Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang katotohanan ay ang pinaka-tunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Dahil hinihiling ito ng Diyos sa tao, at ito ang gawaing personal na ginawa ng Diyos, tinatawag itong talinghaga ng buhay. Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa isang bagay, ni isang bantog na kasabihan mula sa isang dakilang personalidad; sa halip, ito ang pagbigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay, at hindi ito ilang salita na binuo lamang ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.
—mula sa “Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos at Nakakaalam sa Kanyang Gawain ang Makakapagbigay-kasiyahan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kailangang maunawaan mo ang aktuwal na saklaw ng katotohanan at maunawaan kung ano ang hindi saklaw ng katotohanan.Kung ang mga tao ay nagtatamo ng ilang kabatiran at may kaunting pagkaunawa batay sa kanilang mga karanasan mula sa mga salita ng katotohanan, itinuturing ba itong katotohanan? Ang pinakamagandang masasabi ay na may kaunti silang pagkaunawa sa katotohanan. Lahat ng salita ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu ay hindi kumakatawan sa salita ng Diyos, hindi kumakatawan sa katotohanan, at hindi nauukol sa katotohanan. Masasabi lamang na ang mga taong yaon ay may kaunting pagkaunawa sa katotohanan, at kaunting kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. … Lahat ay makakaranas ng katotohanan, nguni’t ang mga sitwasyon ng kanilang karanasan ay magkakaiba, at ang nakukuha ng bawat isang tao mula sa parehong katotohanan ay iba. Nguni’t kahit matapos pagsama-samahin ang pagkaunawa ng bawat isa hindi mo pa rin ganap na maipaliliwanag ang isang katotohanang ito; ganoon kalalim ang katotohanan! Bakit Ko sinasabi na lahat ng bagay na nakuha mo na at lahat ng iyong pagkaunawa, ay hindi makakahalili para sa katotohanan? Kung ibinabahagi mo ang iyong pagkaunawa sa iba, maaaring pagbulay-bulayan nila ito sa loob ng dalawa o tatlong araw at matatapos silang danasin nito, nguni’t hindi lubusang mararanasan ng isang tao ang katotohanan kahit sa buong buhay, kahit sama-sama ang lahat ng tao ay hindi lubusang mararanasan ito. Kaya nakikita na lubhang malalim ang katotohanan! Walang paraan na gumamit ng mga salita para lubusang ipaliwanag ang katotohanan, ang katotohanang inilagay sa wika ng tao ay talinghaga ng tao; hindi kailanman lubusang mararanasan ito ng sangkatauhan, at dapat mabuhay ang sangkatauhan sa pagsalig dito. Mapapanatiling buhay ng isang piraso ng katotohanan ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon.
Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo, kumakatawan sa Kanyang sariling disposisyon, kumakatawan sa Kanyang sariling diwa, kumakatawan sa lahat ng nasa Kanyang kalooban. Kung sinasabi mo na ang pagkakaroon ng ilang karanasan ay nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang disposisyon ng Diyos? Hindi mo kaya. Maaaring may kaunting karanasan o liwanag ang isang tao tungkol sa isang aspeto o panig ng isang katotohanan, ngunit hindi nila ito maibibigay sa iba magpakailanman, kaya ang kanilang liwanag ay hindi katotohanan; isang punto lamang ito na maaaring matamo ng isang tao. Ito ang dapat maranasan ng isang tao, na siyang wastong karanasan, at wastong pagkaunawa , na siyang tunay na aspeto ng kanilang karanasan sa katotohanan. Ang liwanag, kaliwanagan at pagkaunawang ito batay sa karanasan ay hindi kailanman makakahalili sa katotohanan; kahit ganap nang naranasan ng lahat ng tao ang katotohanang ito, at pinagsasama-sama nila ang lahat ng salitang iyon, hindi pa rin iyon katumbas ng nag-iisang katotohanang iyon. Gaya nang nasabi na sa nakalipas, “Binubuo Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa gitna ng mga tao, walang sinumang nagmamahal sa Akin.” Ito ay pangungusap ng katotohanan, ito ang totoong diwa ng buhay, ito ang pinakamalalim na bagay, ito ang sariling pagpapahayag ng Diyos. Mararanasan mo ito. Kung mararanasan mo ito sa loob ng tatlong taon magkakaroon ka ng mababaw na pagkaunawa, kung mararanasan mo ito sa loob ng walong taon magtatamo ka ng higit na pagkaunawa, nguni’t ang iyong pagkaunawa ay hindi kailanman hahalili sa pangungusap ng katotohanang iyan! Kung may ibang makakaranas nito sa loob ng dalawang taon magkakaroon sila ng kaunting pagkaunawa; kung mararanasan nila ito sa loob ng sampung taon magkakaroon sila ng mas mataas na pagkaunawa, at kung mararanasan nila ito sa buong buhay, magtatamo sila ng kaunti pang pagkaunawa, nguni’t kung pagsasamahin ninyo kapwa ang inyong pagkaunawa, gaano man kalaking pagkaunawa, gaano karaming karanasan, gaano karaming nakita, gaano kalaking liwanag, o gaano karaming halimbawang kapwa mayroon kayo, lahat ng iyan ay hindi makakahalili sa pangungusap na iyan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin ang buhay ng tao ay palaging magiging buhay ng tao, at gaano man kaayon sa katotohanan ang iyong pagkaunawa, alinsunod sa mga layunin ng Diyos, alinsunod sa mga hinihiling ng Diyos, hindi nito kailanman makakayang humalili sa katotohanan. Ang sabihing mayroong katotohanan ang mga tao ay nangangahulugan na mayroon silang kaunting realidad, na mayroon silang kaunting pagkaunawa sa katotohanan ng Diyos, na mayroon silang kaunting tunay na pagpasok sa mga salita ng Diyos, na mayroon silang kaunting tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, at na sila ay nasa tamang landasin sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang isang pahayag ng Diyos ay sapat nang maranasan ng isang tao habambuhay, kahit kailanganin pa ng mga tao na makaranas ng ilang habambuhay o ilang milenyo, hindi pa rin nila ganap at lubusang mararanasan ang isang katotohanan. …
… Kung mayroon kang kaunting karanasan sa isang aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito ang katotohanan? Lubusan nitong hindi makakatawan ang katotohanan. Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Talagang hindi mo kaya. Matutuklasan at makikita mo ba ang disposisyon ng Diyos mula sa katotohanan? Hindi mo iyon makikita. Matutuklasan mo ba ang diwa ng Diyos? Hindi. Ang karanasan ng lahat sa katotohanan ay isang aspeto lamang nito, isang bahagi, isang saklaw; sa pagdanas dito sa loob ng iyong sariling limitadong saklaw, hindi mo mararanasan ang lahat ng katotohanan. Pagdating sa orihinal na kahulugan ng katotohanang ipinahayag, lubos na nailantad ng pinagmulang iyon ang karaniwang likas na pagkatao ng sangkatauhan. Anong bahagi ang katumbas ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil ng buhangin sa dalampasigan, isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, kahit ramdam mo kung gaano kahalaga ang pagkaunawang iyong natamo mula sa iyong mga karanasan, kahit na ramdam mo na ang mga ito ay lubhang napakahalaga—hindi maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Ang pinagmulan ng katotohanan at ang kahulugan ng katotohanan ay may napakalawak na saklaw! Walang makasasalungat dito. … Gayunpaman, ang mga bagay na mayroon ang mga tao, ang liwanag na nakukuha ng mga tao, ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o para sa ilan sa loob ng isang tiyak na saklaw, nguni’t hindi magiging angkop sa loob ng isang kaibang saklaw. Napakalimitado ang karanasan ng isang tao gaano man kalalim ito, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makakaabot sa saklaw ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao, ang pagkaunawa ng isang tao, ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.
—mula sa “Alam Mo ba Kung Ano Talaga ang Katotohanan?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Ang paraan ng tao sa pagsasagawa at ang kanyang kaalaman sa katotohanan ay mailalapat lahat sa isang natatanging sakop. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay lubusang kalooban ng Banal na Espiritu, sapagkat ang tao ay maliliwanagan lamang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at hindi maaaring lubusang mapuno ng Banal na Espiritu. Ang mga bagay na maaaring maranasan ng tao ay sakop lahat ng normal na pagkatao at hindi makakalampas sa saklaw ng iniisip ng normal na isip ng tao. Lahat niyaong mayroong praktikal na pagpapahayag ay nakararanas sa saklaw na ito. Kapag naranasan nila ang katotohanan, ito ay laging karanasan ng normal na buhay ng tao sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, na hindi nakararanas sa isang paraan na lumilihis mula sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanan na niliwanagan ng Banal na Espiritu sa saligan ng pagsasabuhay ng kanilang pantaong buhay. Higit pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isa na ang nilalakaran nilang landas ay ang normal na buhay ng tao na naghahabol sa katotohanan, at ito ang landas na nilalakaran ng isang normal na tao na mayroong kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak nila ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa karaniwang karanasan ng tao, dahil ang mga tao na naghahabol ay hindi magkakatulad, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi rin magkatulad. Idagdag pa, dahil ang mga kapaligiran na nararanasan nila at ang mga saklaw ng kanilang karanasan ay hindi magkakatulad, dahil sa pagkakahalo ng kanilang isipan at mga iniisip, ang kanilang karanasan ay halu-halo sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat isang tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang sariling kalagayan. Ang kanilang pagkakaunawa ng tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi lubusan at isa o kaunti lamang sa mga aspeto nito. Ang sakop ng kung paanong ang katotohanan ay nararanasan ng tao ay laging batay sa iba’t ibang kalagayan ng mga tao at sa gayon ay hindi magkakapareho. Sa ganitong paraan, ang kaalaman na ipinahayag tungkol sa parehong katotohanan ng iba’t ibang mga tao ay hindi magkakapareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga hangganan at hindi maaaring lubusang kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, at ang gawain ng tao ay hindi maaaring madama bilang gawain ng Diyos, kahit na ang ipinahahayag ng tao ay halos tumutugma sa kalooban ng Diyos, kahit na ang karanasan ng tao ay napakalapit sa gawain ng pagpeperpekto na gagampanan ng Banal na Espiritu. Ang tao ay maaari lamang maging lingkod ng Diyos, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalaman sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanan na nakamit mula sa kanyang pansariling karanasan. Ang tao ay walang kakayahan at hindi nagtataglay ng mga kalagayan upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatan na magsabing ang gawain ng tao ay gawain ng Diyos.
—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Kung ano ang ibinabahagi ng tao ay nagpapabatid ng kanilang sariling pagkakita at karanasan, ipinahahayag kung ano ang kanilang nakikita at nararanasan sa saligan ng gawain ng Diyos. Ang kanilang pananagutan ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ng Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga tagasunod. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aralin at karanasan ng tao o ilan sa mga iniisip ng tao. Kung paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, kung Siya man ay gumagawa sa tao o sa Diyos na nagkatawang-tao, ito ay laging ang mga manggagawa na nagpapahayag kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang kalikasan ng tao, sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa nang walang saligan. Sa ibang salita, ang gawain ay hindi ginagawa mula sa wala, sa halip ay laging nakaayon sa tunay na mga pangyayari at totoong mga kalagayan. Ito lamang ang paraan upang ang disposisyon ng tao ay maaaring mabago, na ang kanyang dating mga pagkaunawa at dating mga iniisip ay maaaring mabago. Kung ano ang ipinahahayag ng tao ay kung ano ang kanyang nakikita, nararanasan, at kayang maguni-guni. Kahit na ito ay mga doktrina o mga pagkaunawa, lahat ng ito ay kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Gaano man kalaki ang gawain ng tao, hindi ito maaaring lumampas sa sakop ng karanasan ng tao, kung ano ang nakikita ng tao, o kung ano ang maaaring maguni-guni o maisip ng tao. Kung ano ang ipinahahayag ng Diyos ay kung ano ang Diyos Mismo, at ito ay hindi kayang abutin ng tao, ibig sabihin, lampas sa pag-iisip ng tao. Ipinahahayag Niya ang Kanyang gawain ng pangunguna sa lahat ng sangkatauhan, at ito ay walang kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, sa halip ay may kinalaman sa Kanyang sariling pamamahala. Ipinahahayag ng tao ang kanyang karanasan habang ipinahahayag naman ng Diyos kung ano Siya—ang kung ano Siya na ito ay ang Kanyang likas na disposisyon at hindi ito maaabot ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang pagkakita at pagkakilala na nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng kung ano Siya. Ang ganitong pagkakita at pagkakilala ay tinatawag na kung ano ang tao. Ang mga iyon ay ipinahahayag sa saligan ng likas na disposisyon ng tao at ng kanyang aktuwal na kakayahan; kaya ang mga iyon ay tinatawag ding kung ano ang tao. Kayang ibahagi ng tao kung ano ang kanyang mga nararanasan at mga nakikita. Kung ano ang hindi niya naranasan o nakita o ang hindi maaabot ng kanyang pag-iisip, iyan ay, ang mga bagay na wala sa ganang kanya, hindi niya maibabahagi. Kung ang ipinahahayag ng tao ay hindi ang kanyang karanasan, ito ay kanyang guni-guni o doktrina. Sa ibang salita, walang anumang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo makakayang ibahagi nang malinaw ang mahirap-unawaing mga ugnayan sa lipunan. Kung wala kang pamilya ngunit ang ibang tao ay nag-uusap tungkol sa mga problema ng pamilya, hindi mo maaaring maintindihan ang karamihan sa kanilang sinasabi. Kaya, kung ano ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang panloob na pagkatao.
—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga direktang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagawa ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng marami sa gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ito para sa lahat ng kapatid sa Panginoon, at ginawa upang sundin ng mga kapatid sa lahat ng iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at maging tapat sila sa lahat ng pamamaraan ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalaala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginawa niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ibinigay sa kanya ang responsabilidad sa mga iglesia, inatasan siyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpapatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi niya maaaring katawanin ang Diyos. Mapangahas na pag-unawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Kaya para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay kapareho ng kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga ideya ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sa lawak ng kanyang sariling buhay. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao; hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katapat ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring direktang katawanin ang Diyos.
—mula sa “Tungkol sa Biblia (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring bigkasin gaya ng salita ng tao, lalong hindi maaaring ang salita ng tao ay mabigkas gaya ng salita ng Diyos. Ang isang tao na ginamit ng Diyos ay hindi ang nagkatawang-taong Diyos, at ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi isang tao na ginamit ng Diyos; dito, may malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap na ang mga iyon ay mga salita ng Diyos, at tinatanggap lamang ang mga iyon bilang mga salita ng isang tao na naliwanagan. Sa ganoong kaso, ikaw ay binubulag ng kamangmangan. Paanong magiging pareho ang mga salita ng Diyos sa mga salita ng isang tao na naliwanagan? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan, gumagabay sa buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga hiwaga, at nagpapakita sa tao ng direksyong pasulong sa isang bagong kapanahunan. Ang kaliwanagan na natamo ng tao ay isa lamang simpleng pagsasagawa o kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang hiwaga ng Diyos Mismo. Ang Diyos, matapos ang lahat, ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung tinitingnan ng tao ang mga salitang binigkas ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at mga propeta bilang mga salita na personal na binigkas ng Diyos, kung gayon ang tao ay mali. Gayunpaman, hindi mo dapat kailanman gawing mali ang tama, o sabihin ang mataas bilang mababa, o sabihin ang malalim bilang mababaw; gayunpaman, hindi mo dapat kailanman kusang pasinungalingan ang alam mo na katotohanan. Ang bawat isa na naniniwala na may isang Diyos ay dapat isaalang-alang ang problemang ito mula sa wastong pananaw, at dapat tanggapin ang Kanyang bagong gawain at mga salita bilang isang nilikha ng Diyos—at kung hindi ay maaalis ng Diyos.
—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
0 Mga Komento