"Binubuo ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao" | Sipi 16


Naisulong ng gawaing ginagawa sa kasalukuyan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; iyan ay, ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nakasulong. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit paulit-ulit Kong sinasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nagtatayo sa ibabaw ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan? Nangangahulugan ito na ang gawain sa kasalukuyan ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya at isang pagsulong doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay at ang bawa’t kawing sa kadena ay nakadugtong sa isa. Bakit sinasabi ko rin na ang yugtong ito ng gawain ay tumatayo roon sa ginawa ni Jesus? Kung sakaling hindi nakatayo ang yugtong ito sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganin Niyang maipakong muli sa yugtong ito, at ang gawaing pagtubos ng nakaraang yugto ay kailangang ulitin muli.

Magiging walang saysay ito. Kaya’t hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas nang mas mataas pa kaysa rati. Maaaring sabihin na ang yugtong ito ng gawain ay itinayo sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ay itinatayo nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong pasimula. Tanging ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, kung gayon bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pinapasan ang mga kasalanan ng tao? Hindi Ako pumaparito sa pamamagitan ng paglilihi ng Banal na Espiritu, ni pinapasan Ko ang mga kasalanan ng tao sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus; sa halip, narito Ako upang direktang kastiguhin ang tao. Kung ang pagkastigo Ko sa tao at ang pagparito Ko ngayon na hindi sa pamamagitan ng paglilihi ng Banal na Espiritu ay hindi sumunod sa pagpapapako sa krus, kung gayon hindi Ako magiging karapat-dapat upang kastiguhin ang tao. Talagang dahil kaisa Ako ni Jesus kaya pumarito Ako upang direktang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay buong itinatayo sa gawain ng sinusundang yugto. Iyan ang dahilan kung bakit tanging ang ganitong uri ng gawain ang makapagdadala sa tao, isa-isang hakbang, sa kaligtasan. Ako at si Jesus ay mula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming mga katawang-tao, iisa ang Aming mga Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng ginagawa Namin at ang gawain na ginagampanan Namin ay magkaiba, magkapareho Kami sa diwa; magkaiba ang porma ng Aming mga katawang-tao, nguni’t ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan at ang magkaibang mga kinakailangan sa Aming gawain; magkaiba ang mga ministeryo Namin, kaya ang gawain na dala Namin at ang disposisyon na ibinubunyag Namin sa tao ay magkaiba rin. Iyan ang dahilan kung bakit ang nakikita at nauunawaan ng tao ngayon ay hindi katulad roon sa nakaraan; ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan, Sila ay magkaiba sa kasarian at porma ng Kanilang mga katawang-tao, at hindi Sila ipinanganak sa parehong pamilya, at lalo nang hindi sa parehong panahon, gayunman iisa ang Kanilang mga Espiritu. Sa lahat ng iyan, ang Kanilang mga katawang-tao ay walang kaugnayan sa dugo ni anumang uri ng pisikal na pagkakamag-anak, hindi maitatangging Sila ay pagkakatawang-tao ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapasisinungalingang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong lamán ng Diyos, bagama’t hindi sila magkadugo at magkaiba ang kanilang pantaong wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa ay babae na eksklusibong nagsasalita ng Tsino). Para sa mga kadahilanang ito kaya nabuhay sila sa magkaibang bansa upang gawin ang gawain na kinakailangang gawin ng bawa’t isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayang iisa Silang Espiritu at nagtataglay ng parehong kakanyahan, ganap na walang mga pagkakatulad sa panlabas Nilang mga katawang-tao. Ang pagkakatulad lamang Nila ay ang parehong pagkatao, nguni’t pagdating sa panlabas na kaanyuan ng Kanilang mga katawang-tao at ang mga pangyayari sa Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkapareho. Ang mga bagay na ito ay walang epekto sa Kani-kanilang gawain o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, dahil, sa huling pagsusuri, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang buong persona Nila ay nasa patnubay ng Kanilang mga Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang mga panahon, at ng Kanilang mga katawang-tao sa magkaibang linya ng dugo. Katulad nito, ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at parehong Espiritu. Katulad lamang ng nagkatawang-taong Diyos ngayon at ni Jesus. Bagama’t hindi Sila magkadugo, Sila ay iisa; ito ay dahil iisa ang Kanilang mga