Mga pagbigkas ng Makapangyarihang Diyos - Kabanata 81

Iglesia, pag-ibig, buhay, Cristo,

Mga pagbigkas ng Makapangyarihang Diyos - Kabanata 81


O, itong masama at mapangalunyang matandang kapanahunan! Lululunin kita! Bundok ng Sion! Bumangon at ipagbunyi Ako! Para sa kaganapan ng Aking planong pamamahala, para sa matagumpay na kaganapan ng Aking dakilang gawain, sinong nangangahas na hindi tumayo at magsaya!
 Sinong nangangahas na hindi tumayo at tumalon sa tuwa nang walang humpay! Mamamatay sila sa Aking mga kamay. Isinasakatuparan Ko ang pagkamakatuwiran sa lahat, wala ni katiting na awa o kabutihang-loob, at walang damdamin. Lahat ng tao! Tumayo kayo at magpuri, luwalhatiin Ako! Lahat ng walang-katapusang luwalhati, mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, ay umiiral dahil sa Akin at Aking itinatag. Sinong mangangahas na kunin ang luwalhati para sa kanyang sarili? Sinong mangangahas na ituring ang Aking luwalhati bilang isang materyal na bagay? Papaslangin sila ng Aking kamay! O, malulupit na tao! Nilikha Ko kayo at nagkaloob sa inyo, at napangunahan Ko na kayo hanggang ngayon, gayunma’y hindi ninyo Ako kilala kahit kaunti at hindi man lamang ninyo Ako minamahal. Paano Ako muling makakapagpakita ng habag sa inyo? Paano Ko kayo maililigtas? Maaari Ko lamang kayong tratuhin sa pamamagitan ng Aking poot! Susuklian Ko kayo ng pagkawasak, susuklian kayo ng walang-hanggang pagkastigo. Ito ay pagkamakatuwiran; ito’y maaari lamang sa ganitong paraan.
Ang Aking kaharian ay buo at matatag; hindi ito kailanman guguho, nguni’t iiral ito hanggang sa kawalang-hanggan! Aking mga anak, Aking mga panganay na anak, ang Aking bayan ay magtatamasa ng mga pagpapala kasama Ko magpakailan pa man! Yaong mga hindi nakakaunawa ng espirituwal na mga bagay at hindi tumatanggap ng pahayag mula sa Banal na Espiritu ay mapuputol mula sa Aking kaharian sa malao’t madali. Hindi sila aalis sa kanilang kagustuhan, kundi sapilitang palalabasin sa pamamagitan ng alituntunin ng Aking bakal na pamalo, ng Aking kamahalan, at higit pa, sila ay sisipain ng Aking paa. Yaong mga dating inangkin ng masasamang espiritu sa ilang panahon (simula sa pagsilang) ay mabubunyag lahat ngayon. Sisipain kita palabas! Natatandaan pa ba ninyo ang nasabi Ko na? Ako—ang banal at walang-bahid na Diyos—ay hindi nananahan sa isang mabaho at maruming templo. Alam niyaong mga inangkin ng masasamang espiritu sa kanilang mga sarili, at hindi Ko kailangang linawin. Hindi kita naítalaga! Ikaw ay matandang Satanas, gayunman ay nais mong pasukin ang Aking kaharian! Hinding-hindi! Sinasabi Ko sa iyo! Ngayon ay gagawin Kong napakalinaw para sa iyo. Yaong mga pinili Ko sa panahon ng paglikha ng sangkatauhan, ay Aking napuno na ng Aking katangian at ng Aking disposisyon; samakatuwid, ngayon sila ay tapat lamang sa Akin, kaya nilang magdala ng pasanin para sa iglesia, at handa nilang gugulin ang kanilang mga sarili sa Akin at ialay ang kanilang buong pagkatao sa Akin. Yaong mga hindi Ko napili samakatuwid ay nagawang tiwali na ni Satanas sa isang tiyak na lawak, at hindi sila nagtataglay ng Aking katangian at Aking disposisyon. Iniisip ninyo na magkakasalungat ang Aking mga salita, nguni’t ang mga salitang “Ikaw ay itinatalaga at pinipili Ko, gayunman ay dadalhin mo ang mga bunga ng iyong mga pagkilos” ay tumutukoy lahat kay Satanas. Ngayon Aking ipaliliwanag ang isang punto: Ngayon, yaong mga makakatayo at humahawak ng awtoridad ng mga iglesia, nag-aakay sa mga iglesia, nagsasaalang-alang tungo sa Aking pasanin, at nagtataglay ng mga tanging tungkulin—wala sa mga ito ang nasa paglilingkod kay Cristo. Ang lahat ay yaong Aking naitalaga at napili na. Sinasabi Ko ito sa inyo para hindi kayo masyadong mabahala at maantala ang inyong pagsulong sa buhay. Ilan ang makakapagkamit ng katayuan ng mga panganay na ana? Maaari kayang ito ay isang bagay na kasing-dali ng pagkuha ng isang diploma? Imposible! Kung hindi Ko kayo peperpektuhin, matagal na sana kayong nagawang tiwali ni Satanas hanggang sa isang tiyak na antas. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit Kong idinidiin na lagi Kong lilingapin at pangangalagaan yaong mga tapat sa Akin at hahadlangan sila mula sa kapahamakan at pagdurusa. Yaong mga hindi Ko naitalaga ay yaong naangkin na ng masasamang espiritu, yaong mga manhid, mahina-ang-isip, at bansot sa espirituwal at hindi kayang mag-akay ng mga iglesia (ibig sabihin yaong mga masigasig nguni’t hindi malinaw tungkol sa mga pangitain). Dapat silang maalis kaagad sa Aking paningin, at kung mas maaga ay mas mabuti para hindi Ako naiinis at nagagalit sa pagkakita sa inyo. Kung mabilis kang makakalayo, mas kakaunting pagkastigo ang matatanggap mo, nguni’t kung mas matatagalan ka mas marahas ang magiging pagkastigo. Nauunawaan mo ba? Huwag maging masyadong makapal ang mukha! Ikaw ay walang-patumangga at hindi-mapigil, basta-basta at walang-ingat, hindi man lamang nalalaman kung anong uri ka ng basura! Bulag ka!
Yaong mga may hawak ng kapangyarihan sa Aking kaharian ay maingat Kong piniling lahat at sumailalim sa paulit-ulit na mga pagsubok; walang makakatalo sa kanila. Nabigyan Ko na sila ng lakas, kaya hindi sila kailanman babagsak o maliligaw. Nakamit na nila ang Aking pagsang-ayon. Mula sa araw na ito, ang mga mapagpaimbabaw ay magpapakita ng kanilang mga totoong kulay, at may kakayahan silang gawin ang lahat ng klase ng mga kahiya-hiyang mga bagay, nguni’t sa kahuli-hulihan ay hindi nila matatakasan ang Aking kamay na kumakastigo at sumusunog kay Satanas. Ang Aking templo ay magiging banal at walang-bahid. Ito ay patotoong lahat sa Akin, isang paghahayag sa Akin, at luwalhati sa Aking pangalan. Ito ang Aking walang-hanggang tahanan at ang layon ng Aking walang-hanggang pag-ibig. Malimit Kong hinihimas ito sa kamay ng pag-ibig, inaaliw ito sa wika ng pag-ibig, inaalagaan ito sa mga mata ng pag-ibig, at niyayakap ito sa sinapupunan ng pag-ibig, upang hindi ito mahuhulog sa mga bitag ng masasama o madaya ni Satanas. Ngayon, yaong mga nag-uukol ng paglilingkod sa Akin nguni’t hindi ligtas ay Aking gagamitin para sa huling panahon. Bakit Ako nagmamadaling alisin ang mga bagay na ito mula sa Aking kaharian? Bakit Ko dapat itaboy ang mga iyon mula sa Aking paningin? Kinamumuhian Ko ang mga iyon hanggang sa utak ng Aking mga buto! Bakit hindi Ko sila inililigtas? Bakit Ko sila kinasusuklaman? Bakit dapat Ko silang patayin? Bakit kailangan Ko silang wasakin? (Wala kahit isang katiting sa kanila ang makakapanatili sa Aking paningin, kasama ng kanilang mga abo.) Bakit? Ang malaking pulang dragon, ang matandang ahas, at matandang Satanas ay naghahanap pang makasiksik sa Aking kaharian! Isiping muli! Lahat sila ay walang mararating, at magiging mga abo!
Wawasakin Ko ang kapanahunang ito, babaguhin ito tungo sa Aking kaharian, at mabubuhay at magtatamasa kasama ng mga taong Aking minamahal tungo sa kawalang-hanggan. Yaong maruruming bagay ay hindi dapat mag-isip na makakapanatili sila sa Aking kaharian. Iniisip ba ninyong makakapangisda kayo sa malabong katubigan? Isipin nga uli! Hindi ninyo alam na ang lahat ay sinusuri ng Aking mga mata! Hindi ninyo alam na ang lahat ay iniaayos ng Aking mga kamay! Huwag isiping masyado kayong tinitingnan nang napakataas! Bawat isa sa inyo ay dapat lumagay sa dapat ninyong kalagyan. Huwag magkunwaring mapagkumbaba (tumutukoy sa mga yaon na pinagpapala) o manginig at matakot (tumutukoy sa mga yaon na nagdurusa ng kasawiampalad). Ngayon, dapat malaman mismo ng lahat sa loob ng kanilang mga puso. Kahit na hindi Ko binabanggit ang inyong pangalan dapat pa rin kayong maging tiyak, dahil naidirekta Ko na ang Aking mga salita sa bawat isang indibidwal. Kung kayo man ay Aking napili o hindi, ang Aking mga salita ay nakadirekta sa lahat ng inyong kasalukuyang mga katayuan. Ibig sabihin niyan, kung kayo ay kasama sa Aking mga napili, kung gayon nagsasalita Ako tungkol sa kalagayan ng Aking mga napili batay sa iyong pagpapakita; kaugnay sa mga yaon na hindi kabilang sa Aking napili, nagsasalita rin Ako ayon sa kanilang kalagayan. Samakatuwid, ang Aking mga salita ay nasabi na hanggang sa isang punto. Bawat tao ay dapat magkaroon ng mabuting pakiramdam tungkol diyan. Huwag dayain ang inyong mga sarili! Huwag matakot! Dahil ang bilang ng mga tao ay may hangganan, kaunti lamang, hindi mananaig ang pandaraya! Sinumang sinasabi Ko na napili ay napipili at gaano ka man kagaling magkunwari, kung wala ang Aking katangian ikaw ay mabibigo. Dahil iniingatan Ko ang Aking salita, hindi Ko basta na lamang sinisira ang Aking sariling mga plano; ginagawa Ko kung anuman ang gusto Kong gawin, dahil lahat ng ginagawa Ko ay tama, Ako ang pinakamataas, at Ako ay natatangi. Maliwanag ba kayo tungkol dito? Nauunawaan ba ninyo?
Ngayon, pagkatapos basahin ang Aking mga salita, yaong mga gumagawa ng masama at mga liko at mandaraya ay nagpapagal din para maghanap ng pag-unlad; ang kanilang pagsisikap sa paghahanap ay nakasalalay sa kanilang mga sarili. Nais nilang magbayad ng maliit lamang na halaga upang unti-unting gumapang papasok sa Aking kaharian. Isiping muli! (Ang mga taong ito ay walang pag-asa dahil hindi Ko sila nabigyan na ng pagkakataong magsisi.) Binabantayan Ko ang pintuan ng Aking kaharian. Naniniwala ka ba na makakapasok ang mga tao sa Aking kaharian kung nais nila? Naniniwala ka ba na basta na lamang tatanggapin ng Aking kaharian ang anumang uri ng patapong-bagay? Na kukunin ng Aking kaharian ang anumang uri ng walang-saysay na basura? Nagkakamali ka! Ngayon, yaong mga nasa kaharian ay yaong mga kasama Kong humahawak ng makaharing kapangyarihan; maingat Ko silang pinagyaman. Ito ay hindi isang bagay na makakamit kung gugustuhin lamang—dapat kitang masang-ayunan. At ito ay hindi isang bagay na tinatalakay sa kahit sino, kundi ito ay isang bagay na Ako Mismo ang nag-aayos. Anuman ang sinasabi Ko ay siyang nangyayari. Ang Aking mga hiwaga ay ibinubunyag sa Aking mga minamahal. Yaong mga gumagawa ng masama, iyan ay, yaong mga hindi Ko napili, ay walang karapatang tumanggap ng mga iyon. Kahit pa marinig nila ang mga iyon, hindi nila mauunawaan, dahil natakpan na ni Satanas ang kanilang mga mata at nahawakan ang kanilang mga puso, sinisira ang kanilang buong pagkatao. Bakit sinasabi na kamangha-mangha at marunong ang Aking mga pagkilos, na pinakikilos Ko ang lahat sa paglilingkod sa Akin? Ipapasa Ko kay Satanas yaong mga hindi Ko naitalaga at napili para parusahan at gawing tiwali sila. Hindi Ako kikilos; ganito Ako karunong! Sino na ang kailanman ay nakaisip nito? Walang kahirap-hirap, ang Aking dakilang gawain ay natupad na, hindi ba?
Inirekomendang pagbabasa:  Ang Ebanghelyo ay lumalaganap!



Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento