Sa isa sa aking pang-araw-araw na debosyon, nabasa ko na sinabi ng Panginoong Jesus, “Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:3). Inilapag ko ang Bibliya at nagsimula akong magnilay-nilay dito, “Iniibig at pinagpapala ng Panginoon ang mga mapagpakumbabang-loob, at para sa kanila ang kaharian ng langit. Nguni’t anong uri ng mga tao ang mga mapagpakumbabang-loob? Ang mga mapagpakumbabang-loob ba ay yaong may mababang loob, maamo, at mapagmahal sa iba?” Pinagnilay-nilayan ko ito nang ilang sandali, nguni’t hindi ako naliwanagan, at pinag-isipan ko ito hanggang hapon na nagkataon naman na ako ay may pulong kung saan pwede kong talakayin at saliksikin ang katanungan kasama ang aking mga kapatiran.
Ang mga Mapagpakumbabang-loob ba ay Yaong may Mababang-loob, Maamo, at Mapagmahal sa iba?
Inilahad ko ang katanungang ito sa pulong, at pagkatapos nilang makinig sa akin, sinabi ni Brother Fang, “Hindi natin matutukoy kung anong uri ng mga tao ang mga mapagpakumbabang-loob batay sa kung sila’y nagpapakita ng pagkakaroon ng mababang-loob, maamo, at mapagmahal sa iba. Sa halip, kailangan nating tingnan kung paano nila tratuhin ang Diyos at ano ang kanilang saloobin patungkol sa katotohanan. Iyan ang tamang paraan ng pagsusuri sa katanungang ito. May mga taong nagpapakita ng pagiging mapagpakumbaba, maamo, at mapagmahal sa iba, nguni’t sa kanilang puso sila ay mayabang, mapagpahalaga sa sarili, at hindi makasunod sa katotohanan. Kapag ang gawain ng Diyos ay hindi umaangkop sa kanilang mga pagkaunawa, hindi lamang sila nawawalan ng interes na maghangad sa katotohanan, pinaninindigan din nila ang kanilang mga sariling opinyon, at tinatanggihan, tinututulan, o hinahatulan at nilalabanan ang gawain ng Diyos dahil sa kanilang kayabangan. Maging gaano pa man magpakita ng kababaang-loob ang ganitong mga tao, hindi sila ang mapagpakumbabang-loob. Katulad lang sila ng mga Fariseo sa panahong iyon na kadalasan ay nagbibigay-pakahulugan sa Banal na Kasulatan para sa mga karaniwang tao, madalas na sadyang nakatayo sa mga sinagoga o sa mga lansangan upang mag-usal ng mahabang panalangin, gumawa ng mga kawanggawa at mabubuting gawa sa mga lasangan at magpakita ng panlabas na kababaang-loob, pagiging maamo at mapagmahal sa iba. Nguni’t nang dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa, hindi man lang sila naghangad sa katotohanan, at sa halip, nagtiwala sa kanilang sariling pagkaunawa at mga palagay, ipinahayag nila na ang Panginoong Jesus ay hindi ang Cristo dahil hindi Siya tinawag na Mesiyas. Nilimitahan lang din nila ang mga gawain ng Diyos sa Lumang Tipan, at hinatulan ang mga salita at gawa ng Panginoong Jesus na lumabis pa sa Lumang Tipan; sa gayon itinanggi ang gawain at mga salita ng Panginoong Jesus. Hindi lamang iyan, hindi kinilala ng mga Fariseo ang Panginoong Jesus bilang anyo ng Diyos. Sinasabi nilang ang Panginoong Jesus ay isang karaniwang tao lamang at sinasabing, ‘Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina?’ (Mateo 13:55), at iba pa. Nakita ng mga Fariseo na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, at nakita nilang ang Panginoong Jesus ay gumawa ng maraming mahimalang tanda at mga kababalaghan, nguni’t hindi sila naghangad nang may pagpapakumbaba, at sa halip ay labis pang nagmataas, hindi nakayang sumunod sa katotohanan, at may pagmamatigas na kumapit sa kanilang sariling mga pagkaunawa, naging mga bulaang saksi, nag-imbento ng mga sabi-sabi, at marahas na hinatulan at nilapastangan ang Panginoong Jesus. Sa huli, sa pakikipagsabwatan sa pamahalaang Romano, ipinapako nila sa krus ang mahabaging Panginoong Jesus; sa gayon nakagawa sila ng isang napakatinding kasalanan, at naparusahan ng Diyos! Ipinapakita nito na kahit gaano pa ang ipinapakitang kababaan ng loob, pagiging maamo, at mapagmahal sa iba ng isang tao, kung wala siyang totoong pagsunod sa Diyos at sa katotohanan, walang pasubali na hindi siya isang taong mapagpakumbabang-loob. Sa halip, isa siyang mapagkunwari. Ang kanyang kababaang-loob ay huwad, at ang kanyang pagmamahal sa iba ay isa lamang balatkayo. Ito ay ganap na mapanlinlang, kinopya lang, at may layon na manloko ng tao upang makuha ang kanilang paghanga at mataas na opinyon. Ang ganoong mga tao ay nagpapakita ng panlabas lang na pagiging mapagpakumbaba, pasensyoso, at mapagmahal, nguni’t ang kanilang mga puso ay puno ng panlilinlang, kasamaaan, at karahasan, at ang kanilang pagkatao ay mapagkunwari!”
Pagkatapos kong mapakinggan ang pagbabahagi ni Brother Fang, naintindihan ko na hindi tamang tukuyin kung anong uri ng mga tao ang mga mapagpakumbabang-loob batay lamang sa kung sila ay nagpapakita sa panlabas ng pagiging mababang-loob, maamo, at ang pinakamahalaga ay kung paano nila tratuhin ang Diyos at ano ang mga saloobin nila patungkol sa katotohanan. Ang mga Fariseo na nag-anyong may mababang-loob at maamo, at gumawa ng mga mabubuting gawain, nguni’t nang dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa, ay hindi lamang sa hindi sila naghangad, kundi nanatili din sila sa kanilang mga sariling pagkaunawa at mga palagay, marahas na humadlang at humatol sa Panginoong Jesus, at ipinako ang Panginoong Jesus sa krus. Paano sila matatawag na mga taong mapagpakumbabang-loob? Malinaw na sila ay mga mapagmataas, nagpapahalaga lamang sa sarili, at mga kaaway ng Diyos!
Ano ang Taong May Mapagpakumbabang-loob, at ang mga Kapahayagan ng mga Taong Mapagpakumbabang-loob
At nagpatuloy si Brother Fang, “May mga taong may mapagmataas na disposisyon, nguni’t nagagawa nilang sumunod sa katotohanan, at kapag hindi umayon ang mga gawain ng Diyos sa kanilang mga pagkaunawa, isinasantabi nila ang kanilang mga sarili, naghahangad nang may pagpapakumbaba, at tinatanggap at sinusunod ang katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito. Ang ganoong mga tao ang tunay na mapagpakumbabang-loob at may mababang-loob. Kagaya nang nakatala sa Bibliya patungkol kay Natanael noong tinangka ni Felipe na magpatotoo sa kanya patungkol sa Panginoong Jesus, may pagtitiwala sa kanyang sariling pagkaunawa at pagpapalagay, nagtanong si Natanael, ‘Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret?’ Nguni’t noong nagsabi ang Panginoong Jesus tungkol sa kanya, ‘Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya’y walang daya!’ Tinanong ni Natanael si Jesus, ‘Saan mo ako nakilala?’ Sumagot si Jesus, ‘Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita.’ Sumagot si Natanael, ‘Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel’ (tingnan sa Juan 1:45-49). Nakikita natin na bagama’t may ibang pagkaunawa si Natanael sa Panginoong Jesus sa simula dahil naniwala siyang ang Mesiyas ay hindi naman ipanganganak sa Nazareth, hindi siya nagtiwala sa sarili, sa halip may pagpapakumbabang naghangad at nakinig nang mabuti sa mga salita ng Panginoong Jesus. Nang marinig niya ang Panginoong Jesus na nagsabing nakita Niya si Natanael na nananalangin sa ilalim ng puno ng igos, naramdaman niyang ang Panginoon ay makapangyarihan at batid ang lahat, na masusuri ng Panginoong Jesus ang kanyang puso at kaluluwa, at ang Panginoong Jesus ay hindi katulad ng mga karaniwang tao, kaya’t isinantabi ni Natanael ang kanyang sariling mga pagkaunawa, kinilala na ang Panginoong Jesus ang Mesiyas na sinasabi ng propesiya, tinanggap si Jesus, at natamo ang kaligtasan ng Panginoon.”
Tumango si Brother Zhan at nagsabing, “Oo, ang mga taong katulad ni Natanael na tumarato sa Diyos at sa Kanyang gawain nang may saloobing naghahangad nang may kababaan ng loob, at nagawa niyang tanggapin at sundin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ay mga taong mapagpakumbabang-loob! Naalala ko rin ang kuwento ng eunuch na taga Etiopia na tumanggap sa ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Sinasabi sa Bibliya, ‘At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba? At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus. At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako’y mabautismuhan? At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios’ (Mga Gawa 8:34-37). Bagama’t ang taga-Etiopiang eunuch ay may kapangyarihan at katayuan, hindi siya nagpaapekto sa lahat ng ito. Habang pabalik siya sa bahay pagkatapos niyang sumamba sa Jerusalem, nakilala niya si Felipe, at hindi sumagi sa isipan niya na nakahihigit siya dahil sa kanyang posisyon o kaalaman sa Banal na Kasulatan, hindi rin siya mapagmataas o nagpapahalaga sa sarili. Sa halip, may kababaang loob niyang hinangad, at pagkatapos marinig ang pangaral ni Felipe sa kuwento ng Panginoong Jesus, naniwala siyang ang Panginoong Jesus ang Cristo, at tinanggap niya si Jesus bilang kanyang Tagapagligtas. Ang mga ganitong tao ang mga mapagpakumbabang-loob!”
Sumasang-ayon ako sa samahan nina Brother Fang at Brother Zhan, at sinabi ko, “Kung gayon ang mga mapagpakumbabang-loob ay hindi mga taong matitigas ang ulo. Nagagawa nilang tingnan nang may pagpapakumbabang paghahangad ang mga bagay na nagmumula sa Diyos maging ito man ay hindi ayon sa kanilang mga pagkaunawa, at kapag naunawaan na nila ang katotohanan, binibitawan na nila ang kanilang mga sariling pagkaunawa at tinatanggap at sinusunod ang mga gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay wagas at tapat, at may mga pusong naghahangad para sa katotohanan. Minamahal ng Diyos ang mga taong ito. Salamat sa Panginoon! Naunawaan ko sa wakas na ang mga mapagpakumbabang-loob ay hindi yaong nakikita sa panlabas na sila ay mababang-loob at maamo, nguni’t higit sa lahat ay yaong may mga pusong may takot sa Diyos, na naghahangad nang may kababang-loob sa lahat ng bagay, na tumatalima sa katotohanan, at hindi nililimitahan ang mga gawain ng Diyos.”
Nagpatuloy si Sister Yang at nagsabing, “Oo, ang mga mapagpakumbabang-loob ay may mga pusong may takot sa Diyos, at kahit na hindi umayon sa kanilang pagkaunawa ang gawain ng Diyos, nagagawa nilang palayain ang kanilang mga sarili at may kababang-loob na maghangad. Ito ang totong pagkakaroon ng mapagpakumbabang-loob, at tanging ang mga taong ito lamang ang kwalipikadong pumasok sa kaharian ng langit. Yaong mga mapagpakumbaba sa panlabas lamang nguni’t mapagmataas at hindi tumatanggap ng katotohanan kapag hindi umayon sa kanilang mga pagkaunawa ang gawain ng Diyos, ay magsisimulang manghusga, lumaban, at humatol, at hindi nila kayang magpakumbaba sa paghanap at pag-imbestiga man lang; sa huli ay kamumuhian at kasusuklaman sila ng Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi kabilang o kabahagi sa kaharian ng langit.”
Pagkatapos kong marinig ang pagbabahaginan ng aking mga kapatid, bigla kong naalala ang isang bagay na sinabi ng Jehova sa Bibliya, “Sapagka’t hindi tumitingin si Jehova na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t si Jehova ay tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7), kaya’t nagpatuloy ako sa aking sinasabi, “Kapag tumitingin tayo sa mga tao, nakikita lamang natin ang kanilang panlabas na anyo, nguni’t nakikita ng Diyos ang puso ng mga tao, ang kanilang pagkatao. Noon, kulang ako sa kaalaman, at kapag nakita ko ang isang tao na tila gumagawa ng mga mabubuting gawain at naging maamo at mabuti, akala ko sila ay may mababang-loob, nguni’t habang iniisip ko ito ngayon, ang ganoong pagkaunawa ay katawa-tawa!”
Sinabi ni Brother Fang, “Amen. Ito’y salamat sa kaliwanagan at gabay ng Panginoon na nakaunawa tayo ngayon. Ngayon kung titingnan natin ang pahayag ng Panginoong Jesus, ‘Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit,’ mas malinaw pa natin itong nauunawaan. Tayo’y nasa huling yugto na ng mga huling Araw, at ito’y lubhang napakaimportanteng panahon upang masalubong natin ang pagbabalik ng Panginoon. Ngayon mas mahalaga na dapat magkaroon tayo ng mapagpakumbabang-loob, maghangad ng lahat ng bagay nang may kababaang-loob at tanggapin at sundin ang katotohanan, upang kalugdan natin ang Panginoon at salubungin ang Kanyang pagbabalik. Alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating’ (Juan 16:12-13). At sa Pahayag 3:20, winika Niya sa propesiya, ‘Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko.” Sa Pahayag 2:7, winika din Niya sa propesiya, ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.’ Mula sa mga talatang ito ng Banal na Kasulatan, nakikita natin na kapag bumalik na ang Panginoon sa mga huling araw, mas marami pa Siyang sasabihin, at ipapahayag niya ang lahat ng katotohanan at mga misteryo. Kapag narinig natin na ang isang iglesya ay magpapatotoo na ang Panginoong Jesus ay nagbalik at nangungusap, o kapag ang isang tao ay nagpapatotoo na ang Panginoon ay nagbalik, dapat nating isuko ang ating mga pagkaunawa at may pagpapakumbabang hangarin na makita kung ang mga salitang ito ay makakatugon sa ating mga espirituwal na pangangailangan, makalulutas sa ating mga praktikal na problema, at magtuturo sa daan ng pagsasanay. Kapag natiyak natin na ito nga ay tinig ng Diyos at isang pagpapahayag ng katotohanan, dapat nating tanggapin ang katotohanan at sundin ang mga gawain ng Diyos. Sa ganitong paraan, makatitiyak tayong malugod na tanggapin ang pagbabalik ng Panginoon. Kung hindi, kung walang saloobin ng paghahangad ng may pagpapakumbaba, kapag tinanggihan at inayawan natin ang paghahanap o pag-iimbestiga sa ano mang hindi naaayon sa ating mga pagkaunawa, maaari tayong matulad sa mga Fariseo na kumalaban sa Diyos, at masasayang ang ating pagkakataon na salubungin ang pagbabalik ng Panginoon, at ito’y isang malaking trahedya!”
Sumagot ako nang may pagsang-ayon, “Amen! Hangga’t tayo’y mga taong may mapagpakumbabang-loob, na kayang magpakumbaba upang hanapin ang katotohanan, at kayang tanggapin at sumunod kapag natiyak natin na ang ating naririnig ay tinig ng Diyos at kapahayagan ng katotohanan, tayo’y tunay na mga pantas! Umaasa akong maging isang tao na may pagpapakumbabang maghangad, makinig para sa tinig ng Diyos, at salubungin ang pagpapakita ng Panginoon!”
“Salamat sa Diyos!”
“Kahanga-hanga ang pagbabahaginan ngayong araw! Tunay na ito’y nanggagaling sa kaliwanagan at pagpapatnubay ng Banal na Espiritu!”
0 Mga Komento