Espiritu. Kayang gawin ng Diyos ang gawain ng habag at mapagmahal-na-kabaitan, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag ng mga sumpa sa tao; at sa katapusan, kaya Niyang gawin ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masámâ. Hindi ba Niya ginagawa Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang pagka-makapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Nakaya Niya ang parehong pagpapatupad ng mga batas para sa tao at pagbibigay sa kanya ng mga kautusan, at nakaya rin Niyang pamunuan ang mga sinaunang Israelita upang makapamuhay sa lupa at patnubayan sila sa pagtatayo ng templo at mga altar, hinahawakan ang lahat ng Israelita sa ilalim ng Kanyang dominyon. Sa pagsalalay sa Kanyang awtoridad, namuhay Siya sa lupa kasama ang mga mamamayan ng Israel sa loob ng dalawang libong taon. Hindi nangahas ang mga Israelita na magrebelde laban sa Kanya; iginalang ng lahat si Jehova at sinunod ang mga kautusan Niya. Ito ang gawain na ginawa sa pagsalalay sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang pagka-makapangyarihan-sa-lahat. Pagkatapos nito, noong Kapanahunan ng Biyaya, dumating si Jesus upang tubusin ang buong natisod na sangkatauhan (at hindi lamang ang mga Israelita). Nagpakita Siya ng awa at mapagmahal-na-kabaitan sa tao. Ang Jesus na nakita ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay puno ng mapagmahal-na-kabaitan at laging mapagmahal sa tao, sapagka’t naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Nakaya Niyang patawarin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan hanggang sa ganap na tinubos ng pagkakapako Niya sa krus ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa panahong ito, nagpakita ang Diyos sa tao na may awa at mapagmahal-na-kabaitan; iyon ay, naging handog Siya para sa kasalanan ng tao at naipako sa krus para sa mga kasalanan ng tao upang maaari silang mapatawad magpakailanman. Siya ay maawain, mahabagin, matiisin, at mapagmahal. At hinangad rin ng lahat ng sumunod kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ang maging matiisin at mapagmahal sa lahat ng mga bagay. Matiisin sila, at hindi kailanman lumaban kahit na sinaktan, isinumpa, o binátó. Nguni’t sa panahon ng huling yugto hindi na maaring maging ganito. Katulad nito, kahit na iisa ang Kanilang mga Espiritu, ang gawain nina Jesus at Jehova ay hindi ganap na magkapareho. Ang gawain ni Jehova ay hindi upang tapusin ang kapanahunan kundi upang gabayan ito at ihatid ang buhay ng sangkatauhan sa lupa. Gayunpaman, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang lupigin yaong mga nasa bansang Gentil na lubos na masámâ, at pamunuan hindi lamang ang pamilya ng Tsina, kundi ang buong sansinukob. Maaaring sa tingin mo ay sa Tsina lamang ginagawa ang gawaing ito, nguni’t sa katunayan nag-umpisa na itong lumaganap sa ibang bansa. Bakit muli’t muli ay hinahanap ng mga banyaga ang tunay na daan? Iyan ay dahil nag-umpisa na ang Espiritu na gumawa, at ang mga salita na binibigkas ngayon ay nakatuon sa mga tao sa buong sansinukob. Dahil dito, kalahati ng gawain ay nagaganap na. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, pinakilos ng Espiritu ng Diyos ang dakilang gawaing ito, at bukod dito ay gumawa ng iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan at sa iba’t ibang bansa. Nakikita ng mga tao ng bawa’t kapanahunan ang ibang disposisyon Niya, na likas na nabubunyag sa pamamagitan ng ibang gawain na ginagawa Niya. Siya ay Diyos, puno ng awa at mapagmahal-na-kabaitan; Siya ang handog para sa kasalanan ng tao at ang pastol ng tao; nguni’t Siya rin ang paghatol, pagkastigo, at sumpa ng tao. Nakaya Niyang pamunuan ang tao upang mabuhay sa lupa sa loob ng dalawang libong taon, at nakaya rin Niyang tubusin ang masamang sangkatauhan mula sa kasalanan. Ngayon, kaya rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, na hindi nakakakilala sa Kanya, at sanhiing magpatirapa sila sa ilalim ng Kanyang pagkasakop, upang ang lahat ay lubusang magpasakop sa Kanya. Sa katapusan, susunugin Niya ang lahat ng marumi at hindi-matuwid sa kalooban ng mga tao sa buong sansinukob, upang ipakita sa kanila na hindi lamang Siya isang maawain at mapagmahal na Diyos, hindi lamang Diyos ng karunungan at mga kababalaghan, hindi lamang isang banal na Diyos, kundi higit pa rito, isang Diyos na humahatol sa tao. Sa mga masásámâ sa gitna ng sangkatauhan, Siya ay pagsunog, paghatol, at parusa; sa mga gagawing perpekto, Siya ay kapighatian, pagpipino, at pagsubok, pati na rin kaaliwan, pagpapanatili, pagkakaloob ng mga salita, pakikitungo, at pagpupungos. At sa mga natanggal, Siya ay kaparusahan at maging kagantihan.

Mula sa “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao”

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento