig sa mga mais sa harapan at malalim ang tubig sa likuran, subalit wala halos tubig sa bakuran ng kamalig: isinalba ito ng Diyos.
Nang dahil sa bahang ito ang aking puso ay higit na napayapa at ngayo’y alam ko na ang higit na mahalaga. Madalas na sinasabi ng mga tao na ang pera ang pinakamahalaga subalit sa pagbagsak ng kasakunaan, hindi ako maililigtas ng pera; ang Diyos ang aking tunay na Panginoon. Hindi ko na hahanapin ang pera, lilisanin ko ang bakuran ng kamalig at magtatalaga sa gawaing pag-eebanghelyo. Nang araw na iyon ay lumabas ako upang mangaral sa aking tiyahin, ina at hipag. Nakinig sila sa aking naranasan at tinanggap ito. Sa nakaraan, inusig ako ng aking ina at hipag nang dahil sa aking pananampalataya sa Diyos; nakapangaral ako sa kanila sa loob ng apat na taon subalit hindi sila nanalig. Sa sandaling iyon ay namalas ko nang mas malinaw ang pagka-makapangyarihan ng Diyos. Dati-rati’y inuusig din ako ng aking asawa nguni’t ngayon ay hindi na, at ipinapangaral ko ang ebanghelyo sa kanya. Noon, hindi ko magawang makapangaral, ni hindi ako makapagsalita. Nang dahil sa karanasang ito hindi na ako natatakot; Handa akong ipangaral ang aking karanasan at magpatotoo. Yamang nakita at naranasan ko ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pinaka-tunay at totoong pag-ibig sa harap ng kasakunaan, paanong hindi ako makasasaksi para sa Kanya?
Mula sa: Mga Patotoo
Tagalog Gospel Reflections section features a variety of topics such as how to welcome the Lord, how to be wise virgins, how to be raptured into the heavenly kingdom, and how to know Christ. Click to learn more.
0 Mga Komento