Kidlat ng Silanganan - Kabanata 36

 trono, buhay, Diyos, Biyaya,

Kidlat ng Silanganan - Kabanata 36


Ang Makapangyarihang totoong Diyos, Haring nasa trono, ay namumuno sa buong sansinukob, hinaharap ang lahat ng bansa at lahat ng bayan, at lahat ng nasa silong ng langit ay sumisikat sa luwalhati ng Diyos.
Makikita ng lahat ng nabubuhay sa mga kadulu-duluhan ng sansinukob. Ang mga bundok, ang mga ilog, ang mga lawa, ang mga lupain, ang mga karagatan at lahat ng nabubuhay na nilalang, sa liwanag ng mukha ng tunay na Diyos ay nagbukas na ng kanilang mga pantabing, napanumbalik, parang nagigising mula sa isang panaginip, umuusbong pasibol sa lupa!

Ah! Ang nag-iisang totoong Diyos, ay nagpapakita sa harap ng mundo. Sinong nangangahas na pakitunguhan Siya nang may paglaban? Bawat isa ay nanginginig sa takot. Walang sinumang hindi lubusang napapaniwala, paulit-ulit na humihingi ng kapatawaran, lahat ay nakaluhod sa harap Niya, lahat ng mga bibig ay sumasamba sa Kanya! Ang mga kontinente at mga karagatan, ang mga bundok, ang mga ilog, lahat ng bagay ay nagpupuri sa Kanya nang walang-katapusan! Ang mainit na simoy ng tagsibol na kasama ng tagsibol ay nagdadala ng mainam na ulan ng tagsibol. Ang mga daloy ng mga batis, gaya ng mga tao, ay pinaghahalo ang dalamhati at galak, lumuluha ng mga luha ng pagkakautang at paninisi-sa-sarili. Ang mga ilog, ang mga lawa, ang pagtaas at pagsaboy ng mga alon, lahat ay umaawit, pinupuri ang banal na pangalan ng totoong Diyos! Ang mga papuri ay naririnig nang napakalinaw! Lahat ng lumang mga bagay na minsang ginawang tiwali ni Satanas, bawat isa ay magpapanibago, magbabago, at papasok tungo sa isang bagung-bagong kalagayan …

Ito ang banal na trumpetang tumutunog! Makinig ka. Yaong tunog na napakatamis ay ang bumibigkas na tinig ng trono, ibinabalita sa bawat bansa at bayan, sumapit na ang panahon, ang huling katapusan ay sumapit na. Tapos na ang Aking planong pamamahala. Ang Aking kaharian ay lantarang nagpapakita sa lupa. Ang mga makalupang kaharian ay naging kaharian na ng Aking Diyos. Ang Aking pitong trumpeta ay tumutunog mula sa trono, at anong mga kababalaghan ang magaganap! Ang mga bayan sa mga kadulu-duluhan ng lupa ay magmamadaling magsama-sama mula sa bawat direksyon na may lakas ng isang daluyong at kapangyarihan ng magkasabay na kulog at kidlat, ang ilan ay maglalakbay sa karagatan, ang ilan ay lilipad na sakay ng mga eroplano, ang ilan ay darating na sakay ng mga sasakyan na may iba’t ibang hugis at laki, ang ilan ay darating na sakay ng kabayo. Tingnan mo nang malapitan. Makinig kang maigi. Ang mga sakay na ito ng mga kabayong may lahat ng kulay, masisigla ang mga espiritu, makapangyarihan at maningning, na parang kinukuha ang larangan ng digmaan, ay walang-pakialam sa kamatayan. Ilang mga lalaki, mga babae, mga bata sa gitna ng mga kabayong humahalinghing at mga taong nagsisigawan para sa totoong Diyos ang mayuyurakan sa isang saglit, ang ilan ay patay, ang ilan ay naghihingalo, ang ilan ay luray-luray, nang walang sinumang sumasaklolo sa kanila, sumisigaw na takot na takot, umaalulong sa sakit. Mga anak ng pagsuway! Hindi ba’t ang mga ito ang inyong huling katapusan?

Nagagalak Akong makita ang Aking bayan, na nakikinig sa Aking tinig, at nagtitipon mula sa bawat bansa at lupain. Lahat ng tao, na pinananatili ang totoong Diyos sa kanilang mga bibig, ay nagpupuri at tumatalon sa tuwa nang walang-katapusan! Sumasaksi sila sa mundo, sinasaksihan ang totoong Diyos nang may tunog na gaya ng tunog ng dumadagundong na mga katubigan. Lahat ng tao ay magsisiksikan sa Aking kaharian.

Tumutunog ang Aking pitong trumpeta, ginigising yaong mga natutulog! Bumangon agad, hindi pa huli ang lahat. Tingnan ang iyong buhay! Buksan ang iyong mga mata at tingnan kung anong oras na ngayon. Anong hinahanap mo? Anong mayroon para isipin? At anong mayroon para kapitan? Maaari kayang hindi mo naisaalang-alang ang pagkakaiba ng kahalagahan sa pagitan ng pagkamit ng Aking buhay at ng lahat ng bagay na minamahal mo at kinakapitan? Tigilan mo na ang katigasan-ng-ulo at paglalaro. Huwag palampasin ang pagkakataong ito. Ang sandaling ito ay hindi na muling darating! Tumayo ka nang matuwid, sanayin ang pagpapagana sa iyong espiritu, gumamit ng sari-saring mga kasangkapan para aninagin at biguin ang bawat pakana at panlilinlang ni Satanas, at magtagumpay laban kay Satanas, upang mas palalimin ang iyong karanasan sa buhay, isabuhay ang Aking disposisyon, pagulangin ang iyong buhay, pinuhin, at laging sundan ang Aking mga yapak. Hindi pinanghihinaan-ng-loob, hindi mahina, laging sumusulong, isa-isang hakbang, tuluy-tuloy hanggang sa dulo ng daan!

Kapag ang pitong trumpeta’y tumunog na muli, ito’y magiging pagtawag para sa paghatol, paghatol sa mga mapaghimagsik na mga anakpaghatol sa lahat ng bansa at mga bayan, at bawat bansa ay susuko sa harap ng Diyos. Ang maluwalhating mukha ng Diyos ay tiyak na maipapakita sa harap ng lahat ng bansa at lahat ng bayan. Bawat isa’y lubos na mapapaniwala, sumisigaw sa totoong Diyos nang walang-katapusan. Ang Diyos na makapangyarihan sa lahat ay lalo pang magiging maluwalhati, at ang Aking mga anak ay makikibahagi sa luwalhati, makikibahagi sa Akin sa paghahari, hinahatulan ang lahat ng bansa at lahat ng bayan, pinarurusahan ang masama, inililigtas at kinahahabagan ang mga taong nabibilang sa Akin, nagdadala ng katibayan at katatagan sa kaharian. Sa pamamagitan ng tunog ng pitong trumpeta, malaking bahagi ng mga tao ang maliligtas, bumabalik sa harap Ko upang lumuhod at sumamba, na may walang-humpay na pagpupuri!

Kapag muling tumunog ang pitong trumpeta, ito ang magiging tanda ng katapusan ng isang kapanahunan, ang pagtunog ng trumpeta sa katagumpayan laban sa diyablong si Satanas, ang pagpupugay sa pagsisimula ng hayagang buhay ng kaharian sa lupa! Ang tunog na ito na napakataas, ang tunog na ito na umaalingawngaw sa palibot ng trono, ang pagtunog ng trumpetang ito na yumayanig sa langit at lupa, ay ang tanda ng tagumpay ng Aking planong pamamahala, at ng paghatol kay Satanas, hinahatulan ang lumang mundong ito ng ganap na kamatayan, sa walang-hanggang kalaliman! Ang pagtunog na ito ng trumpeta ay nagbabadya na nagsasara na ang pintuan ng biyaya, na ang buhay ng kaharian ay magsisimula sa lupa, na ganap na makatuwiran. Inililigtas ng Diyos yaong mga nagmamahal sa Kanya. Sa sandaling bumalik sila sa Kanyang kaharian, ang mga tao sa lupa ay haharap sa isang taggutom, salot, at sa pitong mangkok ng Diyos, pitong salot ang daranasin nang sunud-sunod. Ang langit at lupa ay lilipas, nguni’t hindi lilipas ang Aking salita!

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento