Pagdanas sa Pag-ibig ng Diyos sa Gitna ng Kahirapan

Chen Lu Lalawigan ng Zhejiang

Ipinanganak ako noong mga 1980 sa isang nayon—pamilya kami ng mga magsasaka sa loob ng maraming henerasyon. Nagsikap ako sa aking pag-aaral upang makapasok ako sa kolehiyo at matakasan ang buhay ng kahirapan at kabiguan sa nayon. Nang nagsimula ako sa mataas na paaralan, natagpuan ko Ang Kasaysayan ng Kanluraning Sining, at nang nakita ko ang napakaraming magagandang ipinintang larawan tulad ng “Genesis,” “Ang Hardin ng Eden,” at “Ang Huling Hapunan,” noon ko lamang napagtanto na may isang Diyos sa sansinukob na lumikha ng lahat ng bagay.

Hindi ko mapigilang mapuno ang aking puso ng paghahangad sa Diyos. Nang makapagtapos ako sa kolehiyo, napakabilis kong nakahanap ng trabaho, at pagkatapos ay nakatagpo ng mabuting asawa. Nakamit ko sa wakas ang sarili kong mga inaasam pati na rin ang sa aking mga ninuno. Natakasan ko ang lahi ng aking mga ninuno na palagi na lang nakasubsob sa lupa, at noong 2008, nagdulot ng higit pang kagalakan sa aking buhay ang pagsilang ng isang anak. Habang tinitingnan ko ang lahat ng bagay na dumating sa aking buhay, naniwala ako na dapat akong magkaroon ng masaya at maginhawang buhay. Gayunpaman, habang nasisiyahan ako sa nakakainggit at magandang buhay na iyon, hindi ko kailanman maiwaglit ang bahagyang kahungkagan sa kaibuturan ng aking puso. Nagdulot ito sa akin ng labis na pagkalito at kahinaan.

Noong Nobyembre ng 2008, ipinahayag sa akin ng aking pamilya ang tungkol sa ebanghelyo ng mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos naunawaan ko sa wakas na Siya ang pinagmumulan ng buhay ng sangkatauhan, at ang Kanyang mga salita ang nagtutulak na puwersa at ang haligi ng ating buhay. Kung iiwan natin ang pagtustos at pagkalinga ng Diyos para sa ating buhay, magiging hungkag at mapanglaw ang ating mga kaluluwa, at kahit na anong materyal na kasiyahan ang mayroon tayo hindi natin kailanman magagawang punan ang mga pangangailangan ng ating mga kaluluwa. Tulad ng sinabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang tao, kung sabagay, ay tao. Ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya, kundi ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang panustos ng buhay sa kanila. Kapag natanggap na ng tao ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang panustos ng buhay sa kanila, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kahungkagan ng tao” (“Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nilukob ng Kanyang mga salita ang aking kaluluwa tulad ng isang bukal sa disyerto, at inilabas ng mga ito ang pagkalito sa aking puso. Mula noon, binasa ko ang mga salita ng Diyos nang may matinding pananabik at pagkauhaw, at palaging may isang hindi maipahayag na damdamin ng kaginhawaan sa aking puso na sa wakas ay nakauwi na ang aking kaluluwa. Hindi nagtagal, isinaayos ng iglesia na makipagkita ang ilan sa kapatiran sa akin, at patuloy nila itong ginawa kahit gaano pa kasama ang panahon. Sa panahong iyon, maraming bagay ang hindi ko naintindihan at matiyagang nakipag-usap ang kapatiran sa akin. Wala silang kahit na kaunting pagkainis o hindi rin sa pinagbibigyan lamang ako, at sa pamamagitan nito ay lubos kong nadama ang katapatan at pagmamahal ng kapatirang ito. Habang nauunawaan ko ang mas marami pang katotohanan, nagsimula kong maunawaan ang apurahang hangarin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at nakita ko na sobrang sabik na ginugugol ng kapatiran ang kanilang mga sarili at nangangaral ng ebanghelyo para sa Diyos. Gusto ko ring isagawa ang sarili kong tungkulin, ngunit maliit pa ang aking anak at wala akong ibang tagapag-alaga, kaya nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng paraan. Nang maglaon, nalaman ko na may isang kapatid na namamahala sa isang preschool, kaya dinala ko ang aking anak sa kanya. Nangako siyang tutulungan niya akong alagaan ang aking anak nang walang pag-aalinlangan, at hindi man lamang siya tumanggap ng matrikula o panggastos sa pagkain. Mula noon, hindi lamang ako natulungan ng kapatid na iyon sa pagbabantay sa aking anak sa araw, pero kung minsan ay tinutulungan din niya ako sa gabi. Talagang natinag ako ng mga aksiyon ng kapatid na iyon, at alam kong lahat ng ito ay nagmula sa pag-ibig ng Diyos. Upang masuklian ang Kanyang pagmamahal, sumama ako sa hanay ng mga nangangaral ng ebanghelyo nang walang pag-aalinlangan. Habang nangangaral ng ebanghelyo, nakita ko ang nakalulungkot na kalagayan ng mga tao na hindi pa naliliwanagan ng kaluwalhatian ng Diyos. Narinig ko ang kanilang mga pagdaing sa kanilang mapapait na pinagdaanan sa buhay, at nakita ko rin ang kanilang mga mukha na puno ng kagalakan at kaligayahan matapos nilang matamo ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw. Lalong naantig ang aking damdamin para sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at napagpasyahan kong dalhin ang ebanghelyo ng Diyos sa mas marami pang taong nabubuhay sa kadiliman na nauuhaw sa liwanag! Ngunit pagkatapos noon, nagsimula ang matinding panunupil at pagtugis ng pamahalaan ng CCP sa kapatiran, at nagdusa rin ako mula sa kapahamakang ito.

Umaga ng Disyembre 21, 2012 noon. Higit sa isang dosenang kapatiran ang nagtitipon sa bahay ng punong-abala nang may biglang kumatok at sumigaw sa pintuan: “Buksan ang pinto! Buksan ang pinto! Inspeksiyon ng bahay!” Habang binubuksan ng isang kapatid ang pinto, may anim o pitong pulis na may mga dalang baton ang nagpumilit na pumasok. Marahas nila kaming pinagtutulak para paghiwa-hiwalayin at sinimulang halughugin ang mga drawer. Pumunta sa harap ang isang batang kapatid at tinanong sila: “Nagtitipon kami sa bahay ng aming kaibigan at hindi namin nilabag ang batas. Bakit ninyo hinahalughog ang bahay?” Mabangis na sumagot ang pulis: “Umayos ka! Kapag sinabi namin sa iyo na tumayo roon, tumayo ka lang doon. Kung hindi namin sinabing magsalita ka, itikom mo ang bibig mo!” Pagkatapos ay walang awa nila siyang itinulak pabagsak sa sahig at mabagsik na sumigaw: “Kung gusto mong lumaban gugulpihin ka namin!” Nasira ang kanyang kuko at dumugo ang kanyang daliri. Habang nakikita ko ang masasamang mukha ng pulisya, nakadama ako ng poot at takot, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos na bigyan ako ng lakas at tiwala, na pangalagaan ako para maging saksi. Pagkatapos manalangin, lubhang napayapa ang aking puso. Kinumpiska ng pulis ang maraming materyales na ebanghelikal at mga koleksiyon ng mga salita ng Diyos, pagkatapos ay inihatid nila kami sa mga sasakyan ng pulis.


Sa sandaling dumating kami sa himpilan, kinumpiska nila ang lahat ng dala namin at tinanong ang aming mga pangalan, tirahan, at kung sino ang mga lider ng aming iglesia. Natatakot ako na madamay ang aking pamilya kaya wala akong sinabi; wala ring sinabi ang isa pang kapatid, kaya naisip ng pulisya na kami ang mga pinuno at naghanda upang litisin kami nang hiwalay. Labis akong natakot noon—narinig ko na mas brutal ang pulisya sa mga taong hindi taga-roon, at itinuring ako bilang target ng interogasyon. Tiyak na nangangahulugan iyon ng mas matinding kalupitan, mas kaunting suwerte. Habang ako ay nasa isang kahila-hilakbot na kalagayan at nabubuhay sa takot, narinig ko ang aking kapatid na napakalapit sa akin na nananalangin: "O Diyos, Ikaw ang aming sandigan, ang aming kanlungan. Nasa ilalim ng Iyong mga paa si Satanas, at handa akong mamuhay ayon sa Iyong mga salita at maging saksi upang masiyahan Ka!” Matapos kong marinig iyon, lumiwanag ang aking puso. Naisip ko: Totoo ito—ang Diyos ang ating sandigan, nasa ilalim ng Kanyang mga paa si Satanas, kaya ano ang ikinatatakot ko? Hangga't umaasa ako sa Diyos at nakikipagtutulungan sa Kanya, maaaring madaig si Satanas! Biglang nawala ang takot ko, ngunit nakaramdam din ako ng kahihiyan. Naisip ko ang katotohanan na nang maranasan ito ng kapatid na iyon, nabubuhay siya batay sa mga salita ng Diyos at hindi nawalan ng tiwala sa Diyos, ngunit ako ay naging mahiyain at duwag. Hindi ako nagkaroon ng kahit kaunting lakas ng isang taong naniniwala sa Diyos. Salamat sa pag-ibig ng Diyos at sa pamamagitan ng panalangin ng kapatid na iyon na nag-udyok at tumulong sa akin, hindi na ako natakot sa mapaniil na kapangyarihan ng pulisya. Tahimik akong nagpasya: Kahit na naaresto ako ngayon, determinado akong maging saksi upang masiyahan ang Diyos. Talagang hindi ako magiging isang duwag na pababayaan ang Diyos!

Bandang alas diyes, ipinosas ako ng dalawa sa mga pulis at dinala ako sa isang silid upang tanungin ako nang mag-isa. Kinausap ako ng isa sa mga pulis sa lokal na wika. Hindi ko naintindihan, at nang tanungin ko siya kung ano ang sinabi niya, hindi inaasahang nagalit sila sa tanong na ito. Sumigaw ang isa sa mga pulis na nakatayo: “Hindi mo kami iginagalang!” Habang nagsasalita siya, lumapit siya at hinablot ang buhok ko, inihagis ako nang pabalik-balik. Nahilo ako at ihinampas-hampas sa buong paligid, at pakiramdam ko’y parang binabalatan ang aking anit at binubunot ang aking buhok. Pagkatapos nito, isa pang pulis ang tumakbo papalapit sa akin at sumigaw: “Kailangan ka pa naming pahirapan? Magsalita ka! Sino ang nag-utos sa iyo na ipangaral mo ang ebanghelyo?” Napuno ako ng galit at sumagot: “Tungkulin ko ang mangaral ng ebanghelyo.” Sa sandaling sinabi ko ito, muling hinablot ng unang pulis ang buhok ko at sinampal ang mukha ko, pinagpapalo ako at sumisigaw: “Sige, mangaral ka pa! Mangaral ka pa!” Sinampal niya ang mukha ko hanggang sa mamula at sumakit ito, at nagsimula itong mamaga. Nang napagod siya sa pambubugbog sa akin pinakawalan niya ako, kinuha ang mobile phone at MP4 player na nakita nila sa akin at nagtanong sa akin ng impormasyon tungkol sa iglesia. Nanalig ako sa karunungan upang pakitunguhan sila. Mula sa kung saan, isang pulis ang nagtanong: “Hindi ka taga-rito. Napakahusay mong magsalita ng Mandarin—tiyak na hindi ka isang karaniwang tao. Magtapat ka! Bakit ka pumunta rito? Sino ang nagpadala sa iyo rito? Sino ang inyong lider? Paano ka nakipag-ugnayan sa iglesia rito? Saan ka nakatira?” Sa narinig ko na mahalagang tao ang tingin sa akin ng mga pulis at pinipilit nilang makakuha sa akin ng impormasyon tungkol sa iglesia, naramdaman ko ang tibok ng puso ko sa aking lalamunan dahil sa takot at tumawag ako sa Diyos upang bigyan ako ng tiwala at lakas. Sa pamamagitan ng panalangin, unti-unting huminahon ang aking puso, at sumagot ako: “Wala akong alam.” Nang marinig nilang sabihin ko iyon, pinukpok nila ang mesa nang malakas at sumigaw: “Maghintay ka lang, makikita natin kung ano ang mararamdaman mo sa ilang saglit!” Pagkatapos ay kinuha nila ang aking MP4 player at pinatunog ito. Takot na takot ako. Hindi ko alam kung anong mga pamamaraan ang gagawin nila upang pakitunguhan ako, kaya agad akong nagsumamo sa Diyos. Hindi ko naisip na ang tumugtog ay isang recording ng fellowship tungkol sa pagpasok sa buhay: “Sa tingin ba ninyo ay maililigtas ang ganyang uri ng tao? Wala siyang debosyon kay Cristo; hindi niya kaisa sa isip si Cristo. Kapag naharap siya sa mga paghihirap humihiwalay siya kay Cristo at ginagawa ang anumang kanyang magustuhan. Tinatalikuran niya ang Diyos, kaya sinusunod si Satanas. … Sa panahon ng paghahari ng malaking pulang dragon, habang dinaranas ang gawain ng Diyos, kung nagawa mong talikuran ang malaking pulang dragon at tumayo sa panig ng Diyos, gaano ka man nito inuusig, tinutugis, o inaapi, lubos na maaari mong sundin ang Diyos at maaaring maging tapat sa Diyos hanggang sa kamatayan. Tanging ang ganitong uri ng tao ang karapat-dapat na tawaging mananagumpay, at karapat-dapat na tawaging isang taong may pag-iisip na tulad ng sa Diyos” (“Upang Maligtas at Maging Perpekto Dapat Pumasok ang Isang Tao sa Sampung Aspeto ng Katotohanan ng mga Salita ng Diyos” sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay IV). Nang marinig ko ang mga salitang “paghihiwalay,” naramdaman ko ang tarak ng sakit sa aking puso. Hindi ko maiwasang isipin na noong gumagawa ang Panginoong Jesus, napakaraming sumusunod sa Kanya at nasiyahan sa Kanyang biyaya, ngunit nang Siya ay ipinako sa krus at inaaresto nang kaliwa’t kanan ng mga Romanong sundalo ang mga Kristiyano, maraming tao ang tumakas dahil sa takot. Nagdala ito ng malaking sakit sa Diyos! Kung gayon, anong pinagkaiba ko sa walang utang na loob na mga taong iyon? Noong tinatamasa ko ang biyaya at pagpapala ng Diyos, puno ako ng tiwala sa pagsunod sa Diyos, ngunit nang naharap ako sa mga paghihirap na kinailangang ako ay magdusa at magbayad, humina ang loob ko at natakot. Paano niyon maaaliw ang puso ng Diyos? Naisip ko ang katotohanang malinaw na alam ng Diyos na ang pagkakatawang-tao sa China, ang bansang ito na pinamumunuan ng ateista, ay magdudulot ng malalaking panganib, ngunit upang iligtas kaming mga tiwaling tao, pumunta pa rin Siya sa lugar na ito ng mga demonyo nang walang pag-aalinlangan, pinahihintulutan ang kanilang pagtugis at pagkakasumpa, at personal Niya kaming inakay sa landas ng paghahanap sa katotohanan. Habang nakikita ang kagustuhan ng Diyos na isakripisyo ang lahat, na isuko ang lahat ng bagay upang iligtas tayo, bakit hindi ko magawa, bilang isang taong nagtamasa sa biyaya ng Kanyang pagliligtas, na magsakripisyo nang kaunti para sa Kanya? Sa aking konsensiya nadama ko na kinagalitan ako at namuhi ako na sobra akong makasarili, walang kuwenta. Lubos kong nadama na ang Diyos ay puno ng pag-asa at pagmamalasakit sa akin. Nadama ko na alam Niya nang lubos na wala pa ako sa gulang sa tayog at natatakot sa harap ng kalupitan ni Satanas; pinayagan Niya akong marinig ito sa pamamagitan ng pagpapatunog ng pulis sa recording, na nagbigay-daan sa akin na maunawaan ang Kanyang kalooban, upang sa gitna ng kahirapan at pang-aapi maaari akong maging saksi para sa Diyos at masiyahan Siya. Sa ilang sandali, labis akong naantig ng pag-ibig ng Diyos kaya dumaloy ang mga luha sa aking mukha, at tahimik kong sinabi sa Diyos: “O Diyos! Hindi ko gustong maging isang tao na hihiwalay sa Iyo at mananakit sa Iyo; gusto kong manatili sa Iyo sa gitna ng mga kagalakan at mga kalungkutan. Gaano man ako pahirapan ni Satanas, determinado akong maging saksi at aliwin ang Iyong puso.”

Pagkatapos ay nagkaroon ng biglaang pagkalampag habang isinasara ng pulis ang player, at pagkatapos ay sumugod patungo sa akin at galit na sinabi: “Tama, ako ang malaking pulang dragon, at ngayon, naparito ako para pahirapan ka!” Pagkatapos inutusan akong tumayo sa sahig nang nakayapak at nakaposas ang kanang kamay sa isang argolya sa gitna ng isang kongkretong bloke. Kinailangan kong tumayo nang nakayuko dahil napakaliit ng bloke. Hindi nila ako pinayagang yumuko, ni hindi rin ako pinayagan na gamitin ang aking kaliwang kamay para suportahan ang aking mga binti. Makalipas ang ilang sandali hindi ko na kayang ituloy ang aking pagtayo at gusto kong yumuko, ngunit lumapit ang pulis sa akin at sumigaw: “Bawal ang yumuko! Kung gusto mong hindi gaanong magdusa, magmadali ka at magtapat!” Ang tangi kong nagawa ay magngalit at tiisin ito. Hindi ko alam kung gaano karaming oras ang lumipas. Parang yelo ang aking mga paa, masakit at namamanhid ang aking mga binti, at nang hindi na talaga ako makatayo, yumuko ako. Dinampot ako ng pulis, nagdala ng isang tasang malamig na tubig, at ibinuhos ito sa aking leeg. Sobra akong nilamig at nagsimulang manginig. Pagkatapos ay inalis nila ang aking mga posas, itinulak ako sa isang upuang kahoy, ipinosas ang aking mga kamay sa magkabilang dulo ng upuan, at binuksan ang bintana at ang aircon. Biglang bumugso ang malamig na hangin na tumama sa akin at nangatog ako sa lamig. Hindi ko maiwasang panghinaan ng loob, ngunit sa gitna ng paghihirap na ito walang tigil akong nanalangin, nagmamakaawa sa Diyos na bigyan ako ng tapang ng loob at lakas upang matiis ang sakit na ito, upang pahintulutan akong malabanan ang kahinaan ng laman. Nang sandali ring iyon, isang awit ng mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin mula sa kalooban ko: “Kahit na ang iyong katawan ay nagtitiis ng pasakit, huwag kang tatanggap ng mga ideya mula kay Satanas. … Ang pananampalataya ay gaya ng isang tulay na may iisang troso, sila na matinding nakakapit sa buhay ay mahihirapang tumawid rito, ngunit sila na handang isakripisyo ang kanilang mga sarili ay makatatawid nang walang pangamba” (“Kabanata 6” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na gusto ni Satanas na pahirapan ang aking laman upang pagtaksilan ko ang Diyos, at kung iisipin ko ang laman mabibiktima ako ng panlilinlang nito. Patuloy kong binabalik-balikan sa isip ko ang dalawang pangungusap na ito, sinasabi sa aking sarili na kailangan kong magbantay laban sa panlilinlang ni Satanas at tanggihan ang mga ideya nito. Nang maglaon, kumuha ang pulis ng isang malaking palayok ng malamig na tubig at ibinuhos ang laman sa aking leeg. Ganap na nabasa ang lahat ng aking damit. Sa sandaling iyon para akong nahulog sa kahon ng yelo. Habang nakikita ko ang pulis, kasuklam-suklam at napakasama, napuno ako ng sama ng loob. Naisip ko: Gagawa ng anumang hakbang ang mga kawal ng demonyo na ito upang ipagkanulo ko ang Diyos—hindi ako makakapayag na magtagumpay ang kanilang mga binabalak! Dahil nakitang labis akong nanginginig, dinakot ng pulis ang aking buhok at pinilit iangat ang aking ulo para tumingin ako sa langit sa labas ng bintana, at nangungutyang sinabi: “Hindi ka ba nilalamig? Kung gayo’y hayaan mong dumating ang Diyos mo para iligtas ka!” Nakita nilang wala akong reaksyon, kaya muling ibinuhos ng pulis ang isang malaking palayok ng malamig na tubig sa akin at inilagay ang aircon sa pinakamalamig, pagkatapos ay umihip sa akin. Tumama sa akin ang magkakasunod na bugso ng malamig na ihip ng aircon na tumatagos sa buto kasama ang malamig na hangin. Sobra akong nilamig at tumiklop ako na parang bola at halos maging yelo na. Nadama kong nanigas ang aking buong katawan. Unti-unting nawala ang aking tiwala, at wala akong nagawa kundi mag-isip ng mga kahibangan: Napakalamig na araw, ngunit ibinabad nila ako sa malamig na tubig at binuksan ang aircon. Gusto ba nilang maging yelo ako nang buhay? Kung mamatay ako rito, hindi malalaman ng aking mga kamag-anak ang tungkol dito. Habang nalulubog ako sa kadiliman, bigla kong naisip ang pagdurusa na tiniis ni Jesus habang ipinapako sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At naisip ko rin ang mga salita ng Diyos, “Ang pag-ibig na nakaranas ng pagpipino ay matatag, at hindi mahina. Hindi alintana kung kailan o kung paano ka isasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong huwag mag-alala kung mamamatay ka man o mabubuhay, isasantabi ang lahat nang may kagalakan para sa Diyos, at masayang titiisin ang anuman para sa Diyos—at kaya ang iyong pag-ibig ay magiging dalisay, at magiging totoo ang pananampalataya” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Ibigin Nang Tunay ng Tao ang Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Talagang pinalakas ako ng mga salitang ito mula sa Diyos—oo! Nang araw na iyon na nagawa kong sumaksi sa Diyos ay pinalakas Niya ako—paano ko maiisip ang laman? Kahit na nangangahulugan ito ng pagkawala ng aking buhay, determinado akong maging tapat sa Diyos. Biglang nagkaroon ng pagsilakbo sa aking puso at nadama ko ang labis na inspirasyon. Tahimik akong nanalangin sa Diyos: "O Diyos! Binigyan Mo ako ng hininga, mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa kumapit sa buhay at magtaksil sa Iyo!” Unti-unti, hindi ko na naramdaman ang lamig, na nagbigay-daan para maramdaman ko ang pakikisama at pag-aliw ng Diyos. Mula tanghali hanggang sa halos ika-pito ng gabi, patuloy na nagtanong sa akin ang mga pulis. Nakita nila na hindi talaga ako magsasalita, kaya ikinulong nila ako sa silid ng interogasyon at patuloy na itinutok ang malamig na ihip ng hangin sa akin.

Pagkatapos ng hapunan, pinatindi ng mga pulis ang pagtatanong sa akin. Buong bagsik nila akong pinagbantaan, sinasabing: “Sabihin mo sa amin! Sino ang lider ng inyong iglesia? Kung hindi mo sasabihin sa amin, mayroon kaming ibang mga pamamaraan, maaari ka naming painumin ng katas ng maaanghang na sili, tubig na may sabon, pakainin ng dumi, hubaran, itapon sa silong, at hayaang mamatay sa lamig! Kung hindi ka magsasalita ngayon, muli ka naming tatanungin bukas. Marami kaming oras!” Nang sabihin ito ng pulisya, nakita ko na talagang hindi sila mga tao kundi lupon ng mga demonyo sa laman ng tao. Habang lalo nila akong pinagbabantaan sa ganoong paraan, mas higit ko pa silang kinapootan sa aking puso, at lalo akong naging determinado na huwag kailanman sumuko sa kanila. Nang nakita nila na hindi ako susuko, nakahanap sila ng isang bag na tela, ibinabad sa tubig, at inilagay sa aking ulo. Idiniin nila ito sa aking ulo at hindi ako pinakilos, at hinigpitan ito. Hindi talaga ako makagalaw dahil nakaposas ang mga kamay ko sa upuan. Hindi nagtagal, kinakapos na ako ng hininga; nadama ko na ang paninigas ng aking buong katawan. Ngunit hindi pa iyon sapat upang mapawi ang kanilang pagkapoot. Kinuha nila ang isang palayok ng malamig na tubig at ibinuhos ito sa aking ilong, nagbabanta sa akin, sinasabi na kung hindi ako magsasalita, lalo akong mahihirapang huminga. Hindi mapasukan ng hangin ang basang bag at dagdag pa ibinubuhos ang tubig sa aking ilong. Napakahirap huminga, at parang naramdaman kong malapit na akong mamatay. Tahimik akong nanalangin sa Diyos: “O Diyos, ibinigay Mo sa akin ang hiningang ito, at ngayon ay dapat akong mabuhay para sa Iyo. Hindi mahalaga kung gaano ako pahirapan ng mga pulis, hindi Kita tatalikuran. Kung hinihingi Mo sa akin na isakripisyo ko ang aking buhay, handa akong sundin ang Iyong mga layunin at plano nang walang kahit kaunting reklamo….” Patuloy pa rin nila akong pinahirapan. Nang magsimula akong mawalan ng malay at nang halos huminto na sa paghinga, bigla nila akong binitawan. Hindi ko mapigilang patuloy na magpasalamat sa Diyos sa aking puso. Malinaw kong naranasan na ang Diyos ang Panginoon ng lahat, na lagi Niya akong binabantayan at iniingatan, at kahit na mahulog ako sa mga kamay ng pulisya, hinayaan lamang ng Diyos na pahirapan nila ang aking laman ngunit hindi sila hinayaang hawakan ang aking buhay. Pagkatapos niyon, lumakas ang aking tiwala.

Nang sumunod na araw sa bandang tanghali, ilan sa mga pulis ang nagdala sa akin at sa isa pang kapatid sa sasakyan ng pulisya at dinala kami sa bahay na detensiyon. Isa sa kanila ang nananakot na nagsabi sa akin: “Hindi ka taga-rito. Ikukulong ka namin nang anim na buwan, pagkatapos ay sesentensiyahan ka namin ng 3-5 taon, sa anumang kaso na walang sinuman ang makakaalam.” “Sentensiya?” Sa sandaling narinig ko na ako ay masesentensiyahan, hindi ko maiwasang manghina. Nadama ko na kung makukulong ako hahamakin ako ng ibang tao. Habang ako ay naghihirap at mahina, muling ipinakita ng Diyos sa akin ang Kanyang biyaya. Ang iba pang mga tao sa selda kung saan ako inilagay ay lahat kapatid na naniniwala sa Makapangyarihan Diyos. Bagama’t sila ay nasa yungib ng mga demonyo, hindi sila nagpakita ng kaunting takot. Hinikayat nila at sinuportahan ang bawat isa, at nang nakita nila na ako ay negatibo at mahina, kinausap nila ako tungkol sa kanilang mga personal na karanasan at sumaksi, na nagbigay sa akin ng tiwala sa Diyos. Inawit din nila ang himno ng karanasan upang hikayatin ako: “Mapakumbabang naging tao ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, naglalakad sa mga iglesia, nagpapahayag ng katotohanan, napakaingat na dinidiligan tayo, ginagabayan tayo sa bawat hakbang. Nagawa Niya ito araw-araw sa loob ng mga dekada, lahat ng iyon upang dalisayin at gawing perpekto ang tao. Marami na Siyang nakitang tagsibol, tag-init, taglagas, taglamig, masaya Niyang tiniis ang pait kasabay ng tamis. Isinakripisyo Niya ang lahat nang hindi iniisip ang Kanyang sarili at walang anumang panghihinayang, ibinigay na Niya ang Kanyang buong pagmamahal sa sangkatauhan. Sumailalim na ako sa paghatol ng Diyos at nakatikim ng pait ng mga pagsubok. Ang tamis ay kasunod ng pait, ang aking katiwalian ay nalinis na, inihahandog ko ang aking puso at katawan upang suklian ang pagmamahal ng Diyos. Nagtutungo ako sa iba’t ibang lugar na nagpapakahirap, ginugugol ang aking sarili para sa Diyos. Itinatakwil ako ng mga mahal ko sa buhay, sinisiraan ako ng iba, ngunit hindi matitinag ang pagmamahal ko sa Diyos hanggang wakas. Lubos akong tapat sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Tinitiis ko ang pag-uusig at mga pagdurusa, nagdaranas ako ng mga tagumpay at kabiguan sa buhay. Kahit magtiis ako ng kapaitan sa buhay, kailangan kong sumunod sa Diyos at sumaksi sa Kanya” (“Pagsukli sa Pagmamahal ng Diyos at Pagiging Kanyang Saksi” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang iniisip ang tungkol sa awiting ito, naramdaman ko ang lakas ng buhay mula sa mga kapatid na ito, at lumakas ang loob ko nang lubos. Totoo, sinusunod namin ang totoong Diyos at tinatahak ang tamang landas ng buhay sa isang bansa na nasa ilalim ng paghahari ng isang ateistang partidong kumikilala sa Diyos bilang kaaway. Nakatakda kaming magdusa ng maraming paghihirap, ngunit ang lahat ng ito ay may kahulugan, at kahit ang pag-upo sa bilangguan ay isang maluwalhating bagay dahil kami ay inuusig para sa pagsisikap na hanapin ang katotohanan at sundan ang paraan ng Diyos. Ito ay ganap na naiiba mula sa makamundong mga tao na nabilanggo dahil sa paggawa ng mga kahila-hilakbot na krimen. Naisip ko noon ang maraming henerasyon ng napakaraming banal na nagdusa ng pang-uusig at kahihiyan alang-alang sa pagtahak sa tunay na landas. Ngunit ngayon, malaya akong nabigyan ng labis na salita ng Diyos—naunawaan ko ang katotohanan na hindi naunawaan ng maraming henerasyon ng mga tao, alam ko ang mga hiwaga na hindi nalaman ng maraming henerasyon, kaya bakit hindi ko natiis ang kaunting paghihirap upang maging saksi sa Diyos? Nang naisip ko ito, muli akong umahon mula sa aking estado ng kahinaan, puspos ng tiwala at lakas ang aking puso, at determinado akong magtiwala sa Diyos at harapin ang paghihirap sa hinaharap at mga hinihinging pag-amin nang taas-noo.

Pagkalipas ng sampung araw, mag-isa akong ipinadala ng pulisya sa sentro ng detensiyon. Nakita ko na ang lahat ng iba pang taong nakakulong doon ay dahil sa pandaraya, pagnanakaw, at ilegal na mga negosyo. Pagdating ko, sinabi nila sa akin: “Ang sinumang pumapasok dito ay karaniwang hindi na nakakalabas. Lahat kami ay naghihintay para sa aming mga hatol, at ang ilan sa amin ay ilang buwan nang naghihintay.” Habang tinitingnan ko ang mga taong ito, lubha akong ninerbiyos na halos sumabog ang aking puso. Natakot ako na hindi nila ako pakikitunguhan nang mabuti, at nang naisip ko ang katotohanang ikukulong ako ng pulisya na kasama nila, naisip ko na malamang ay ibibigay nila sa akin ang sentensiya ng isang kriminal. Narinig ko na ang ilan sa kapatiran ay nabilanggo nang kasing haba ng walong taon. Hindi ko alam kung gaano kahaba ang aabutin ng aking sentensiya, at ako ay 29 na taong gulang lamang! Hindi puwedeng gugulin ang aking kabataan sa loob ng madilim na seldang ito. Paano ko gugugulin ang aking mga araw mula ngayon? Sa sandaling iyon, tila biglang naging napakalayo sa akin ang aking bayang kinalakhan, mga magulang, asawa, at anak. Para itong isang kutsilyong pumipilipit sa aking puso, at dumaloy ang mga luha sa aking mga mata. Alam ko na nahulog ako sa panlilinlang ni Satanas, kaya taimtim kong tinawag ang Diyos, umaasa na ako ay Kanyang papatnubayan upang makatakas mula sa paghihirap na ito. Sa kalagitnaan ng aking panalangin, nakadama ako ng malinaw na gabay sa kalooban ko: Kapag hinarap mo ito, mayroon kang pahintulot mula sa Diyos. Katulad ng pagsubok ni Job, huwag magreklamo. Kaagad na muling nagdala ng pagliliwanag sa akin ang mga salita ng Diyos: “Mas nais mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak) o lumisan sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo?” (“Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Naramdaman ko ang pagkahiya mula sa paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos. Nakita ko na hindi ako tapat sa Diyos, ngunit kasasabi ko pa lamang na nais kong maging isang mabuting saksi para sa Kanya. Gayunpaman, noong aktuwal na nahaharap na ako sa panganib ng pagiging bilanggo, ninais ko lamang na makatakas. Walang praktikal na kakayahang maghirap alang-alang sa katotohanan. Nang maalala ko ang sandaling inaresto ako, nasa tabi ko ang Diyos sa lahat ng oras. Hindi niya ako iniwan sa kahit isang hakbang lang sa takot na mawala ako o madapa ako sa landas. Tunay na taos-puso at hindi hungkag ang pag-ibig ng Diyos para sa akin. Ngunit ako ay madamot at makasarili, at laging iniisip ang aking mga sariling pakinabang at pagkatalo. Hindi ako handang magbayad ng anumang kabayaran para sa Diyos—paano ako magkakaroon ng anumang katauhan? Anumang konsensiya? Nang naisip ko iyon, naramdaman ko na puno ako ng panghihinayang at pagkakautang. Tahimik akong nanalangin sa Diyos at nagsisi: O Diyos! Nagkamali ako. Hindi na ako maaaring hanggang sa salita lang at lokohin Ka. Handa akong isabuhay ang katotohanan upang masiyahan Ka. Anuman ang maging resulta ng aking sentensiya, tiyak na magiging saksi ako para sa Iyo—hinihiling ko lamang na ingatan Mo ang aking puso. Nang sandaling iyon, dumating ang pinuno ng mga bilanggo at sinabi sa akin: “Hindi ko alam kung bakit ka naririto, ngunit mayroon kaming isang kasabihan: ‘Umamin ka makukulong ka hanggang sa wakas; lumaban ka nang buong lakas at mabubuhay ka.’ Kung ayaw mong magsalita, huwag kang magsalita.” Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa hindi kapani-paniwalang pagsasaayos at sa karunungan na ipinagkaloob sa akin ng pinuno ng mga bilanggo, kung kaya alam ko kung paano pakikitunguhan ang sumunod na interogasyon. Nagpapasalamat din ako na hindi ako ginulo ng iba pang mga bilanggo, kundi talagang inalagaan ako, binigyan ako ng damit, binigyan ako ng dagdag na pagkain sa mga oras ng pagkain, at ibinahagi sa akin ang mga prutas at meryenda na binili nila mismo, at tinulungan din nila ako sa aking pang-araw-araw na gawain. Alam ko na ang lahat ng ito ay ayon sa disenyo at plano ng Diyos; ito ang awa ng Diyos para sa aking walang malay na kalikasan. Nakaharap sa Kanyang pag-ibig at proteksiyon, itinakda ko ang aking pasya: Gaano man kahaba ang aking sentensiya, magiging saksi ako para sa Diyos!

Sa sentro ng detensiyon, tinatanong ako ng pulisya nang isang beses kada ilang araw. Nang mapagtanto nila na hindi ako makukuha sa mahigpit na paraan, naging maamo sila. Naging malumanay ang pulis na nagtatanong sa akin at nakipag-usap sa akin, binigyan ako ng pagkain, at sinabing matutulungan niya akong makahanap ng magandang trabaho. Alam kong panlilinlang ito ni Satanas, kaya sa tuwing tinatanong niya ako nanalangin na lang ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na ingatan ako at huwag pahintulutang mahulog sa panlilinlang na ito. Minsan nang tinatanong niya ako, sa wakas ay ipinahayag ng pulis ang kanilang masamang hangarin: “Wala kaming problema sa iyo, gusto lang naming pigilin ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Umaasa kami na sasamahan mo kami.” Nang marinig ko ang masasamang salitang ito, labis akong nagalit. Naisip ko: nilikha ng Diyos ang tao at patuloy na naglalaan at gumagabay sa atin hanggang ngayon. At ngayon Siya ay naparito upang iligtas ang mga nilikha Niya at tulungan tayong makatakas mula sa kailaliman ng ating pagdurusa. Ano ang mali doon? Bakit kaya ito kinasusuklaman, inaalipusta ng mga demonyong ito? Tayo ay mga nilalang ng Diyos. Ang pagsunod sa Diyos at pagsamba sa Kanya ay tama at wasto, kaya bakit tayo pinipigilan ni Satanas sa ganitong paraan, kinukuha pati na ang kalayaang sumunod sa Diyos? Ngayon, sinusubukan nilang makuha ako upang maging isang bulag na tagasunod sa kanilang hangarin na pabagsakin ang Diyos. Ang pamahalaan ng CCP ay tunay na isang grupo ng mga demonyong determinadong labanan ang Diyos. Talagang masasamang reaksiyunaryo! Mayroon akong hindi mailarawang damdamin ng sakit sa aking puso noon, at ang gusto ko lamang ay ang maging saksi para sa Diyos at aliwin ang Kanyang puso. Nang makita ng pulisya na hindi pa rin ako nagsasalita, nagsimula silang gumamit ng sikolohikal na mga pamamaraan laban sa akin. Natagpuan nila ang aking asawa sa pamamagitan ng China Mobile at dinala nila siya at ang aking anak upang hikayatin ako. Dati nang sang-ayon ang aking asawa sa aking paniniwala sa Diyos, ngunit pagkatapos linlangin ng pulis, sinabi niya sa akin nang paulit-ulit: “Nakikiusap ako sa iyo na isuko mo na ang iyong pananampalataya. Isipin mo ang ating anak kahit hindi na ako. Magkakaroon ng napakasamang epekto sa kanya ang pagkakaroon ng isang ina na nasa bilangguan. …” Alam kong nasasabi ito ng asawa ko dahil sa kamangmangan, kaya pinahinto ko siya at sinabi: “Hindi mo pa rin ako naiintindihan? Nabuhay tayong magkasama sa loob ng maraming taon, kailan mo ba ako nakitang gumawa ng kahit anong masama? Kung wala kang naiintindihan itikom mo na lang ang bibig mo.” Nang makita ng aking asawa na hindi nababago ng kanyang mga salita ang aking isipan, binitawan niya ang malulupit na salitang ito: “Matigas ang iyong ulo at hindi ka nakikinig—makikipagdiborsiyo na lang ako sa iyo!” Ang salitang ito, “diborsiyo,” ay malalim na tumagos sa aking puso. Nagdulot ito ng mas malalim na pagkapoot ko sa pamahalaan ng CCP. Kinapootan ng aking asawa ang gawain ng Diyos at nasabi niya ang mga masasakit na salitang iyon sa akin dahil sa paninirang-puri at paghahasik nito ng sigalot. Ang pamahalaan ng CCP ang tunay na salarin na tumatawag sa mga karaniwang tao upang magkasala sa Langit! Ito rin ang salarin na nagpapahina sa aming mga damdamin bilang mag-asawa! Sa kaisipang ito, wala na akong nais na sabihin pa sa aking asawa. Mahinahon ko na lamang na sinabi: “Kung gayon magmadali ka at dalhin mo na ang ating anak sa bahay.” Nang makita ng pulisya na hindi gumana ang taktikang ito, sila ay nagalit at naglakad nang paroo’t-parito sa harapan ng kanilang mga mesa at sumigaw sa akin, sinasabing: “Nagtrabaho kami nang husto at wala man lamang kaming nakuhang tugon mula sa iyo! Kung patuloy kang tumangging magsalita tatawagin ka namin bilang pinuno ng rehiyong ito, bilang isang bilanggong pulitikal! Kung hindi ka magsasalita ngayon, wala nang iba pang pagkakataon!” Ngunit kahit gaano man sila nagalit at nagsisigaw, nanalangin na lang ako sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na palakasin ang aking pananampalataya.

Sa panahon ng aking interogasyon, may isang himno ng salita ng Diyos na patuloy na gumabay sa akin mula sa kalooban ko: “Sa gawain ng mga huling araw, malakas na pananampalataya at malaking pagmamahal ang hinihingi sa atin. Maaari tayong matisod mula sa pinakabahagyang kapabayaan dahil ang yugtong ito ng gawain ay kaiba mula sa lahat ng sinusundan nito. Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan—hindi ito maaaring makita o mahipo ninuman. Ang ginagawa ng Diyos ay palitan ang mga salita sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa buhay. Dapat makarating ang mga tao sa punto kung saan sila ay nakapagtiis ng daan-daang mga pagpipino at nakakapagtaglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa kay Job. Kailangan nilang magtiis ng di-masukat na pagdurusa at lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos anumang oras. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, kung gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay hindi kasing simple ng naguguni-guni ninyo rito. Mas hindi ito nakaayon sa mga pagkaunawa ng mga tao mas malalim ang kabuluhan, at mas nakaayon ito sa mga pagkaunawa ng mga tao, mas kaunti ang kahalagahan nito, at walang tunay na kabuluhan. Pag-isipan ninyo ang mga salitang ito nang maingat” (“Ang Ginagawang Perpekto ng Diyos ay ang Pananampalataya” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Dahil sa pananampalataya at lakas na natanggap ko mula sa mga salita ng Diyos, mukhang napakatatag ko habang tinatanong nila ako. Ngunit nang bumalik ako sa aking selda, hindi ko mapigilang manghina at masaktan. Tila talagang makikipagdiborsiyo sa akin ang aking asawa at mawawalan na ako ng tahanan. Hindi ko rin alam kung gaano katagal ang aking sentensiya. Sa gitna ng kalungkutang ito, naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Dapat mong maranasan ang kalagayan ni Pedro sa panahong ito: Siya ay dinapuan ng kalungkutan; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang biyaya. Hindi niya sinikap na kamtin ang pakinabang, kaligayahan, kasikatan, o yaman ng mundo, at naghangad lamang na mabuhay ng isang pinaka-makabuluhang buhay, na upang gantihan ang pag-ibig ng Diyos at ialay kung ano ang pinanghawakan niyang pinakamahalaga sa Diyos. At masisiyahan na siya sa kanyang puso” (“Paano Nakilala ni Pedro si Jesus” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Lubos akong naantig sa mga gawa ni Pedro, at ito rin ang nag-udyok sa aking kalooban na isuko ang lahat upang masiyahan ang Diyos. Totoo ito. Nang marating ni Pedro ang kanyang pinakamalungkot na punto, nakayanan pa rin niya ito at napalugod ang Diyos. Hindi ito para sa kanyang sariling kinabukasan o tadhana, o sa kanyang sariling pakinabang, at sa huli nang siya ay napako nang patiwarik sa isang krus, naging mabuting saksi siya para sa Diyos. Ngunit nagkaroon ako ng magandang kapalaran na sundan ang Diyos na nagkatawang-tao, at tamasahin ang walang katapusang pagtustos ng Diyos sa aking buhay pati na rin ang Kanyang biyaya at mga pagpapala, pero hindi ako kailanman nagbigay ng anumang tunay na kapalit para sa Diyos. At pagkatapos nang kailangan Niya ako upang maging saksi para sa Kanya, hindi ko man lang Siya napalugod nang kahit minsan? Pagsisisihan ko ba ang pagkawala ng pagkakataong ito habambuhay? Nang naisip ko iyon, ipinasya ko ang aking kalooban sa harap ng Diyos: O Diyos, handa akong sundin ang halimbawa ni Pedro. Anuman ang mangyari sa akin, kahit na kailangan kong madiborsiyo o mabilanggo, hindi Kita ipagkakanulo! Pagkatapos manalangin, nakadama ako ng kakaibang lakas sa aking kalooban. Hindi ko na iisipin kung ako ba ay masesentensiyahan o hindi at kung gaano katagal ang magiging sentensiya, hindi ko na rin iisipin kung makababalik pa ako o hindi sa bahay at makakasamang muli ang aking pamilya. Iisipin ko na lamang na ang isa pang araw sa yungib ng mga demonyo ay isa pang araw ng pagiging saksi para sa Diyos, at kahit mabilanggo ako hanggang sa wakas, hindi ako susuko kay Satanas. Nang isuko ko ang aking sarili, totoong naranasan ko ang pag-ibig at pagmamahal ng Diyos. Pagkalipas ng ilang araw sa isang hapon, biglang sinabi sa akin ng bantay: "Kunin mo ang iyong mga gamit, maaari ka nang umuwi." Sadyang hindi ako makapaniwala sa aking narinig! Bago ako pinalabas pinalagda ako ng pulisya ng isang dokumento. Nakita ko ang mga salitang ito na nakasulat nang napakalinaw: “Hindi nagkasala dahil sa hindi sapat na ebidensiya, palayain.” Nang nakita ko ito, labis akong nasabik. Muli kong nakita ang pagkamakapangyarihan at katapatan ng Diyos, na “sila na handang isakripisyo ang kanilang mga sarili ay makatatawid nang walang pangamba.” Ang labanan na ito sa espirituwal na digmaan ay ikinatalo ni Satanas at sa wakas ay naluwalhati ang Diyos!

Pagkatapos sumailalim sa 36 na araw ng detensiyon at pang-uusig ng pulisya ng China, nagkaroon ako ng tunay na pagkaunawa sa malupit na paniniil, at sa mapanghimagsik at reaksiyonaryong diwa ng pamahalaan ng CCP. Mula noon ay nagkaroon ako ng malalim na pagkapoot dito. Alam ko na sa panahong iyon ng mga paghihirap, palagi kong kasama ang Diyos, nagliliwanag sa akin, pinapatnubayan ako, at pinahihintulutan akong madaig ang kalupitan at mga pagsubok ni Satanas sa bawat hakbang. Binigyan ako nito ng isang tunay na karanasan sa katotohanan na ang mga salita ng Diyos ay tunay na buhay ng sangkatauhan at ang ating lakas. Nakilala ko rin nang lubos na ang Diyos ay ang ating Panginoon at namamahala sa lahat ng bagay, at gaano man karami ang mga panlilinlang ni Satanas, palagi itong matatalo ng Diyos. Tinangka nitong pahirapan ang aking laman upang pilitin akong ipagkanulo ang Diyos, at talikuran Siya, ngunit hindi lamang ako hindi nagapi ng malupit na pagpapahirap nito, ngunit pinalakas nito ang aking determinasyon at pinahintulutan akong lubusang makita ang masasamang mukha nito, upang makilala ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso para sa lahat ng bagay na isinaayos Niya para sa akin na nagbigay-daan sa aking matamo ang pinakamahahalagang kayamanan ng buhay! Ang aking personal na resolusyon ay: Ano mang pang-aapi o pagdurusa ang nasa daan, handa akong matatag na sumunod sa Diyos at patuloy na ikalat ang ebanghelyo tulad ng dati at suklian ang Kanyang dakilang pag-ibig!

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento